Kabanata VIII: Binata

2.7K 162 27
                                    

"Uy, may tsismis ako!" anunsyo ni Mary Anne nang makarating ito sa tambayan namin. Umarko naman ang kilay ni Jolo at umupo sa may ugat ng puno.

"Ang aga-aga may tsismis ka na naman," inis na sabat nito.

"Eh, huwag kang makinig." Pagtataray ni Mary Anne.

Nagkamot ng ulo si Jolo. Wala siya sa mood. Nakabusangot ang mukha.

"Kung nando'n lang si Ate Hanna sa bahay nila eh, 'di sana nando'n tayo ngayon." Nanghihinayang na wika nito.

Tinabihan ko naman siya sa pag-upo. "Uy, huwag naman nating araw-arawin. Nakakahiya," sabi ko.

"Sus, baka gusto mo lang siya masolo." Singit ni Jimboy.

Napapalatak si Rhea. "Ang mahirap kasi sa inyo, magkakagusto na nga lang kayo sa iisang babae pa."

"Gaya-gaya kasi," bulong ni Jimboy.

"Gaya-gaya mo ang mukha mo," si Jolo na ang nagsabi.

Nakakabagot nga. Wala sina Hanna at Ninang Carmen nang magpunta kami sa bahay nila. Ang sabi sa amin ay mukhang nagpunta raw sila sa lungsod. Hindi nga lang nasabi kung anong oras sila uuwi.

"Siya nga pala, kasama ka ba sa sagala bukas, Iris?" tanong sa akin ni Rhea.

Mas lalong nalukot ang mukha ko. Oo nga pala't bukas na ang simula nang sagala. Ang araw ng paghuhukom dahil paniguradong magbe-bestida ako. Sa katunayan ay ayaw kong magsuot no'n. Lahat ay ayaw ko. Pinipilit nga lang ako ni Nanay sa mga bagay na ayaw ko.

Matamlay akong tumango. Nabigla naman sina Jolo at Jimboy sa naging sagot ko.

"Ows?"

"Are you joking?" naniniguradong tanong ni Jolo. "Naks, english 'yon."

"Kainis nga, eh." Himutok ko. "Napa-oo lang naman ako dahil baka hindi ako isama ni Nanay sa pagpunta kina Ninang Carmen."

"Hindi mo makikita si Hanna," sabi ni Mary Anne.

"Tumpak!" sang-ayon ni Rhea. "Pa'no 'yan? Magbe-bestida ka rin kagaya namin?"

Ngumiwi si Jolo. "Ano? Magsasagala kayo? 'Nak ng tokwa."

"Bakit? Bawal ba, ha?" nakapamewang na wika ni Mary Anne. "Itong ganda ko, hindi magsasagala?"

Nagpaypay si Jimboy gamit ang dalawa niyang kamay. "Grabe, ang hangin. Ramdam mo ba ang malakas na hangin, Iris? Tinatangay na kasi ako sa sobrang lakas ng hangin."

Nagtawanan kami pareho ni Jolo.

"Ayan, GGSS na naman." Pang-aasar ni Jolo kay Mary Anne ngunit tinarayan lang siya nito.

"Teka nga, Iris. May tanong ako," si Jimboy na. "Nililigawan mo na ba si Ate Hanna?"

Halos mamuti ang mga mata ko dahil sa katanungan ni Jimboy. Anong ligaw ang pinagsasasabi niya? Nanliligaw na nga ba ako?

Napansin kong nagpipigil ng tawa sina Rhea at Jolo. Medyo naguluhan ako. Ano ba kasi ang pinagsasasabi nila?

"Huwag mong sabihing... hindi mo alam kung ano ang ligaw?" pilyong tanong sa akin ni Jimboy.

Humalukipkip ako. "Hindi nga! Ano ba 'yon?"

"Totoo?" manghang tanong ni Mary Anne.

"Okay, okay. Kami na ang magpapaliwanag. Kami ang mga expert pagdating diyan." Nagyayabang na saad ni Jolo.

"Yucks!" may pagkadisgustong wika ni Mary Anne. "Expert mo ang lelang mo. Hindi ka pa nga nagkaka-girlfriend."

"Kung ligawan kita, ha?" hamon ni Jolo.

Binata na si IrisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon