Kabanata XIII: Tsismis

2.1K 132 3
                                    

Miyerkules ng tanghali ay isinama ako ni Nanay sa bahay nina Aling Mylene dahil kukunin niya raw ang in-order niyang sapatos ko para sa darating na pasukan.

Naiisip ko pa nga lang ang first day of class ko sa isang mataas na paaralan dito sa aming probinsya ay hindi ko na mapigilang ma-excite. Bagong paaralan, guro, ka-eskwela, at mga kaibigan --- lahat nakaka-excite, pwera na nga lang ang mga bagong lessons kasi sabi sa akin nina Rhea at Jimboy mahirap na raw ang mga lessons sa high school.

Sabi raw kasi ng mga nakakatandang kapatid nila, parang nakamamatay na raw sa hirap ang mga lessons nila... parang pang-college! Pero, sabi ni Nanay, huwag daw ako maniniwala, palusot lang daw 'yon ng mga estudyanteng tamad mag-aral. Wala raw lessons na mahirap kapag nagpupursigi ka talagang matuto. Gusto ko nga sabihin 'yon kina Rhea at Jimboy pero napag-isip-isipan kong huwag na lang baka kasi magalit pa sila sa Nanay ko.

"Mareng Gina, nandito na pala 'yong in-order mo. Ipasukat mo nga kay Iris kung sakto ba ang size na napili mo." Sabi ni Aling Mylene sabay abot sa box ng sapatos at kaagad naman itong binuksan ni Nanay.

"Heto, Iris, isukat mo para makita natin kung sakto ba ang size," wika ni Nanay. "Pwede namang palitan 'to kapag hindi magkasya, 'no?" tanong niya kay Aling Mylene.

"Ay, oo naman!" sagot naman nito habang namamaypay. Mainit kasi ang panahon ngayon parang sinusunog ang buong Pilipinas.

"Oh, kasya ba, anak?" tanong ni Nanay sa akin. Tumayo naman ako sa may upuan at naglakad-lakad.

"Ayos lang naman, Nay." Sagot ko sa kanya at hinubad ko na ang sapatos upang ibalik sa box.

"Magkano pala itong school shoes na 'to?" tanong ni Nanay.

"670 lang naman, mare."

"Heto, 150 lang muna, Mylene." Sabi ni Nanay sabay abot ng pera.

"No problem!" medyo maarte na bigkas ni Aling Mylene. "Siya nga pala, alam mo na ba ang tsismis?"

"Anong tsismis naman 'yan?" takang tanong ni Nanay. Medyo na-curious naman ako sa sinabi ni Aling Mylene kaya minabuti ko munang makinig sa mga ibubunyag niya. Mala-showbiz din kasi itong si Aling Mylene, talo pa niya ang mga mahihilig sa blind item at pati na rin ang mga CCTV. Deboto rin siya ng santo namin dito sa barangay, mahilig mag-novena, at magsimba ngunit araw-araw may bagong balita.

"Alam mo bang kabit pala ang anak ni Delia?" paunang kwento ni Aling Mylene.

"Ha? Pa'no mo naman nasabi 'yon?" tanong ni Nanay.

Mas lumakas pa ang pagpaypay ni Aling Mylene sa kanyang sarili. "Hindi mo ba alam na sinugod noong lunes ng legal wife ang anak ni Delia? Naku! Halos matanggal sa anit ang buhok ni Janice dahil sa galit ng babae sa kanya. Pumatol ba naman sa may asawa ang gaga!"

Nagulat si Nanay sa nai-kwento ni Aling Mylene. Hindi naman ako makapagbigay ng opinyon tungkol do'n kasi hindi ko naman kasi masyadong kilala si Ate Janice kahit na pinsan ito ni Jolo.

"Paano nangyari 'yon? Eh, sa pagkakaalam ko binata 'yon at saka lagi pa naman 'yong bumibisita kina Delia. Botong-boto pa nga ang buong angkan nila sa lalaking 'yon." Sabi naman ni Nanay.

"Ay, 'yon lang ang ating pagkakaalam! Binata kuno ang talipandas. Sabi pa nila, alam naman talaga ni Janice na pamilyadong tao na ang lalaking iyon pero kumagat pa rin! Alam mo na, mapera rin."

"Hay naku, graduate ng kolehiyo tapos magpapakabaliw sa lalaking iyon. Kung gusto niya nga pera, eh 'di magbanat siya ng buto. Eh, gusto niya easy money kaagad 'yan tuloy napasama pa siya." Inis na sambit ni Nanay.

Napatingin si Aling Mylene sa akin. "Naku, sorry, Iris, huwag mo nang intindihin ang mga gano'ng istorya. Hindi maganda para sa bata."

"Kaya ikaw, magtino ka. Gumaya ka kay Ate Hanna mo, wala pang nobyo." Pangaral ni Nanay sa akin.

Napabuntong hininga ako.

Kung alam mo lang.

xxx

Buti na lang at absent si Jolo sa tambayan dahil hindi ko mapigilan ang makating dila ko. Naikwento ko sa tropa ang buong istorya ni Aling Mylene kanina sa amin ni Nanay. Gulat naman ang lahat at pagkatapos no'n may kanya-kanya pa silang opinyon tungkol sa kwento ko na para bang ang tatanda na nila.

"Ang cheap naman ng Ate ni Jolo. Pumapatol sa may asawa." Sambit ni Mary Anne na sinaway naman ni Jimboy.

"Grabe ka, huwag mo muna siyang pagsalitaan ng ganyan. Eh, hindi pa nga natin alam kung ano ang dahilan." Saad ni Jimboy.

"Duh! Kahit na 'no, mali pa rin 'yon!"

"Tapos kilig na kilig ka sa panonood ng mga teleseryeng tungkol sa mga kabit na ipinaglalaban ang mali hanggang sa kamatayan." Pang-aasar ni Rhea. "True love wins. Yay!"

"Sa TV lang 'yon, 'no. Iba pa rin sa totoong buhay." Tumatawa na wika ni Mary Anne.

"Ikaw, Iris." Bigkas ni Jimboy sa pangalan ko. "Paano naman kapag nalaman mong niloloko ka lang pala? Ano ang mararamdaman mo?"

Sabay namang napa-owww sina Rhea at Mary Anne. "Ang lalim no'n, ha? Ano bang pinaghuhugutan mo?" biro ni Rhea.

"Wala!" sagot ni Jimboy. "Sagutin mo na kasi," baling niya sa akin.

"Syempre, masasaktan." Simpleng sagot ko.

"Masasaktan kay?" si Mary Anne na.

"Aba, ewan ko sa inyo."

At nagtawanan silang lahat.

xxx

Pagkauwi ko ng bahay ay tinanong ko si Nanay kung nasaktan na ba siya. Medyo nagtaka ito sa tanong ko dahil hindi naman kasi ako palatanong tungkol sa mga bagay na iyon. Sinabi ko kay Nanay na kaya ko lang naman natanong 'yon ay dahil doon sa kwento ni Aling Mylene kanina.

"Oo naman, hindi ako tao kapag hindi ako masasaktan." Natatawang sagot ni Nanay. Tumabi ako sa kanya at inihilig ko ang aking ulo sa kanyang kanang balikat.

"Si Tatay, sinaktan ba niya kayo?" tanong ko.

Naramdaman ko ang malalim na paghinga ni Nanay at hinaplos niya pa rin ang buhok ko kahit hindi na ito mahaba kagaya ng dati.

"Oo, sinaktan ako ng Tatay mo," mahinang wika nito. "Sinaktan niya ako nang iwan niya tayo."

Nakaramdam ako ng sakit sa dibdib. Na-miss ko tuloy si Tatay.

"Ako Nay, hindi kita sasaktan." Sabi ko sa kanya. "Dito lang ako lagi sa tabi mo."

Hinagkan ako ni Nanay sa may bumbunan at tuluyan na akong dinalaw ng antok.

Binata na si IrisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon