Kabanata XLI: ...Have You?

2.7K 164 54
                                    

Kinabukasan ay umalis kaagad ako ng bahay ni Hanna na may ngiti sa labi. Buong magdamag kaming magkasama habang dahan-dahang nagsasayaw sa ilalim ng puting ilaw na nakakabit sa itaas ng kisame.

Hindi ko pinalampas ang bawat minutong dumaraan na magkapiling kaming dalawa. Naging mahigpit ang bawat hawak ko sa kanya na parang ayaw ko nang bitiwan pa. Ayoko nang mawalay pa ulit siya sa akin kagaya noon. Gusto kong nasa malapit lamang siya at nandiyan pa rin siya sa tabi ko na maaari kong puntahan araw-araw.

Kahit nakapikit ako sa mga oras na iyon ay alam kong isa 'yon sa mga pinakamasayang sandali sa buhay ko na kasama si Hanna.

Pilit kong kinalimutan ang mga sinabi sa akin ni Hanna noong gabing iyon. Ikinubli ko lahat ng mga salita niya sa isang parte ng isipan ko. Hindi naman niya siguro ako iiwang muli katulad nang paglayo niya sa amin noon. Naiparamdam ko naman siguro kay Hanna kung gaano ko siya kamahal at kung gaano ko siya pinapahalagahan.

Ramdam naman yata siguro ni Hanna na sobra ko siyang minamahal.

Nagpaalam ako kay Hanna na dalawang araw akong hindi muna magpupunta sa bahay niya. Gusto ko munang pagtuunan ng pansin ang pag-aaral ko para sa nalalapit naming midterm. Ipinaliwanag ko sa kanya na ayaw ko nang malaglag pa sa isang subject namin na halos igapang ko na araw-araw. Pumayag naman si Hanna sa naging kagustuhan ko, wala naman daw siyang problema, kailangan ko raw mag-aral nang mabuti dahil malayo pa raw ang mararating ko sa buhay.

Medyo nakaramdam ako nang pangamba habang sinasabi ni Hanna sa akin ang mga katagang iyon. Naisipan kong bawiin ang mga sinabi ko upang masigurado na mali ang mga iniisip ko. Pero, alam ko sa sarili ko na naniniwala ako sa kanya. Hindi na ulit gagawin 'yon ni Hanna. Hinding-hindi na talaga.

Nagyaya ulit ng group study si Clark sa amin na hindi ko na pinalampas pa. Library daw muna kami upang makahiram ng libro na maaari naming gamitin.

"Hoy," untag sa akin ni Eunice na nasa aking tabi. Nasa labas kami pareho ng library, nag-aalangang pumasok dahil lumilipad na sa ibang planeta ang utak ko.

"Uy," tanging nasabi ko lamang nang maramdaman ko ang pagsundot niya sa tagiliran ko.

"Sa'ng planeta ka na? Jupiter?" pabirong tanong nito sa akin.

Tumaas naman ang kilay ko sa sinabi ni Eunice.

"Hindi. Nasa Neptune na ako." Sakay ko sa kanya at sumimangot naman ito.

Napapahid na lamang ako ng pawis sa noo. Sabado at alas-nuwebe na ng umaga. Tirik na tirik ang sikat ng araw na parang susunugin ka nito ng buhay.

"Uy, uy," sitsit sa'min ni Clark na nasa loob na ng library. Todo kampay na ito sa amin na pumasok na sa loob.

Sumenyas naman si Eunice sa kanya na papasok na kami at saka tumingin ito sa akin.

"Okay ka lang?" usisa nito dahil mukhang nagtataka yata na wala ako sa huwisyo ngayon.

Nag-thumbs up naman ako sa kanya saka ngumiti.

Napatakip naman ito ng kanyang mga mata at saka umaktong nasisilaw. "Jusko, nakakasilaw naman 'yong ngiti mo!"

Tumawa naman ako saka pinitik ko siya sa kanyang balikat. "Loko-loko ka rin. Pasok na nga tayo."

"Uy, group study 'to, ah." Sabi nito. "Wala munang Hanna ngayon, baka 'yan pa ang masagot mo sa lunes."

"Ang dami mong kwento," basag ko sa kanya at nagsimula na akong maglakad papasok ng library.

xxx

Tuloy-tuloy ang pag-aaral naming apat hanggang sa abutin na kami ng hapon kaka-discuss ng mga sarili naming ideya tungkol sa mga topic kung saan kami nahihirapan. Mas malaki ang ambag ni Clark, syempre, siya ang pinaka-matalino sa'min at pumangalawa naman do'n si Eunice na mukhang tatapat na yata sa katalinuhan ni Clark. Habang kaming dalawa ni Patrick naman ay tamang tango at pakikinig lamang ang nagawa pero paminsan-minsan naman ay kumokontra kami sa kanila kung sa tingin namin ay mali ang pagkakaintindi nila.

Binata na si IrisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon