Kabanata XIX: Pag-aalala

2K 124 14
                                    

Dalawang buwan na rin ang lumipas simula noong umalis si Hanna para sa paghahanda sa kanyang nalalapit na exam ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin akong natatanggap ni isang kumusta at reply sa mga text messages ko sa kanya. Nag-aalala na rin si Ninang Carmen dahil maski sa kanya ay hindi na rin ito nagpapadala ng mensahe. Sa isip ko mukhang iniiwasan niya kaming lahat dito sa probinsya.

Araw-araw ko na lamang binibisita si Ninang Carmen sa kanyang bahay upang maibsan naman ng kahit konti ang lungkot at pag-aalala niya kay Hanna. Tuwing hapon bago ako umuwi ng bahay ay nagpupunta muna ako sa kanila pagkatapos nakikipag-kwentuhan ako sa kay Ninang Carmen. Sinasabi ko sa kanya lahat ng nangyari sa paaralan; tungkol sa mga lessons, quizzes, recitation, at pati na rin sa mga bago kong kaibigan. Tuwang-tuwa naman sa akin si Ninang Carmen kaya madalas niya akong ilibre ng meryenda kapag nagpupunta ako sa kanila. Ngunit, paminsan-minsan ay hindi niya maiwasan ang isingit sa usapan namin ang tungkol kay Hanna.

Awang-awa na rin ako kay Ninang dahil hindi na raw niya alam ang gagawin niya. Nag-iisang anak niya si Hanna kaya't hindi niya maiwasang hindi mag-alala.

Kahit anong gawing text ko kay Hanna ay hindi niya rin ang nire-reply. Napapaisip tuloy ako kung ano pang silbi ng pagbibigay niya ng numero sa akin kung hindi man lang niya pinapansin ang mga text messages ko.

"Ito ang Ate Hanna mo noong nasa kindergarten siya." Pagpapakita ni Ninang Carmen ng litrato ni Hanna na nakaporma. "Isinali ko siya sa contest diyan. Siya si Miss Ireland."

Hindi ko maiwasang mapangiti. Ang cute pala no'n ni Hanna.

"Ito naman noong graduation niya noong elementary. Nakasimangot siya diyan dahil hindi siya nagandahan sa make up niya. Nagmukha raw siyang payaso." Natatawang kwento ni Ninang Carmen sa akin. "Sabi pa niya noon, kahit hindi raw siya mag-make up, eh, maganda pa rin naman siya."

Napatingin ako kay Ninang saka ngumiti. "Mukhang tama naman po si A-Ate Hanna."

Napabuntong hininga si Ninang Carmen at ginulo ang buhok ko.

"Sana umuwi na ang Ate mo."

xxx

Hanna, nag-aalala na si Ninang Carmen sa'yo. Ayos ka la ba diyan? Kung hindi ka okay, umuwi ka na lang. Nandito naman kami.

Iyan ang text ko sa kanya ng makauwi ako ng bahay. Nadurog kasi ang puso ko kanina ng humagulgol ng iyak si Ninang Carmen habang yakap ang photo album na ipinakita niya sa akin kanina. Ramdam ko talaga ang kalungkutan niya at hindi ko na alam pa ang gagawin ko.

Napahiga na lamang ako sa higaan at unti-unti kong ipinikit ang aking mga mata. Inisip ko na lamang ang magandang mukha ni Hanna at napangiti ako doon ngunit dahan-dahan naman iyong napawi dahil sa pag-aalala sa kanya. Kinakabahan lang ako dahil hindi maganda ang biglang sumagi sa isip ko. Paano kaya kung sumama na ng tuluyan si Hanna kay Kevin?

Kaagad naman akong napabangon dahil do'n.

Hindi. Hindi dapat iyon mangyari.

"Oh, mukhang gulat ka yata? Ano bang iniisip mong bata ka?" untag ni Nanay sa akin ng pumasok ito sa silid ko.

Umiling-iling ako. "Wala, Nay. Wala ito."

Umupo naman si Nanay sa may higaan. "Inaalala mo ba si Hanna?"

Natigilan ako ng banggitin ni Nanay ang pangalan ni Hanna kaya't napatingin ako sa kanya na nagtataka dahil parang nababasa niya yata ang iniisip ko.

Natawa si Nanay sa inasal ko at hinaplos na lamang nito ang aking buhok.

"Alam mo, anak, kapag importante sa'yo ang isang tao hindi mo maiiwasang hindi mag-alala." Sabi nito sa akin. "Alam kong importante sa'yo si Hanna kaya't alam kong nag-aalala ka rin para sa kanya."

"Hindi ko alam ang tumatakbo sa isipan niya sa mga oras na ito," pabulong na sambit ko at niyakap ako ni Nanay.

"Maski ako rin, Iris. Ipanalangin na lang natin si Hanna na sana'y nasa maayos na kalagayan siya ngayon."

xxx

Hindi ako nakapagpokus sa lesson namin ngayon sa Math. Lutang ako dahil sa kaiisip kay Hanna. Parang binalewala ko na ang pakikinig kung papaano i-solve ang iilang mga katanungan na isinusulat ng Math teacher namin dahil abala ako sa katitipa ng message sa cellphone ko. Paulit-ulit kong itine-text si Hanna kung kumusta na ba siya dahil alalang-alala na kaming lahat. Paulit-ulit lahat ng mensahe ko ngunit hindi niya pa rin ako nire-reply. Sinubukan ko siyang tawagan ngunit hindi niya rin ito sinasagot, patuloy lang kasi ito sa pagtunog.

Dahil sa pinaggagagawa ko ay hindi ko na namalayang nasa harapan ko na pala ang Math teacher namin. Mabilis niyang kinumpiska ang cellphone ko at pinalabas ako ng classroom at pinatayo sa may pasilyo. Isang oras din akong nakatayo do'n at natapos din noong lumipat na kami sa susunod naming subject.

Nabalitaan ng mga kaibigan ko ang nangyari sa akin kaya't nakatikim ako ng batok kay Rhea noong mag-lunch kami.

"Loko-loko ka talaga! Ano bang tumatakbo sa isipan mo, ha?" asik ni Rhea sa akin.

"Sus, pupusta pa ako, inaalala niya si Ate Hanna." Pang-aasar ni Jolo.

Pinanlakihan ako ng mata ni Rhea ng marinig niya ang sinabi ni Jolo. "Uy, ano, totoo ba?"

Napakamot ako ng batok at saka pilit na ngumiti.

"Walang hiya ka talaga. Alam mo namang terror ang teacher na 'yon ngunit nagawa mo pa ring magloko sa harapan niya." Galit na saad ni Rhea. "Baka busy lang si Ate Hanna. Ikaw naman, makaasta ka parang jowa. Uy, eleven ka lang, 'no. Malayong-malayo ka kay Ate Hanna."

Napansin ko naman ang pagsiko ni Mary Anne kay Rhea ngunit tinarayan niya lang ako.

"Hindi ba nagre-reply si Ate Hanna sa iyo?" mahinang tanong sa akin ni Jimboy at sinagot ko naman siya ng pag-iling.

Napa-de kwatro si Jolo. "Ano na kaya ang nangyayari sa kanya do'n?"

"Ano ba kayo, baka busy lang. Nagsusunog ng kilay." Singit pa ni Rhea. "Ang hirap maging nurse, 'no. Kayo, kung ano-ano ang iniisip niyo."

"Masama bang mag-alala? Dapat nagre-reply siya o 'di kaya paminsan-minsan naman dapat tumawag o magtext naman siya. Hindi lang naman si Iris ang nag-aalala sa kanya pati rin naman si Aling Carmen." Pagpapaliwanag ni Jimboy.

Pumalakpak ng mahina si Mary Anne. "Ngayon lang ako nakarinig ng maganda mula sa'yo."

Napatapik naman ng noo si Jimboy. "Tumigil ka nga."

Kinapa ko ang bulsa ko at kinuha ang cellphone. Buti na lang at ibinigay ito kaagad ng teacher namin pagkatapos ng klase.

"Oh, magte-text ka na naman." Sita ni Rhea.

"Nagbabaka-sakali lang naman." Sabi ko sa kanya at pinindot ang keypad hanggang sa mag-ilaw ito. Halos mabitawan ko ang hawak kong cellphone ng mabasa ko ang 1 message received na nasa screen.

"May text message." Pabulong kong sambit.

"Buksan mo!" pasigaw na saad ni Jolo at sinunod ko naman siya.

Pauwi na ako, Iris. Huwag mong sasabihin kay Mama.

Binata na si IrisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon