Kabanata VI: Pagkilala

2.7K 178 4
                                    

Medyo mabigat ang atmospera sa loob ng bahay dahil sa kabadong puso ko. Pakiramdam ko ay masyado akong nasasakal sa nararamdaman ko ngayon. Makita ko lamang si Hanna sa malapitan ay parang malalagutan na ako ng hininga. Eh, sino ba naman ang hindi mapra-praning at magkakanda-loko-loko ang nararamdaman kung kaharap mo ang taong hinahangaan mo?

Maganda talaga si Hanna. Parang mga bituin sa kalangitan. Ngunit, hapon pa lamang ngayon at hindi pa madilim sa labas kaya maihahanlintulad ko lamang siya ngayon sa isang magandang musika. Palihim ko siyang sinisipat nang tingin sa tuwing sumusubo siya ng spaghetti. Panay ang sukbit niya sa likod ng kanyang tenga ng mga kumakalas na hibla ng buhok. Natatanaw ko nang maayos ang maamo niyang mukha at ang nangungusap niyang mga mata.

"Anong year mo na ngayong susunod na pasukan?" tanong nito sa akin at tuluyan nang natapos ang lumang kanta sa radyo.

"Magfi-first year na ako," ilang na sagot ko. Parang hindi pa ako komportable sa kanya ngayon. Hirap akong makahinga.

"Ako naman ang tanungin mo," sabi nito saka uminom ng tubig. Nataranta bigla ang isipan ko. Ano kaya ang maaari kong itanong? Tungkol sa English? Math? History? O, kung may boyfriend na ba siya?

Hindi. Hindi dapat gano'n. Nakakahiya kung gano'ng klaseng tanong ang itatanong ko sa kanya.

Tinignan ko ulit si Hanna. Tapos na siyang kumain. Naghihintay siya ng tanong mula sa akin. Hindi na ako mapakali. Naghihintay na siya. Baka magalit ito sa akin.

"Kahit anong tanong, Iris. Huwag kang mag-alala." Paninigurado nito.

Dahil wala akong masyadong naisip na magandang tanong. Napunta ang usapan namin sa ama niya. Malungkot pala ang buhay niya dahil hindi niya ito nakita. Basta ang alam niya ay foreigner ito --- isang Amerikano.

"Gusto mo ba siyang makita?" tanong ko sa kanya saka nangalumbaba.

Nagniningning ang mga mata niya ngunit mahahalata mo na may lungkot dito. "Aba't oo naman. Sino bang anak ang hindi gugustuhin na makita ang ama nito?"

Tumango-tango naman ako bilang pagsang-ayon.

"Pasensya ka na kung naitanong ko iyon," mahinang wika ko.

"Hindi, ayos lang naman. Bukas naman ako sa kahit anong klaseng tanong." Humahagikhik na tugon nito. "Sige, ibang tanong naman."

"Anong kurso ang kinuha mo no'ng college ka?"

"Nursing ang kurso ko. Kaso hindi pa ako nagte-take ng exam."

"Bakit naman? May hinihintay ka?" tanong ko kaya't parang napansin kong natigilan siya. "S-Sorry."

"H-Hindi," nauutal niyang sambit, "wala naman."

Tumahimik na ako at siya na ang nagtanong.

"May crush ka na?" natatawang tanong nito sa akin. Mas lalong naging triple ang pagtibok ng puso ko. "Narinig ko lang 'yon kay Tita Gina nang magpunta kayo sa'min."

"W-Wala, 'no. Nagbibiro lang si Nanay." Depensa ko dahil totoo talagang may crush ako at siya 'yon.

"Defensive?" pilyang tanong nito at umiling-iling ako. "Okay lang namang magkaroon ng crush. Parte 'yan ng pagkabata."

"Bakit ikaw nagkaroon ka na ng crush?" mabilisang tanong ko sa kanya.

"Aba't oo naman. Hindi 'yan maiiwasan."

"Kung sabagay..."

"So, mayro'n nga?" tanong nito ulit.

Tumango ako at napayuko ng konti upang mapagtakpan ang kahihiyan.

xxx

Nakauwi na si Hanna nang makauwi na si Nanay. Sinabi ko sa kanya na nagpunta rito si Hanna at nagdala ng spaghetti at nauwi kami sa konting kwentuhan. Kinamusta naman niya ako kung naging komportable ba ako kay Hanna dahil napansin niyang naiilang daw ako sa kanya nang magpunta kami sa kanila. Sabi ko naman kay Nanay na medyo gumaan-gaan na rin ang loob ko kay Hanna. Pero, sinungaling talaga ako, alanganin na naman dahil muntik na akong umamin kanina na siya ang gusto ko.

"Ang bait ng Ate Hanna mo, ano? Siguradong hindi sakit sa ulo 'yon ng Ninang Carmen mo. Ni minsan kasi ay hindi ko pa narinig si Carmen na nagsalita ng masasama tungkol sa anak niya. Maganda ang pagpapalaki niya sa batang iyon. Eh, wala pa ngang nobyo. Maria Clara." Sabi ni Nanay habang nagsasara ng bintana. "Kaya ikaw, tularan mo ang Ate Hanna mo, hindi pariwarang babae dahil marunong makinig sa magulang."

"Nay naman..."

"Kaya sa susunod huwag kang magagalit sa akin kung pinapalo pa kita at pinagsasabihan dahil para sa iyo rin 'yan. Habang maaga pa ay kailangan ng putulin ang sungay mo upang sa pagtanda mo ay hindi bumalukot ang daan na tatahakin mo." Pangaral nito sa akin. "Hala, panhik na sa loob ng kwarto para matulog ka nang maaga."

Hindi na ako nagsalita. Pumasok ako sa loob ng kwarto na nangingibabaw ang kasiyahan sa puso. Hanggang sa paghiga ko sa kama ay nakikita ko si Hanna na katabi ko. Ano kaya ang pakiramdam na katabi ko siyang matulog habang mahigpit na nakayakap sa kanya? Siguro, maganda ang gising ko no'n kinaumagahan.

Bumangon muna ako sa kama at marahang binuksan ang bintana ng aking kwarto. Nagmasid ulit ako sa kalangitan kagaya ng dati. Pinakatitigan ko ulit ang mga bituin na para bang hinahanap ko do'n si Hanna. Nakinig ako sa huni ng mga kuliglig sa labas at ipinikit ang aking mga mata habang sinasariwa ang mga eksena kaninang hapon.

Ako at si Hanna na nag-uusap. Parang gusto ko nang lumipad sa kalawakan.

xxx

Kinaumagahan ay inutusan ako ni Nanay na mamalengke. Papasakay na sana ako ng pedicab nang marinig ko ang boses ni Hanna na tinatawag ang pangalan ko. Hindi muna ako pumasok kaya't nilingon ko muna ito. Namangha na naman ako sa taglay niyang ganda. Nananaginip na naman ako.

"Iris," sabi nito sabay pitik sa noo ko kaya't napahawak ako doon.

"Pupunta ka ng palengke?" tanong nito sa akin at tumango naman ako.

"Sabay na tayo," sabi nito at pinauna niya akong pinasakay at saka naman siya sumunod.

Amoy na amoy ko ang pabango ni Hanna na nanunuot sa aking ilong. Umagang-umaga ay pinapakilig niya ako. Ganito pala ang pakiramdam kapag may taong gusto ka, parang hindi ka na makapag-isip ng matino dahil lagi na lamang siya ang laman ng isip mo.

"Ano pala ang bibilhin mo do'n?" basag nito sa katahimikan.

"Ahh, bibili ako ng isang kilong bangus."

"Ulam mamaya?"

Tumango ako.

"Sinigang?"

"Tama," nagtatakang sambit ko. "Paano mo nahulaan?"

"Wala lang." Nakangiting wika nito.

"Manghuhula ka yata," sabi ko sa kanya.

"Kung manghuhula ako eh, 'di sana'y nahulaan ko na kung sino ang crush mo." Panunukso nito sa akin.

Namula ng husto ang mukha ko hanggang sa tumawa na rin si Hanna.

Binata na si IrisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon