Kabanata XVI: Hanggang sa Muli

2.1K 134 12
                                    

Patakbo akong umuwi ng bahay pagkatapos kong gumawa ng kahihiyan sa harapan ni Hanna. Kahit anong gawing pag-aalo sa akin ay hindi niya ako magawang patahanin. Maiintindihan naman niya siguro kung bakit, hindi naman sigurong madaling magpatahan ng isang batang na-basted ng taong gusto niya.

"Oh, anak, anong nangyari sa'yo?" bungad kaagad ni Nanay sa akin pagkarating ko ng bahay at saka sinapo niya ang magkabila kong pisngi. "Ba't ka umiiyak?"

Mas lalo akong umiyak ng tanungin ako ni Nanay. Naalala ko ang nangyari kanina sa burol, ang reaksyon ni Hanna sa pag-amin ko at ang mga sinabi niya patungkol sa nararamdaman ko. Bakit niya sinabi sa akin 'yon? Ang pigilan ang nararamdaman ko para sa kanya. Hindi naman gano'n kadali 'yon. Gusto ko si Hanna. Gustong-gusto ko siya.

"Iris?" untag ulit ni Nanay habang pinapahiran ang mga luha ko.

"M-Masakit po, N-Nay..." humihikbi kong sagot sa kanya. Rumehistro sa mukha niya ang kaba nang marinig niya ang sagot ko.

"Sa'n ang masakit? May sakit ka ba? Magsalita ka, Iris."

Umiling-iling ako at saka itinuro ko ang dibdib ko. "N-Nay, masakit po ang puso ko. M-Masakit na m-masakit, Nay. A-Ayaw tumigil," humahagulgol na sagot ko sa kanya at kaagad ko siyang niyakap ng mahigpit. "T-Tama po yata si H-Hanna, dapat pinigilan ko. Pero bakit ayaw pa rin? Mas lalo pa ring sumasakit, N-Nay."

Naramdaman ko naman ang paghaplos ni Nanay sa maiksi kong buhok. Paulit-ulit niya itong ginawa na para bang pinapatahan niya ako.

"Tahan na, anak. Nandito naman na si Nanay, tatanggalin natin 'yang sakit na nararamdaman mo."

xxx

Natulog ako kagabi ng mabigat ang nararamdaman. Kahit anong sabihin pa ni Nanay sa akin kagabi ay parang wala naman akong naiintindihan. Mas pinairal ko pang pakinggan ang sakit na nararamdaman ko kumpara sa mga sinabi sa akin ni Nanay. Umayos ako ng paghiga nang maalala kong ngayon pala ang alis ni Hanna papuntang lungsod. Parang ayokong isipin na wala ng balak pang bumalik si Hanna rito.  Ayokong isipin na iiwan na niya kaming lahat dito. Pakiramdam ko kasi ay paraan niya lang iyon upang sumama na kay Kevin.

"Iris," mahinang tawag sa akin ni Nanay na nakadungaw sa may pintuan ng aking silid. "Bangon na anak. Mag-aalmusal na tayo."

"Susunod na lang po ako, Nay." Mahinang sagot ko sa kanya at dahan-dahan na akong bumangon.

Pagkatapos kong mag-ayos ng higaan ay kaagad na akong nagpunta sa may hapag-kainan. Nag-aalala pa ring nakatingin si Nanay sa akin kaya't ginawaran ko siya ng matamis na ngiti.

"Kumusta ang tulog mo?" tanong nito sa akin na sinagot ko naman ng ayos lang kahit hindi naman talaga. Parang pati sa panaginip ko ay inaalala ko pa rin si Hanna.

"Mamayang alas-otso raw ang alis ni Hanna sabi sa'kin ng Ninang Carmen mo. Hindi ka ba sa kanya magpapaalam?" malumanay na tanong sa akin ni Nanay ngunit hindi ko lang muna iyon pinansin at nagpatuloy lang sa pagkain.

"Alam mo anak, mas mabuti sigurong makapagpaalam ka man lang mamaya kay Ate Hanna mo para naman wala siyang bigat na nararamdaman bago siya umalis dito sa probinsya." Sabi pa ni Nanay. "Paniguradong hindi rin nakatulog ng maayos kagabi ang Ate Hanna mo."

Uminom ako ng tubig at saka tumingin kay Nanay. "Mas mabuti sigurong hindi na kami magkita."

Nagulat naman si Nanay sa sinabi ko.

"Bakit naman, anak?"

"Mas lalo siguro akong masasaktan kapag makikita ko pa siya. Saka, sigurado rin naman akong ayaw niya rin akong makita." Mahinang sagot ko sa kanya.

"Iris," tawag ni Nanay. "Huwag mo namang pangunahan ang mga bagay-bagay na hindi pa naman nagaganap pa."

"N-Nararamdaman ko po..."

"Alam mo, anak, mas masasaktan ka lang kapag hindi ka pormal na makapagpaalam kay Ate Hanna mo."

xxx

Kahit na anong pilit sa akin ni Nanay na sumama sa kanya papunta kina Ninang Carmen ay nanindigan pa rin akong hindi sasama sa kanya. Baka hindi ako pansinin ni Hanna kapag nagpunta ako do'n, naka ituring niya lang akong hangin. Sa dinamirami ba naman ng kahihiyan ko kahapon parang ayoko na ring humarap sa kanya at saka wala rin naman akong sasabihin pa sa kanya.

Binuksan ko na lamang ang radyo at saktong-sakto, kagaya ng dati, tumugtog ang isang lumang kanta na nagpabalik ng isang alaala --- ang kauna-unahang pagpunta hi Hanna rito sa bahay na may dalang spaghetti.

Napabuntong hininga na lamang ako nang maalala ko ang tagpong iyon.

Nilibang ko na lamang ang sarili ko sa paglilinis ng bahay dahil paulit-ulit pa ring nagsusumiksik sa isipan ko si Hanna. Gustuhin ko mang patayin na lamang ang radyo ngunit hindi ko ito magawa. Itong kantang ito na lamang ang bumubuhay sa mga masasayang alaala namin ni Hanna.

"Iris! Nandito ang Ate Hanna mo!"

Halos manigas ako sa aking kinatatayuan nang marinig ko ang sigaw ni Nanay. Pakiramdam ko nanlamig ang buong paligid ko.

"Iris?"

Hindi ako muling nakapagsalita nang makita kong pumasok si Hanna. Napatitig na lamang ako sa kanya ng matagal na parang isinasaulo ko ang lahat sa kanya.

Lumapit ito sa akin at pumantay. Hindi ulit ako nakakibo. Totoo ngang nandito mismo si Hanna sa harapan ko at hindi ito isang ilusyon.

"Nagpunta ako rito upang magpaalam ng maayos sa iyo," marahang wika nito sa akin habang nakatingin sa mga mata ko. "Patawarin mo rin sana ako kung nasaktan man kita, na-nabigla lang ako kahapon. I'm sorry, Iris."

Naramdaman ko na naman ulit ang pag-iinit ng gilid ng aking mga mata. Nagbabadya na namang tumulo ang mga traydor kong luha.

"Medyo magtatagal ako sa lungsod, Iris. Pero, babalik ako." Paninigurado nito sa akin. "Sana mapatawad mo ako."

Wala man lang akong nasabi sa kanya ni isang salita. Parang wala akong naisip sa mga sandaling ito. Matagal lang akong nakipagtitigan kay Hanna hanggang sa mabawi na ang kanyang pagtingin dahil sa biglaan niyang pagyakap sa akin.

"Paalam, Iris. Aalis na ako." Bulong nito sa akin at kumalas na sa pagkakayakap. Mabilis na lumabas si Hanna ng bahay hanggang sa maglaho na ito sa aking paningin dahil unti-unti ng tumulo ang aking mga luha.

Pilit kong hinahanap ang boses ko na tila bang nagtatago sa kawalan. Dali-dali akong lumabas ng bahay upang sabihin ulit kay Hanna ang mga salitang gusto kong ulit-uliting sabihin sa kanya.

"H-Hanna!" sigaw ko habang tinatanaw ang papalayo ng tricycle sakay si Hanna. Tumakbo ako upang mahabol ito habang paulit-ulit na sinisigaw ang pangalan ni Hanna ngunit mabilis ang takbo ng tricycle at hindi ko na nahabol pa ito.

"Mahal kita, Hanna! Maghihintay ako! Mahal na mahal kita!" paulit-ulit kong sigaw na para bang maririnig ni Hanna ang mga pinagsasasabi ko.

"Anak!" dinig ko namang tawag sa akin ni Nanay at kaagad niya akong nilapitan. Niyakap niya ako nang mahigpit hanggang sa napakapit na lamang ako sa kanya.

"N-Nay, m-mahal ko talaga si Hanna. Mahal ko po talaga siya." Humahagulgol kong iyak sa mga bisig niya.

Binata na si IrisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon