A/N: Kasalukuyang binabayo ng malakas na hangin at ulan galing kay #OmpongPh ang paligid. Kaya bago pa po mawalan ng kuryente, ito po ang isang maiking update, pasilip sa bagong yugto ng kwento ng ating mga bida.
Ingat po tayo lahat! Sana mabilis lang daan ni Ompong. Huwag na siyang magkape at mananghalian sa Pinas.
Pero gusto kong maiyak. Kasi alam ko nakalahati ko na 'tong chapter na 'to bago ko natulog kagabi. Hindi ko pala na-save tapos literally nag-crash laptop, abnormal power shutdown, hindi nag-autosaved ang Word, huhuhu! Ayan kasi, crush ka nang crush!
---------------
Lunes ng umaga. Simula ng bagong linggo.
"Anong crush-crush ang pinagsasabi mo teacher Menggay? Ano ka, high school? Ako nga'y tigil-tigilan mo! Isang bulati na lang ang di pumipirma, trenta anyos ka na, tapos crush pa rin ang linyahan mo? Excuse me!"
Nakasabay ni teacher Meng si teacher Poleng papasok ng school nang magkalakas-loob siyang ikuwento ang nangyari nung Sabado at Linggo. Kahit sa kanya lang muna. Para sabihin din na sagot niya ang baon nila ng isang Linggo, dahil natalo siya sa isang pustahang hindi siya ang nagsimula.
Saktong isang araw bago mag-isang buwan nang magkita ulit sila ni Ricardo. Tama si teacher Poleng. Talo siya.
At ito ang napala niya. Ang kutyain sa pagkakaroon ng crush sa edad na bente-nuebe.
"Sandali, teacher Meng, magkalinawan tayo. Diba sabi mo nagka-boyfriend ka bago ka napadpad dito sa Pinagpala? Kaya lang nag-break kayo?"
"Oo, co-teacher ko sa dating kong school at may iba na siyang 'happily ever after'. No hard feelings. Masaya din ako para sa kanya. Balita ko dalawa na anak nila."
"Bakit na nga kayo nag-break?"
"Hindi kami pareho ng gusto sa buhay. Sa madaling salita pa-silangan siya, pa-kanluran ako. Cannot be."
"Tapos, sa limang taon mo dito, ilan na din ang nagparamdam at nagpaalam manligaw sa 'yo diba. Hindi ko na iisa-isahin. May mga dayo pa. Cannot be pa rin. Si Kuya Pedro na ilang buwan ding nagtiyagang magbitbit ng gamit mo at pinapamili mo sa talipapa, sumuko na rin yata."
"Malay ko bang may motibo yung ginagawa niya eh hindi nga nakibo? Akala ko sinusundo lang niya yung pamangkin niya at nagkakataon lang na pauwi na rin ako. Kung sinabi ba niya nang maaga eh di nagkalinawan agad kami. Alam mo namang ayokong magpaasa ng manliligaw. Kung walang kabog sa dibdib pag nakikita ko, bagsak na agad! Bakit bibigyan pa ng pasang-awang grade na 75? Baka umasam pang ma-honor at makuha ang medalya e bokya na nga."
"Ayan tayo e! Ang passionate mong magpaliwanag pag sa ganyan pero pag dito kay Dok, ang tipid mong sumagot. Puro ka pa iwas sa tanong. Nahahalata ka tuloy."
Huminto sandali si Meng at mahirap ang mahabang dialogue pag umaakyat sa burol.
"Hindi kita magets teacher Poleng. Diba, nagkuwento na nga ako. Nagkita kami sa bayan. Siya ang bagong DTTB dito sa General Nakar. At inaamin ko na, dati ko siyang secret crush nung High School. Nung hindi pa esponghado ang buhok niya. Bonus information na 'yon."
"Alin, yung crush mo siya dati? Hindi ako pinanganak kahapon. Kahit matanda lang ako ng ilang paligo sa 'yo, papunta ka pa lang teacher Meng, tatlo na anak ko. Kaya puwede ba, tantanan mo 'ko? Nasagot mo na ang misteryo. Hindi lang crush 'yan oy!"
"Diretsahin mo na ko sa cross-examination mo teacher Poleng. 30 minutes na lang flag ceremony na, wala pa tayo sa school."
"Alam mo ang theory ko? Pa-effect lang yang ideal man mo. Ang totoo, kinukumpara mo kay Dok Tisoy lahat ng nakikilala mo. At kinakabahan ka ngayong nagkita ulit kayo dahil magtatagal siya dito. Tama ako, diba?"
BINABASA MO ANG
Ako'y Kasama Mo (Ongoing)
Hayran KurguPaano kung magkita ang magkalaban sa honor roll pagkaraan ng 15 taon? Puwede bang bigyan ng pagkakataon ang pagkakaibigan o pag-ibig? Muli, salamat kay @heartastoria sa magandang book cover.