Kabanata XX: Pagbabalik

2.1K 110 31
                                    

Hanggang sa matapos ang last subject sa hapon ay hindi ko tinantanan ng text si Hanna. Paulit-ulit ko na ring tsinek ang mensahe niya baka namamalik-mata lang ako dahil sa pangungulila. Hindi lang yata limang beses kong binasa ang text message ni Hanna para masigurong nagpadala talaga siya ng mensahe.

Marami akong text message na ipinadala sa kanya ngunit ang text message niyang iyon ang naging una at huli lamang. Ngunit nakapagtataka ang mensahe niyang iyon. Bakit ayaw niyang ipaalam ko kay Ninang Carmen ang tungkol sa pag-uwi niya? Paniguradong matutuwa iyon kapag ibinalita ko sa kanya.

Ayaw ko sanang mag-isip ng hindi maganda tungkol sa biglaang pag-uwi ni Hanna ngunit hindi ko magawa. Parang ayaw mapanatag ng loob ko dahil sa ideyang tumatakbo sa isipan ko.

Hindi na ako sumabay sa mga kaibigan ko sa pag-uwi. Bahala ng mag-isip sila ng kung ano-ano basta't uuwi na ako. Dali-dali akong naglakad patungo sa bahay ni Ninang Carmen upang matunghayan ko ang pag-uwi ni Hanna.

Medyo madilim na nang makarating ako sa bahay ni Ninang Carmen.  Nasa labas lamang ito ng bahay habang inaayos ang mga bulaklak na nakalagay sa may paso. Habang ako naman ay maingat na nagtatago sa may likuran ng puno. Hangga't sa maaari ay hindi dapat ako makita ni Ninang Carmen baka hindi ko mapigilan ang sarili kong sabihin sa kanya na uuwi na si Hanna.

xxx

Mga trenta minutos akong nagtago sa may puno ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin dumarating si Hanna. Tinignan ko ang oras sa may lumang cellphone at saktong alas-sais na ng gabi. Siguradong lagot ako kay Nanay mamayang pag-uwi ko kaya ngayon pa lang ay dapat mag-imbento na ako ng dahilan.

Siguro sasabihin ko na lang mamaya na gumawa kami ng project sa bahay ng kaklase ko.

Kanina pa ako panay kamot sa braso dahil sinimulan na akong papakin ng mga lamok dito sa pinagtataguan ko. Nagpalinga-linga na rin ako sa paligid upang tignan kung may paparating na bang tricycle ngunit sa kasamaang palad ay wala pa. Kumalam na rin ang sikmura ko dahil sa gutom at buti na lang bumili muna ako kanina ng Chippy na pula bago ako pumunta rito.

Nilibang ko lang muna ang sarili ko sa pagkain hanggang hindi pa dumarating si Hanna. Paminsan-minsan ay sumasagi rin sa isipan ko na baka niloloko niya lang ako para hindi na ako makapag-text sa kanya. Hindi naman niya siguro ako bibiruin ng gano'n.

Papatapos na sana ako sa pagkain ng may mamataan akong paparating na tricycle. Hindi ko na lamang tinuloy ang pagkain ko at isinilid ko na lamang ito sa loob ng aking bag. Kaagad na akong tumayo at mabilis na sumilip mula rito sa aking pinagtataguan.

Huminto ang tricycle sa tapat ng bahay ni Ninang Carmen at napangiti na lamang ako ng makita ko si Hanna na palabas dito. Babanggitin ko na sana ang pangalan niya ngunit hindi ko na ito naituloy pa ng sumunod sa lumabas si Kevin.

Napahigpit ang kapit ko sa strap ng aking bag. Ano na ba ang nangyayari rito?

xxx

Sa tapat ng pinto ng bahay ay parang nag-aalinlangan si Hanna sa pagkatok. Mukhang pati rin siya ay hindi naging handa sa kanyang pag-uwi. Napansin ko rin ang paghawak ni Kevin sa balikat ni Hanna na parang naninigurado at dito ko naman nakita ang pagtango ni Hanna sa kanya.

Hindi nagtagal ay kumatok na si Kevin sa pintuan ngunit hindi pa rin ito binubuksan ni Ninang Carmen. Samantala ako ay lumipat ng pwesto na pinakamalapit sa bahay nila. Maingat na lamang akong nagtago sa may halamanan upang malaman ko kung ano na nga ba ang nangyayari ngayon.

Sumubok ulit si Kevin sa pagkatok at sa pagkakataong ito ay pinagbuksan na sila ni Ninang Carmen na halatang gulat sa kanyang nakikita.

"H-Hanna?" dinig kong usal ni Ninang Carmen at mabilis niya itong niyakap.

Napangiti ako sa aking nasaksihan. Miss na miss na talaga nila ang isa't isa.

"Buti naman umuwi ka na," sabi pa ni Ninang Carmen. "Masyado akong nag-alala sa iyo. Akala ko kung napa'no ka na doon. Hindi mo man lang ako tine-text."

"Sorry, Ma." Maikling sambit nito at humiwalay na kay Ninang Carmen.

Napatingin naman si Ninang kay Kevin na puno ng pagtataka.

"Sino siya, Hanna?" tanong ni Ninang habang nakatingin pa rin kay Kevin.

Napansin ko na naman ang pag-aalinlangan ni Hanna ng tanungin siya tungkol kay Kevin.

"Ma," bigkas ni Hanna at unti-unti na nitong inabot ang kamay ni Kevin upang hawakan. "Si Kevin po, Ma. N-Nobyo ko."

Isang malakas na sampal ang nasaksihan ko. Parang tumigil ang mundo dahil dito.

Gusto ko sanang ihakbang ang kanang paa ko upang takbuhin si Hanna at yakapin. Alam kong nadudurog ang puso niya sa mga oras na ito kaya't nasasaktan ako para sa kanya.

"Ano pang gustong sabihin mo?" mariing tanong uli ni Ninang Carmen kay Hanna na umiiyak.

"M-Ma, sorry." Tanging nasasabi na lamang ni Hanna ng paulit-ulit.

"Paano mo nagawa sa akin 'to?"

Umiling-iling si Hanna habang umiiyak pa rin hanggang sa lumuhod na ito sa harapan ni Ninang Carmen na ikinagulat ko. "M-Ma, I'm sorry. B-Buntis po ako, Ma. Sorry, Ma. S-Sorry."

Para akong pinasabugan ng bomba sa aking narinig. Buntis si Hanna. Buntis ang babaeng mahal ko.

Narinig ko ang sigaw ni Ninang Carmen na puno ng sakit at pighati hanggang sa tuluyan na niyang pinagsasampal ng paulit-ulit si Hanna habang pinipigilan naman siya ni Kevin.

"Napakawalang hiya mo!" sinampal niya ulit si Hanna at napahagulgol naman ito ng iyak. "Ibinigay ko sa'yo ang lahat ng luho at pagmamahal, presterhiyosong unibersidad, suporta dahil sa kagustuhan mong mag-nursing at mag-review sa lungsod para sa nalalapit mong board exam pagkatapos magpapabuntis ka? Ano ba ang tumatakbo sa isipan mo, Hanna? Ang tali-talino mo ngunit pinairal mo ang pagiging bobo sa pag-ibig! Ipinagpalit mo ang kinabukasan mo sa letseng pag-ibig na 'yan!" galit na sigaw ni Ninang Carmen na halos magpatayo sa lahat ng balahibo ko sa katawan.

"Hindi mo sinunod lahat ng pangaral ko sa'yo! Ano na lang ang sasabihin ng ibang tao kapag nalaman nila ang nangyari sa'yo? Na isa kang suwail na anak? Na hindi mo man lang ginamit ang utak mo? Baka nasa akin ang problema, anak. Nagkulang ba ako bilang isang ina sa'yo?" sunod-sunod ng tanong ni Ninang habang umiiyak. "Sagutin mo ako! Ano ba ang naging pagkukulang ko?"

Hindi nakaimik si Hanna patuloy pa rin ito sa pag-iyak.

"Kung nakinig ka lang sa'kin, Hanna." Naiiyak na sambit ni Ninang.

"M-Mahal ko po si Kevin. Matagal ko na po siyang karelasyon s-simula pa noong nasa kolehiyo pa ako."

Halos mabaliw si Ninang Carmen sa kanyang mga naririnig. Parang hindi kayang tanggapin ng pagkatao niya na matagal na siyang pinaglilihiman ni Hanna.

"Anong alam mo sa pag-ibig, Hanna? Hindi ka mapapakain ng mahal-mahal na 'yan! Ginamit mo sana ang utak mo!" sigaw nito at tuluyan na itong pumasok sa loob ng bahay na wala man lang pasabi.

Hindi na ulit nakaimik pa si Hanna tuloy pa rin siya sa pag-iyak habang nakayakap kay Kevin. Hindi na rin ako nakapagtimpi pa. Lumabas na ako sa aking pinagtataguan at pinahiran ang aking mga luha.

"Hanna!" tawag ko sa kanya.

Binata na si IrisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon