Kabanata XXXII: Kwento 2

2.5K 190 57
                                    

Tumigil na sa pag-iyak si Hanna. Kumalma na siya at nagsindi ulit ng panibagong stick ng sigarilyo na parang gusto niyang sunugin ng isang araw lang ang kanyang baga. Gustuhin ko man siyang pigilan sa kanyang ginagawa ay hindi ko magawa sapagkat natatakot ako na baka magalit na naman ulit ito sa akin.

Pareho kaming nakasandal sa likuran ng pinto habang nakasalampak sa sahig. Walang umiimik sa aming dalawa. Pareho lamang kaming nakatitig sa kawalan.

Gusto ko sanang magtanong ulit kay Hanna ngunit nagpigil ako na baka masagad ko na naman siya dahil sa mga sasabihin ko. Nilibang ko na lang ang sarili ko sa mga usok ng sigarilyo na parang sumasayaw sa hangin.

"Kabit ako ni Kevin." Diretsahang sabi ni Hanna sa akin. Walang pag-aalinlangan sa tono ng kanyang pananalita. Sadyang iyon talaga ang totoo.

Gulat akong napatingin sa kanyang gawi na parang ayaw kong maniwala sa kanyang sinabi. Ngunit, kailangan ko yatang maniwala dahil seryoso si Hanna. Tuloy-tuloy pa rin siya sa paghihithit-buga ng kanyang sigarilyo at nakatingin pa rin sa kawalan.

"Nagkakilala kami ni Kevin noong college," simula niya at tumikhim ito na parang gusto niyang kainin lahat ng takot na namumuo sa kanyang dibdib. "MedTech student siya, ahead lang siya ng isang taon."

Napahinga ako nang malalim at iniwas ko na ang tingin kay Hanna. Ibinalik ko ulit sa kawalan ang mga tingin ko at hinayaan ang sarili kong makinig sa kwento niya.

"Nagkagusto ako kay Kevin kahit may nobya siya. Alam kong mali pero pinilit ko pa rin itong maging tama." Sabi niya. "Kumagat si Kevin sa gusto kong laro, niligawan niya ako at naging kami kahit na may nobya siya. Kaya palagi kaming usap-usapan noon sa campus at tinawag na rin nila akong pokpok dahil do'n. Sabi pa nga nila, nasa loob lang ang kulo ko. Pero, tama naman, 'di ba?"

Pinitik niya ang kanyang sigarilyo na nakaipit sa pagitan ng kanyang daliri upang matanggal ang upos nito. Umayos siya sa kanyang pwesto ngunit hindi ko pa rin siya sinagot.

"Noong una ay masaya kami kahit na pilit kong tinatama ang mali. Ngunit, habang tumatagal ay parang nag-iiba na ang timpla ni Kevin sa akin. Lagi niyang kini-kwento na palagi na silang nag-aaway ng nobya niya at gusto na niyang makipaghiwalay sa akin. Ayaw kong makipaghiwalay sa kanya dahil siya lang ang naging unang lalaki sa buhay ko. Inilaban ko ang gusto ko ngunit patuloy pa rin siyang nanlalamig sa akin na parang hindi na ako kasama sa mundo niya." Mahabang salaysay nito na nagpalungkot sa akin.

Naalala ko lahat nang usapan namin sa burol. Ito na ang sinasabi niya sa akin na kapag mahal mo ang isang tao ay pro-protektahan mo ito. Ngunit, sa tingin ko, parang mali naman ang pagpro-protekta na ginawa niya noon.

"Nagtagal ang relasyon namin ni Kevin kahit na parang lumalayo na ang loob niya sa akin. Sa mga panahong iyon, naisip ko na mas mahal ni Kevin ang nobya niya kaysa sa akin." Madamdaming dugtong nito sa kanyang kwento. "Kahit anong pilit ko sa relasyon namin ni Kevin noon ay dumating pa rin sa puntong mawawasak ito. Naghiwalay kami ni Kevin na hindi ko matanggap kaya hinabol ko pa rin siya at nagkabalikan ulit kami. Iniisip ko noon na nababaliw na ako dahil sa mga pinaggagagawa ko."

Napatingin ulit ako kay Hanna. Seryoso pa rin siya sa kanyang kwento sa akin. Gusto ko na siyang pigilan dahil parang hindi ko na kayang makinig sa mga sinasabi nito. Nasasaktan ako para sa kanya.

"Ibinahay ako ni Kevin nang mapunta ako sa lungsod para mag-review. Akala ko ito na ang simula at ako na ang pipiliin niya. Ngunit, mali eh, mali lahat nang iniisip ko. Ginagawa niya akong utusan, parausan, at sinasaktan niya ako palagi lalo na kapag lasing siya. Doon ko nalaman na hiniwalayan na pala siya ng nobya niya dahil sa akin. At sa akin niya ibinubuhos lahat ng galit nito." Napansin ko ang pagbuntong hininga niya. Gusto ko siyang yakapin ulit ngayon. Gusto kong sabihin sa kanya na nandito lang ako.

"Nang mabuntis ako ni Kevin ay natakot ako lalo na nang maisip ko si Mama. Gusto ko sanang ilihim sa kanya ngunit hindi ko magawa kaya sinabi ko kay Kevin na uuwi ako ng probinsya at gusto ko nang sabihin sa kanya lahat ng kasinungalingan ko." Sabi nito at napatingin siya sa akin. "Iyon nga, umuwi ako sa atin at ginalit ko si Mama pagkatapos nakita kita do'n at sinigawan kita."

Tumulo na naman ang mga luha niya habang nakatingin sa akin. "Hindi ko napatawad ang sarili ko sa gabing iyon. Galit si Mama pagkatapos sinigawan kita. Masakit para sa akin, Iris. Nakonsensya ako sa ginawa ko sa'yo kaya araw-araw kong bangungot 'yon. Espesyal ka sa akin, Iris. Ikaw lang ang nag-iisang tao na nakakaintindi sa akin."

Naiyak ako sa sinabi niyang iyon. Hindi ko na napigilan pa ang sarili ko. Niyakap ko na si Hanna na parang ayaw ko na siyang pakawalan pa.

xxx

Nagpatuloy pa rin si Hanna sa kanyang kwento na hindi na kinaya pa ng sikmura ko. Mas lalo akong nadudurog habang tumatagal ang pagkwento niya sa akin. Kung sana nasa tabi niya lang ako sa mga oras na iyon ay naprotektahan ko sana siya. Ngunit, hindi nangyari 'yon, dahil baka ito pala ang kapalaran ni Hanna na naghihintay sa kanya.

"Sa tindi ng galit ni Kevin sa akin ay sinikmuraan niya ako na halos mamilipit ako sa sakit. Natakot ako hindi para sa sarili ko kundi para sa baby ko. Binugbog niya ako ng paulit-ulit na halos magkulay ube na ang balat ko. Kulang na lang ay mapatay niya ako." Sabi nito at inihilig niya ang ulo niya sa balikat ko habang ako ay tulala naman dahil sa mga naririnig ko.

"Kahit buntis na ako noon ay hindi niya pa rin ako tinantanan sa pakikipagtalik. Kahit gusto kong umayaw ay hindi ko magawa dahil natatakot ako na baka patayin na talaga niya ako. Araw-araw ang impyerno na sinapit ko sa piling ni Kevin. Ginawa niya akong hayop. Binaliw niya ang katinuan ko." Kwento pa nito na nagpakuyom sa kanang kamay ko dahil sa galit. "At, dumating na nga ang araw na kinakatakutan ko, nawala ang baby ko sa akin na siyang naging kakampi ko sa mga gabing umiiyak ako. Nalaglag ang baby ko dahil sa katangahan ko, Iris. Dahil sa sobrang tanga ko."

Naramdaman ko na naman ang pag-iyak niya sa tabi ko kaya mabilis ko siyang inalo.

"Sinira ako ng paulit-ulit ni Kevin. Pinagalaw niya ako sa mga kaibigan niya nang makailang ulit. Tatlo hanggang sa apat na lalaki ang bumababoy sa akin gabi-gabi na parang gusto ko na lang mamatay. Isang gabi nalaman ko na lamang na kinain na pala ang katinuan ni Kevin dahil sa droga. Sa kauna-unahang pagkakataon, mas natakot na ako sa buhay ko kaya sinubukan kong tumakas ngunit nahuli niya ako. Binugbog niya ulit ako, sinampal, hinampas ng kaldero sa mukha na halos hindi ko na maramdaman pa ang aking mukha. Sinunog niya ang makikita niyang gamit ko at isa na doon ang mga iningat-ingatan kong dokumento na nagpapatunay na tinapos ko ang pag-aaral ko."

Mas lalo kong hinigpitan ang paghawak kay Hanna. Naawa ako sa kanya dahil sa mga narinig ko. Tama pala si Nanay sa sinabi niya noong una, bumulusok pababa sa lupa si Hanna.

"Nang makaalis ako sa impyernong iyon ay nagkaroon naman ako ng kakilala na akala ko siyang tutulong sa akin ngunit siya rin pala ang mas lalong magdidiin sa akin pababa. Napunta ako sa lugar na ito dahil ipapasok niya raw ako sa karinderya ng pinsan niya bilang isang bantay ngunit hindi 'yon ang nangyari, naging pokpok pa rin ako hanggang dito. Galit ang mundo sa akin at galit din ako sa mundo. Kwits na kami kaya mas lalo ko pang binaboy ang sarili ko. Iba-ibang lalaki ang nakakasalamuha ko para mabuhay lang ako at mabayaran ang renta ko sa bahay na ito." Natatawang sambit nito at umalis siya sa tabi ko.

"Ngayon, sabihin mo ulit sa akin na gusto at mahal mo pa rin ako kagaya nang sinabi mo sa akin noon. Pupulutin mo pa rin ba ang patapon na katulad ko? Nasa wastong edad ka na siguro, Iris. Alam mo na kung paano mag-isip." Sabi nito ulit sa akin at tumayo na.

Hindi ako nakapagsalita doon sa sinabi niya. Napaisip ako tungkol sa maraming bagay. Iba na pala ang noon at ngayon. Iba na ang mundo niya noon at ngayon. Magkaiba na kami ngayon na halos hindi ko na siya maabot katulad nang pinapangarap ko noong una.

Para na ngang isang bituin sa langit si Hanna, maganda at mahirap abutin. Ngunit, ang magandang bituin na iyon ay biglang bumulusok pababa sa lupa at ito na ang pagkakataon na maabot siya kahit na nanlalamig na ito sa akin ngayon. At sa katanungan niyang iyon, handa ko pa rin siyang pulutin kahit na ano man ang mangyari.

Binata na si IrisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon