Kabanata XXIII: Angela

2.3K 141 7
                                    

Nairaos ko ang report ko sa Araling Panlipunan tungkol sa Kolonyalismo at Imperyalismo sa Silangan at Timog Silangang Asya kahit na masyadong napiga ang utak ko kakapaliwanag sa mga kaklase at sa subject teacher ko. Panay na nga ang panalangin ko kanina na sana tumigil na sa kakatanong sa akin si Ma'am Cindy dahil hindi ko na talaga kayang sumagot pa. Hindi naman porke't ako ang valedictorian ng batch namin noong elementary ako at nasa section one ako ngayong high school ay sobrang galing ko na, nahihirapan din naman ako kahit papa'no.

Sumunod na nag-report ay si Angela Tejones, ang crush ni Jolo. Angela Tejones. Full name niya na paulit-ulit na sinasambit sa akin ni Jolo kagabi noong nasa computer shop kami. Hindi niya tinantanan ang mga pictures niya sa Facebook dahil gandang-ganda nga siya sa kaklase ko.

May pagka-masungit nga si Angela lalo na kapag may mga kaklase at mga taga-ibang section na nagpapalipad hangin sa kanya. Maganda siya at tama doon si Jolo. Mestiza at palaging namumula ang mukha kapag humahagalpak ng tawa. Maiksi ang itim na itim niyang buhok at parang palaging mabango. Higit sa lahat, magaling siya sa klase, siya rin ang paborito kong reporter kapag pinapa-report kami.

Minsan napapaisip ako kung ilan ba ang IQ ni Angela pagkatapos ay kung bakit hindi siya ginawang class president ng klase namin. Eh, kung pupwede lang dapat siya na rin ang humawak sa lahat ng posisyon ng class officers.

"Maraming salamat sa pakikinig!" nakangiting pagtatapos ni Angela sa kanyang report. Nagpalakpakan naman lahat ng mga kaklase ko dahil pati rin sila ay galing na galing sa kanya. Hindi na nga nakapagsalita pa ang subject teacher namin dahil si Angela na rin mismo ang parang naging teacher namin sa Araling Panlipunan ngayong araw.

Nakapangalumbaba ako habang sinusundan ko ng tingin si Angela habang pabalik ito sa kanyang upuan. Inayos niya ang kanyang mga gamit at mukhang naramdaman nitong may nakatingin sa kanya dahil napatingin ito sa gawi ko.

"Grabe, ang galing talaga ni Angela, 'no?" bulong sa akin ni Joel na katabi ko ng upuan.

Ngumiti na lamang ako kay Angela at kaagad na nag-iwas ng tingin.

"Sinabi mo pa," sagot ko na lamang.

"Kailan kaya ang birthday niya?" bulong ulit ni Joel at nangalumbaba na rin sa may armrest saka nagkunwaring nakikinig sa mga sinasabi ng subject teacher namin. "Alam mo ba, Iris?"

Umayos ako ng upo. "Hindi, eh." Mahinang sagot ko at panaka-nakang tumitingin sa subject teacher namin sa harapan. "Hindi naman kami close."

Nagkibit-balikat si Joel. "Sabagay, gano'n din naman kami." Sabi naman nito at hindi na ulit pa nasundan ang pag-uusap naming iyon dahil baka mahuli kaming dalawa ng subject teacher namin na tuloy-tuloy pa rin sa pagdi-discuss.

xxx

"Hi!"

Napatigil ako sa pagtatapon ng basura nang marinig ko ang pamilyar na boses na iyon. Hapon na kasi at tapos na ang last subject namin kay Teacher Daisy saka isa rin ako sa mga daily sweepers ngayon. Pinagpag ko muna ang dalawang kamay ko at ibinaba ang maliit na basurahan na bitbit ko. Nilingon ko kaagad si Angela na may dala-dalang walis.

"H-Hello?" nagtatakang bati ko naman sa kanya dahil ito ang kauna-unahang beses na kinausap niya ako. Natawa naman si Angela sa naging reaksyon ko. Pinaglaruan niya ang walis sa kanyang mga kamay.

"Nakatingin ka sa akin kanina," diretsong wika nito sa akin na ikinagulat ko. Mali ba ang ginawa ko? Bawal ba 'yon?

Nataranta ako bigla dahil hindi ko alam ang sasabihin ko. Pakiramdam ko hinahalukay ng mga sinabi niyang iyon lahat ng lamang loob ko sa katawan. "G-Gano'n ba? Pasensya ka na."

Binata na si IrisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon