Kabanata XXX: Habol, Iris! Habol!

2.3K 157 23
                                    

"I-Iris?" paos na bigkas ni Hanna sa pangalan ko.

Napalunok ako ng sariling laway. Totoo na talaga 'to, kaharap ko na ngayon si Hanna.

Nakatitig lamang ako sa kanya nang matagal na parang sinasamba ko siya sa aking paningin. Masasabi ko talagang malaki na ang ipinagbago ni Hanna ngayon.

Hindi na siya katulad ng dati na inosente tignan dahil ngayon ay para na siyang anghel na ipinatapon sa lupa. Mas maiksi na ng bahagya ang kanyang buhok na dati ay hanggang balikat lamang niya, mapula na ng husto ang kanyang mga labi dahil sa kapal ng lipstick, at higit sa lahat ay halos maghubad na ito sa harapan namin ngayon dahil sa sobrang iksi ng damit at shorts na suot niya.

Hindi ko na makita sa kanya ang Hanna na lagi kong ipinagdadasal na mapanaginipan noon.

"Magkakilala kayo?" singit naman ni Patrick na halata rin ang pagtataka.

Napansin ko ang bahagyang pag-atras ni Hanna sa kanyang kinatatayuan kaya inalis ko muna ang braso ni Eunice na nakaakbay sa balikat ko. May kutob akong tatakbo na naman si Hanna palayo sa akin.

"H-Hanna," maingat kong sambit sa pangalan niya habang dahan-dahan ko siyang nilalapitan, "mag-usap tayo."

Umiling si Hanna na ikinadurog ulit ng puso ko. Hanggang ngayon, bakit gusto niya pa rin akong pagtaguan?

Hindi ako nagkamali nang iniisip na tatakbuhan niya ako dahil naging mabilis ang mga galaw niya. Kinuha niya kaagad ang binili niyang isang kaha ng sigarilyo at mabilis na tumakbo. Hindi ako nagdalawang-isip na habulin siya kaya naiwan ko ang mga kaibigan ko na walang alam kung ano na ba ang nangyayari sa akin ngayon.

"Hanna!" tawag ko sa kanyang pangalan habang patuloy ko pa rin siyang hinahabol. Ngunit, kahit anong gawin kong pagtawag sa kanya ay mukhang wala siyang balak na tumigil.

Pinagtitinginan na nga kami ng mga taong nakakasalubong namin sa daan dahil sa larong habulan namin na ako na naman ang taya.

xxx

Pumasok sa isang masikip na eskinita si Hanna at kaagad naman akong sumunod do'n. Kahit na pagod na ako sa kakahabol sa kanya ay hindi ko pa rin siya tinantanan hanggang hindi niya pa rin ako kinakausap.

"Hanna!" tawag ko ulit ngunit nagbingi-bingihan lamang ito.

Patuloy pa rin siya sa pagtakbo hanggang sa tumigil ito sa tapat ng isang lumang bahay na nababakbak na ang pintura.

Nang maabutan ko siya ay mabilis kong hinawakan ang kanyang kanang braso para hindi na siya makawala pa. Akala ko hindi siya magpupumiglas ngunit buong lakas niya akong itinulak palayo sa kanya.

"Umalis ka na!" bulyaw nito sa akin at kaagad na binuksan ang pinto.

Naging mabilis naman ang pagkilos ko dahil halos magkasabay lang kaming nakapasok sa loob at kaagad ko namang ni-lock ang pinto para hindi na rin niya ako matakasan ulit.

"Hindi ka ba nakakaintindi?" tanong sa akin ni Hanna.

Ramdam ko ang galit niya sa akin sa bawat salitang binibitiwan niya.

Nanatili lang akong nakatayo sa may likuran ng pinto, naghihintay ulit sa mga sasabihin niyang masasakit na salita sa akin.

"Umalis ka na sabi!" singhal nito sa akin sabay bato nang hawak niyang isang kaha ng Phillip Morris at tumama ito sa mukha ko. "Ayaw kitang makita!"

Doon na ako mas lalong nadurog. Naikuyom ko na lamang ang aking kaliwang kamay dahil sa galit sa sarili ko. Hindi ko man lang nakayang saluhin ang galit ni Hanna sa akin, hindi ko man lang siya nagawang isalba.

"Limang taon akong naghintay sa pagkakataong ito, Hanna..." mahinang wika ko sa kanya.

Halos maluha-luha na ako dahil hindi ko man lang nakayang sikmurain ang pagpapaalis niya sa akin. Gustuhin ko mang pigilan ang pagluha ko ay hindi ko magawa. Sadyang gusto lang talagang lumuha ng mga mata ko sa mga sandaling ito.

Pinulot ko ang Phillip Morris na ibinato niya kanina-kanina lang at pinagmasdan ito. Ayokong mahalata niyang umiiyak na pala ako sa harapan niya.

"Kung alam mo lang kung gaano ako kasabik na makita ka sa mga panahong iyon," sabi ko sa kanya. "Kung alam mo lang kung gaano ako kasaya ngayon."

Napahinga ako nang malalim pagkatapos kong sabihin ang mga katagang iyon. Hindi magtatagal ay bibigay na ako at masisira na naman ulit kagaya noon.

Wala na akong nagawa kundi ang ipikit na lamang ang mga mata ko at inaalala ang masayang mukha ni Hanna noon at sandaling napabuntong hininga dahil wala na ang mga ngiti niyang iyon.

"Please, Iris, umalis ka na." Mariing sambit nito sa akin na nagpapatunay na ayaw niya talaga akong makita.

Tinignan ko siya sa kanyang mga mata na parang binabasa ang kanyang kaluluwa. Malungkot. Sobrang lungkot na ayaw nang magpasagip pa.

Huminga ako nang malalim. Maluwag kong tatanggapin ang gusto niya kahit masakit sa kalooban ko.

Nilapitan ko siya sa kanyang kinatatayuan para ilapag ang sigarilyo sa ibabaw ng mesa na nasa tabi niya. Pasimple ko siyang tinignan ngunit nagbawi rin naman ako kaagad nang tingin.

"Magandang gabi, Hanna." Mahinang bati ko sa kanya at kaagad nang lumayo. Napansin ko naman ang malalim niyang pagbuntong hininga at sinumulan ko nang buksan ang pinto ng bahay.

xxx

Bagsak ang katawan ko nang makarating ako ng dorm. Tapos nang maghapunan si Angela samantala ako ay walang ganang kumain. Mas gusto ko na lang humilata at manalangin na rin na sana ay nanaginip na lang ako kanina.

Hindi ko na rin napansin kanina na tinadtad pala ako ng text nina Clark at Patrick. Hindi ko na rin binasa ang mga text message nila dahil sa dami. Alam ko naman na kasi kung tungkol saan 'yon, sigurado tatanungin lang nila ako tungkol kay Hanna.

"Nag-inom na naman kayo, 'no?" sita sa akin ni Angela habang abala ito paglilinis ng kuko sa paa.

Humiga na lang ako sa higaan ko at ipinatong ang kanang braso sa aking sentido. "Sana naglasing na lang talaga ako," nanghihinayang na sambit ko.

"Sus, 'kala mo naman kung sinong manginginom..." panunuya pa nito sa akin ngunit hindi ko na rin pinansin pa.

Ayoko munang magkwento ngayon habang masakit pa. Sa akin lang muna ito hanggang sa lumipas na.

Wala na talaga akong alam tungkol kay Hanna ngayon. Tama nga ako noon, masyado na siyang komplikado ngayon dahil hindi ko na alam ang takbo ng isip niya. Marami na ang nagbago sa kanya, parang nangangapa ulit ako sa dilim dahil dito. Kumbaga sa document na ni-save ko sa computer, back to zero na naman ako dahil na-delete o na-format ko ang mga ito.

"Uy, kain ka muna do'n." Sitsit ulit ni Angela ngunit tinalikuran ko lang siya.

"Ayoko. Wala akong gana." Matamlay kong tugon at niyakap nang mahigpit ang unan na nasa tabi ko.

Ipinikit ko na lang ang mga mata ko at pinilit ang sarili ko na magbalik-tanaw noong una naming pagkikita ni Hanna at noong unang beses kong nahawakan ang kamay niya.

"Bahala ka, mas lalo kang lulungkot niyan," makahulugang sabi nito na para bang alam niya ang mga nangyayari sa akin ngayon.

Hindi na rin ako umimik dahil sa sinabi niyang iyon. Matagal na rin naman akong malungkot. Sanayan na lang din kahit masakit at labag sa kalooban ko.

Binata na si IrisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon