"Ang ganda!" Malakas kong usal. Nang maabot namin ang tuktok ay hindi ko na alam kung anong mararamdaman ko.Kung kanina ay pakiramdam ko lamang pero ngayon totoong pinapaligiran ako ng mga bituin. Ilusyon man, wala na akong pakialam. Gusto kong maniwala kahit alam kong hindi totoo, gusto kong maging masaya.
Ang tuktok nito ay isang bulwagan na pinapaligiran ng mga nagkikislapang bituin. Lumulutang lamang ito. Para bang gumawa ng sariling kalawakan ang tuktok ng gusaling ito.
"Kasing ganda mo."
Napatalikod ako upang harapin siya. Nakapamulsa lamang siya habang matuwid na nakatayo.
Huminga ako ng malalim. Hindi ko alam kung anong reaksyon ang ibibigay ko sa kanya kaya pinanatili ko nalang blanko ang sariling mukha. Tumalikod ulit ako at ipinalibot ang tingin. Hindi ako makapaniwala.
"Pwede ko bang hawakan?"
"Pwede..."
Nilingon ko siya ng may ngiti. "Talaga?"
Binigyan niya ako ng tipid na ngiti ngunit alam kong tanda ito ng gusto kong marinig na sagot. Kaya walang pagdadalawang isip ay dahan dahan kong inangat ang mga kamay ko. Malakas ang kabog ng dibdib ko habang papalapit ang kamay ko sa isang bituing gusto kong abutin. Ngunit hindi ko pa man ito nahahawakan ay unti unti na itong namatay.
Bahagya akong nagulat at nahigit ang hininga sa nangyari. Nilingon ko siya nang may pagtatanong.
Bahagyang gumalaw ang gilid ng labi niya habang naliliit ang mga mata at napabuntong hininga, tiningnan niya ako na para bang sinasabi na alam niya na ganon ang mangyayari.
"B-bakit...anong nangyari?" tanong ko sa kanya. Hindi ko maiwasan ang pagkunot ng noo ko habang binibigyan siya ng kuryusong tingin.
"hmmm. Bakit nga ba?" Pagbalik niya ng tanong habang tiningnan lamang ako.
Mas lalo lamang akong nagtaka.
Naghintay ako nang sagot niya sapagkat hindi naman ako ang makakasagot sa sarili kong tanong pero wala akong natanggap. Tila ba'y kagaya ko ay hinihintay din niya ang sagot ko. Kumunot ang noo ko lalo hindi na dahil sa pagtataka. Binigyan ko siya ng matalim na tingin.
"Akala mo ba natutuwa ako sa mga kalokohan mo?"
Tinaasan lamang niya akong kilay. "Anong kalokohan?"
"Sinabi mo pwede kong hawakan?"
"Pwede naman talaga--"
"Eh bakit nawala?" pag putol ko. Hindi ko alam kung bakit bigla bigla ay bumabalik na naman. Nagagalit na naman ako. Hinihingal sa mga inusal na pinuno ko ng diin at paninisi.
Tiningnan lamang niya ako imbis na sagutin. Naniningkit ang mata, mistula ba'y pinagmamasdan ako at walang balak makipag partisipa sa pag uusap na binuo ko.
Sa inis ay malalaking hakbang ang iginawad ko sa kinatatayuan ko at tinungo ang pader na nilabasan namin kanina, subalit napahinto ako nang nasa harapan ko na ito at hindi man lang ito bumubukas.
"Dahil ba nabigo ka sa una ay susuko ka na? Paano mo mahahanap ang kislap na para sa mga kamay mo kung nagsisimula ka palang ay titigil ka na?"
Hinarap ko siya at pagod na tiningnan.
Nginitian niya ako. Dahan dahan ang paglapit niya subalit pakiramdam ko isang hakbang lamang iyon sapagkat kaharap ko na siya ngayon. Tumingala ako sa kanya at walang kareareaksyong tiningnan siya.
Ngumisi lamang siya habang tinitingnan ako. "Pagod ka na ba Cassi?"
"Pagod na akong marinig ang mga katuwiran mo." Malamig kong tugon.
BINABASA MO ANG
He's A Ghost (COMPLETED)
FantasyNasanay si Cassi na mabuhay ng mag isa. Ang malamig nitong mata ay simbolo ng matibay na harang na itinayo niya sa sarili niya laban sa lahat ng taong nakapaligid sa kanya. Takot itong makaramdam ng kahit na ano sapagkat iniisip niyang ito ay magdad...