Kabanata XXXIII: Balik-tanaw

2.4K 160 11
                                    

Habang abala kami pareho ni Angela sa pagsusunog ng kilay ay hindi ko na napigilan pa ang sarili ko na ikwento sa kanya na nakita ko na si Hanna. Hindi ko alam kung bakit pero parang pakiramdam ko ay kailangang ikwento ko sa kanya lahat ng nangyari sa akin nitong mga nakaraang araw. Siguro baka nakokonsensya lang ako kasi minsan na lang kami nagkakausap ni Angela dahil puro si Hanna na lang ang pinoproblema ko araw-araw.

Inilapag ko lang muna ang librong binabasa ko sa gilid ng unan ko. Tinignan ko si Angela na abala sa pagbabasa na halos idukdok na niya ang sariling mukha sa hawak niyang libro. Halos gabi-gabi ganito ang eksena naming dalawa sa dorm --- ang pagsusunog ng kilay. Kahit na iniisip ko si Hanna ay hindi ko pa rin nakalimutan ang responsibilidad ko bilang estudyante, kaya heto ako ngayon, nagbabasa at nagso-solve dahil kailangan kong bumawi sa dalawang subject ko na hindi ko pinasukan.

"Alam mo, nakita ko na si Hanna." Sabi ko sa kanya ngunit hindi pa rin ito umimik at abala pa rin ito sa kakabasa ng kanyang libro. Napakamot naman ako ng ulo at nagpasyang humiga sa kama. "Uy, mag-react ka naman. Para akong tanga rito."

"Anong sinabi mo kanina?" tanong naman nito at itinigil ang kanyang ginagawa. Hinarap niya ang upuan sa akin at dumekwatro ito na parang wala siyang interes sa ikukwento ko.

Napabuntong hininga ako at sinulyapan siya. "Sabi ko, nakita ko na si Hanna."

"Eh?" tanging nasambit lamang nito. "Hanna? Iyong crush mo?"

"Ito naman, oh." Maktol ko. "Parang 'di ka naman interesado, eh."

Tumawa naman siya at napasandal sa upuan. "Niloloko mo lang naman ako, eh. Paano naman mangyayari 'yon, aber?"

"Nakita ko na nga siya, promise, totoo." Giit ko sa kanya at kinuha ang libro na nasa gilid ko saka binuklat ito. "Sa may karinderya kami nagkita, bumibili siya ng sigarilyo. Pagkatapos, tumakbo siya palayo kaya hinabol ko siya at tinawag pero hindi siya tumigil. Nang mahabol ko siya sa tinutuluyan niya eh, pinapaalis niya ako. Ayaw niya akong makita." Kwento ko sa kanya at nagpatuloy pa rin ako sa pagpapalipat-lipat ng pahina ng libro na hawak ko.

"Kanina, nag-away kami ni Patrick, nag-init ang ulo ko sa kanya kaya umabsent ako sa dalawang subject ko kahit may recitation kami kay Sir Magpantay." Tuloy ko sa kwento ko sa kanya.

"Loko ka," singit nito sa akin. "Paano ang grades mo niyan? Eh, sa'n ka naman nagpunta kanina?"

"Pumunta ako kay Hanna," sagot ko sa kanya. "At, doon ko nalaman lahat... lahat ng tungkol sa kanya. Ewan ko nga, eh, kanina pakiramdam ko ayos lang ako pero ngayon bakit parang masakit? Nababaliw na yata ako. Binabaliw ako lalo ni Hanna." Sabi ko sa kanya at ibinagsak ko ang libro sa mukha ko saka nagsimula na akong umiyak.

May isang parte sa akin na nagagalit ako sa sarili ko kasi wala man lang akong magawa kay Hanna. Hindi ko man lang siya masalba sa kalungkutan niya. Wala man lang akong magawang matino dahil pakiramdam ko mas lalo ko pang dinudurog si Hanna kapag lumalapit ako sa kanya.

Naramdaman ko na lamang ang mahihinang pagtapik ni Angela sa braso ko na parang pinapatahan ako nito sa mahinang pag-iyak ko. Tinanggal nito ang libro na nakapatong sa mukha ko kaya't tinakpan ko ang sarili gamit ang dalawang kamay ko. Ayokong makita ako ni Angela na ganito kamiserable, ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakikita niya akong mahina dahil lamang sa pag-ibig.

"Alam mo, Iris, wala akong masyadong alam sa pag-ibig kasi puro aral lang ang inaatupag ko. Pero sa ngayon kahit papa'no ay nakikita ko na mahal mo talaga si Hanna." Sabi nito sa akin. "Kung gusto mong umiyak at magalit, nandito lang ako. Papakinggan kita kahit murahin mo pa ang mundo. Kaibigan mo ako, Iris. Matalik na kaibigan kita."

Napapunas ako ng luha gamit ang likod ng kamay ko dahil sa sinabing iyon ni Angela. Kahit papa'no naramdaman ko ngayong gabi na hindi ako nag-iisa.

Binata na si IrisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon