"Wala na po, Nay." Humahangos na sabi ni Amy, nakatukod ang munting mga kamay sa dalawang tuhod na akala mo'y malayo ang tinakbo e sa labas lang ng pintuan.
"Sigurado ka? Baka nasa tarangkahan lang. Ikaw naman tumingin Totoy, bilis! Huwag kang pahalata."
Aakyat na sana ng kwarto si Meng para magpalit ng damit nang pigilan siya ni Nay Ruby. "Ooops, titser Meng, diyan ka lang! Bawal tumakas."
Para siyang high school student na napa-back to your seat.
Hinarap ni Nay Ruby si Meng.
Umiling. Nakahalukipkip na nilibot ang maliit na sala nang dalawang ulit. Tingin ulit kay Meng saka tumango-tango naman. Ikot ulit ng dalawang beses saka umupo sa bangko kaharap ni Menggay.
(A/N: Sayang kung ginawang sanang sampung ikot, napatag sana nang konti ang lupang-luwad sa sala. Peace, Nay Ruby)
Magsasalita na sana siya nang saktong pagbalik ni Totoy na may dalang talbos ng kamote. Matalino at hindi nga nagpahalata.
"Nay, nakaalis na si Lola Salve. Inintay ko po siyang makalayo. Kunwari namimitas lang po ako ng talbos ng kamote sa parang."
"Maigi, maigi! Mabuti nang nakakasigurado. Teka Menggay, asan si Dok Tisoy? Nananghalian na ba 'yon?"
"Dumaan po muna sa tabing-ilog at titingnan daw niya kung may text galing sa health center."
"May health center ng Linggo? O siya, tayong dalawa muna ang mag-usap. Mga bata, usapang matanda na 'to. Ano pang ginagawa n'yo? Akyat na sa taas at siesta na. Matulog ng hapon at nang mabilis kayo tumangkad."
Hinintay ni Nanay Ruby na makaalis ang dalawang bata saka ulit hinarap ang gurong naging anak-anakan na niya.
"Kundangan naman Menggay, sa lahat ng lugar bakit doon pa sa may puno ng acacia kayo nagtagpo? Alam mo namang tagpuan yon ng mga magnobyo. E di ano pa nga ba'ng iisipin ni Salvacion? Ang bilis pa naman ng utak no'n! Nasa bayan ka pa lang, nasa Lucena na kuwento niya."
"Iniiwasan ko nga po kasing may makakita kay Ricardo. Malay ko pong dadating kayo?"
"E kaso, ayan! Si kumareng Salve na naman ang nakakita sa inyo. Sigurado ngayon pa lang nasa tindahan na 'yon ni Enyang, headline na kayo. Ang ipagdasal mo lang, yung bulate sa istorya e huwag maging ahas."
"Pasensiya na po. Pati kayo nadadamay."
"Aba! Buti nga at kasama ako. Hindi siya makakahabi ng dagdag na kuwento at siguradong kokontrahin ko siya!"
Hindi kumibo si Menggay.
Tinabihan siya ni Nay Ruby at inakbayan. "Ganito, titser Meng. Ang totoo, labas na 'ko kung anuman meron kayo ni Dok Tisoy. Bukod sa nasa edad ka na, ayoko namang pumapel na nanay at tatay mo nang wala sa lugar. Hindi ko puwedeng panghimasukan ang pribadong buhay mo. Basta ang akin lang, tandaan mo na andito ka sa Pinagpala. Reputasyon mo ang inaalala ko."
"Huwag kang mag-alala, Nay Ruby. Kakausapin ko po si Doc. Tingin ko, nabigla lang po 'yon na magpaalam manligaw dahil sa sinabi ni Aling Salvacion."
"Nabigla? May nabigla bang hindi maalis ang pagkaka-angkla ng kamay niya sa balikat mo?" Nanlaki ang mata ni Nay Ruby at biglang tinakpan ang bibig nang mapagtanto ang sinabi niya.
"Ayan na naman ako! Sabi ko di ako makikialam. Ayun na nga, malalaki na kayo. Alam n'yo na ang tama at mali. Ang punto ko lang, alalahanin n'yo ang mga propesyon n'yo. Isang doktor at isang guro. Iginagalang kayo ng buong bayan. Alam mo na 'yon! Uso pa sa Pinagpala ang GMRC kahit sa ligawan. Pero bukas ang bahay natin para sa kanya."
BINABASA MO ANG
Ako'y Kasama Mo (Ongoing)
FanficPaano kung magkita ang magkalaban sa honor roll pagkaraan ng 15 taon? Puwede bang bigyan ng pagkakataon ang pagkakaibigan o pag-ibig? Muli, salamat kay @heartastoria sa magandang book cover.