Kabanata III: Hanna

3.8K 200 57
                                    

Maaga akong gumising katulad ng pinangako ko kay Nanay kahapon. Dahil maaga pa ay walang sawa sa pag-uutos ng kung ano-ano si Nanay sa akin. Pagflo-floorwax ng sahig, mag-igib ng tubig mula do'n kina Aling Thelma, at ang mamalengke para sa tanghalian namin mamaya.

Hindi nakabisita si Nanay kina Ninang Carmen kahapon dahil abala sila nina Aling Thelma sa kapilya. Aktibo si Nanay sa mga gawain sa simbahan kaya paminsan-minsan ay wala ito sa bahay. Matagal ng deboto si Nanay ni Senior Sto. Niño. Nang magkasakit noon si Tatay ay doon si Nanay nananalangin kay Sto. Niño na sana'y mas humaba pa ang buhay ni Tatay. Ngunit, kahit anong panalangin pa ang gawin ni Nanay ay kinuha pa rin ito ng Maykapal. Hindi naman siya nagkaroon ng sama ng loob sa Diyos. Sabi pa nga niya eh, wala na kaming magagawa kung oras na talaga kaya mas mainam na tanggapin na lang namin ang kapalaran ni Tatay.

"Bibisita tayo mamaya kina Ninang Carmen mo, ha?" paalala sa akin ni Nanay habang nagluluto ng i-uulam namin mamaya.

Bigla naman akong napangiti nang marinig ko ang sinabi ni Nanay.

"Talaga, Nay?" hindi makapaniwalang saad ko. "Wala ulit kayong lakad ni Aling Thelma?"

Umiling-iling si Nanay. "Kahapon lang 'yon. Malapit na kasi ang Santa Cruzan kaya gano'n. Gusto ko sanang magsagala ka, anak."

"Ha? Bakit ako?" gulat kong pahayag. "Nay, huwag namang gano'n. Alam mo namang wala akong hilig diyan. Eh, hindi nga ako nagsusuot ng mga gano'ng damit."

"Iris, gusto ko lang namang maranasan mo ang magsagala." Sabi nito sa akin. "Alam mo, noong kabataan ko, pinagsagala ako ng Lola mo. Hindi nga lang ako ang Reyna Elena."

Napabusangot ako. "Hindi ako magsasagala."

"Iris," mariing banggit ni Nanay sa pangalan ko.

"Ayaw ko nga, Nay. Ayaw kong magsagala. Ayaw kong magsuot ng gano'ng damit maski ang magsuot ng takong at saka ang malagyan ng kolorete sa mukha." Pag-didiin ko. "Magaganda lang ang nagsasagala, Nay. Hindi ako bagay do'n. Mas mabuti pa kung sina Rhea at Mary Anne na lang ang kunin niyo."

Nilapitan ako ni Nanay at tinabihan sa may upuan. "Anong hindi bagay sa sagala? Ang ganda-ganda mo nga, eh. Tignan mo, para kang beauty queen."

"Nay naman, eh..."

Niyapos ako ng yakap ni Nanay. "Ang ganda-ganda talaga ng unica hija ko."

Sa isipan ko, muntikan na akong masuka.

"Ayaw ko talaga, Nay."

"Bahala ka. Hindi ka lalabas ng bahay. Dito ka lang buong maghapon."

Nataranta ako bigla.

"Paano ang pagpunta natin kina Ninang Carmen?"

"Tutuloy ako mamaya. Sasabihin ko kay Ninang Carmen mo na kaya kita hindi sinama dahil makulit ka."

"Naaay..."

Paano ko makikilala ang anak ni Ninang Carmen?

"Magsasagala na nga lang ako," bulong ko.

"Kailangan lang pa lang takutin ka."

xxx

Good mood si Nanay habang naglalakad kami papunta kina Ninang Carmen. Bakit ba hindi siya magiging good mood eh, pumayag na akong magsagala ngayong darating na Santa Cruzan. 'Yong pagiging beauty queen na sinasabi ni Nanay? Naku, isang malaking kasinungalingan 'yon. Ni ayaw ko ngang magsuot ng mga magagarang damit, ang maglagay ng kolorete sa mukha dahil magmumukha akong clown, at ang magsuot ng sapatos na may takong.

Binata na si IrisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon