Kabanata XXI: Paghihiwalay ng Landas

2.3K 136 57
                                    

Lumuluhang mga mata ni Hanna ang tumambad sa akin habang si Kevin naman ay nalilitong nakatingin sa akin. Siguro nagtataka ito kung ano ang ginagawa ng isang labing-isang taong gulang na paslit sa labas nitong mga oras na ito.

"I-Iris!" tawag nito sa akin at agad na humiwalay kay Kevin. Natatarantang tumungo sa akin si Hanna at ako'y kanyang niyakap. "I-Iris, sorry. Sorry."

Napasinghot ako nang marinig ko ang paghingi ng tawad ni Hanna. Mahigpit niya akong niyakap ngunit hindi ko naman maibalik ang mga yakap niya dahil napako lamang kay Kevin ang mga tingin ko.

"G-Galit si Mama sa akin." Humahagulgol na sumbong nito at hindi ko na napigilang hindi mapaluha. "Anong gagawin ko, Iris? Galit na galit si Mama."

Hindi ko na napakinggan pa ang mga sinasabi ni Hanna. Parang nakaramdam ako ng pagsikip ng dibdib at unti-unti ko nang namamalayan ang humahagupit na galit ko kay Kevin na natatanaw ko ngayon.

Naikuyom ko ang kamay ko.

"Kasalanan mo lahat ng ito!" sigaw ko kay Kevin na napatingin sa akin.

"Ano bang pinagsasasabi mo?" tanong nito sa akin na may halong inis sa kanyang boses. "Sino ba ang batang 'yan, Hanna? Kapatid mo ba 'yan?"

Mas lalong nag-init ang ulo ko sa mga tinuran ni Kevin.

"Gago!" malutong kong sagot sa kanya na nagpabigla kay Hanna.

"Iris!" saway sa akin ni Hanna at kumalas ito sa pagkakayakap sa akin.

"Aba't magaspang ang bibig mo, ha!" inis naman na wika ni Kevin na tuluyan nang lumakad palapit sa akin.

Pinakatitigan ko ng mabuti ang maamong mukha ni Hanna kahit na lumuluha na ang mga mata ko. "Hindi ka niya mahal, Hanna."

Napatigil si Kevin sa paglalakad.

"A-Anong sabi mo?" nauutal na tanong ni Hanna.

"Hindi ka niya mahal." Paglilinaw ko sa kanya. Malungkot ang mga mata ni Hanna na nakatingin sa akin habang naririnig ko naman ang mumunting pagtawa ni Kevin dahil sa sinabi ko.

"Ano bang alam mo sa pag-ibig, bata?" natatawa pa ring tanong ni Kevin sa akin at sinaway naman kaagad siya ni Hanna.

"K-Kung..." naiiyak na sambit ko. "Kung mahal mo si Hanna, hindi mo siya paiiyakin ng ganito! Hindi mo siya sasaktan! Hindi mo kukunin sa kanya ang pangarap niyang maging nurse! Matagal niya 'yong pinangarap!" sunod-sunod na sigaw ko sa kanya.

Nakaramdam ako nang paghapdi ng aking pisngi na nagpahupa sa aking galit.

"Tama na!" sigaw sa akin ni Hanna na ikinagulat ko. "Tama na, Iris! Wala kang alam! Wala! Isang hamak na bata ka lang!"

Napahikbi ako sa sunod-sunod na pagsigaw ni Hanna sa akin. Napahawak na rin ako sa pisngi na sinampal niya. Ginalit ko si Hanna. Galit na galit siya sa akin ngayon. Napayuko na lamang ako sa harapan niya at pilit na ikinukubli ang mga luhang nag-uunahan sa pagtulo.

"M-May alam ako sa pag-ibig," humihikbing wika ko. "S-Sabi sa akin ni Nanay noon ang pag-ibig ay hindi makasarili at hindi pang sariling interes lamang ang tinutugunan."

Pinahiran ko ang mga luha ko at naglakas-loob ulit na tumingin kay Hanna.

"M-Mahal pa rin kita, H-Hanna," sabi ko sa kanya. "Uuwi n-na ako."

Hindi ko na pinakinggan pa ang sasabihin sana niya dahil kaagad na akong tumakbo palayo sa kanya.

xxx

Kinabukasan ay nagpunta ako kina Mary Anne upang ibalik ang hiniram kong cellphone sa kanya. Siguro hindi ko na ito kakailanganin pa simula sa araw na ito dahil wala na... talo na ako. Talo na ako sa pag-ibig ko kay Hanna.

Parang sakit na kumalat dito sa lugar namin ang nangyari kay Hanna. Marami sa kanila ang naghusga, nalungkot dahil ang ilan sa kanila ay lubos na humahanga sa kanya, galit dahil hindi man lang daw ito naawa kay Ninang Carmen, at ang iba ay walang pakialam.

Nalaman din ni Nanay ang nangyari kaya't nagalit ito sa akin dahil hindi ko siya sinabihan. Alalang-alala ito kay Ninang Carmen dahil hindi pa ito lumalabas ng bahay niya. Parang gusto na lamang nitong magkulong sa loob dahil sa kahihiyang sinapit ng kanyang anak at sa takot din nitong mahusgahan ng iba.

"Hindi man lang naawa si Hanna kay Ninang Carmen mo. Ang laki ng sakripisyo ng Mama niya para lang mapabuti siya pagkatapos ganito pa ang isusukli niya. Hay naku, kabataan talaga ngayon minsan baluktot ang isipan." Himutok ni Nanay habang naghihiwa ng kamatis.

"Tungkol saan po ba Nay ang sakripisyong tinutukoy niyo?"inosenteng tanong ko.

Tumingin si Nanay sa akin at napabuntong hininga.

"Alam mo, anak, kaya gano'n na lang kung maghigpit ang Ninang Carmen mo kay Hanna dahil takot lang ito na matulad siya sa kanya. Nagtatrabaho noon ang Ninang mo sa isang resort ng makilala niya si Joseph Roberts --- ama ni Hanna. Nagkamabutihan silang dalawa at nahulog na sa isa't isa hanggang sa mabuntis na nga ang Ninang Carmen mo. Kwento niya tanggap naman daw ng kano ang ipinagbubuntis niya at handa raw siya nitong pakasalan. Ngunit, hindi nangyari 'yon, naglaho na lamang na parang bula si Joseph na ikinaguho ng mundo ng Ninang Carmen mo." Kwento ni Nanay sa akin.

"Hindi ba siya hinanap ni Ninang?" tanong ko at umiling si Nanay.

"Mas gugustuhin na lang daw niyang kalimutan lahat ng 'yon kaya hindi na niya tinangka pang hanapin ang ama ni Hanna," sagot nito. "Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na nagawa ni Hanna ang lahat ng 'yon. Ang taas pa naman ng tingin kay Hanna ng iilan dito sa atin pagkatapos bubulusok lang pala paibaba."

Napahinga na lamang ako ng malalim. Naalala ko ang mga sigaw niya sa akin kagabi. Sa palagay ko, wala pinagsisisihan si Hanna sa mga naging desisyon nito.

xxx

Sabi ng iilan dito sa amin ay umalis daw ulit ng probinsya si Hanna kasama ang nobyo nito. Walang may alam kung saan sila magpupunta at kung ano pa ang mga susunod na mangyayari. Maski ako ay nagmukhang ignorate dahil sa mga biglaang pangyayaring ito tungkol kay Hanna at sa pag-ibig ko sa kanya.

Akala ko parang kalmado lamang na batis ang magiging paghanga ko kay Hanna. Pero, akala ko lang pala 'yon dahil hindi naman pala magiging gano'n. Akala ko magiging masaya lang ang lahat, pagkatapos lalalim ang pagtingin ko sa kanya. Ngunit, hindi gano'n eh, delikado pala ang naging paghanga kong iyon.

Isang malaking sugal ang ibigin si Hanna, isang sugal na isinampal sa akin ang katotohanang talo nga ako sa bandang huli.

"Wala bang sinabi sa'yo si Ate Hanna?" maingat na pagtatanong sa akin ni Rhea habang nakasilong kami sa may lilim ng puno.

"Wala naman." Sagot ko ngunit hindi kumbinsido ang mga kaibigan ko sa naging sagot ko.

"Niloloko mo lang kami, eh." Sabi ni Jolo. "Imposible namang walang sasabihin si Ate Hanna sa'yo. Close kaya kayo no'n."

"Bakit mo naman isinauli sa akin ang cellphone?" singit naman ni Mary Anne sa usapan.

"Hindi ko na kasi kailangan," sagot ko.

"Ano nga ang nangyari? Magkwento ka." Pangungulit naman ni Jimboy.

"Wala," sabi ko. "Ngumiti lang sa akin si Hanna pagkatapos hinaplos niya ang buhok ko." Pagsisinungaling ko.

Nadismaya si Jolo sa kanyang narinig at ngumuso na lamang ito. "Gano'n lang? Wala nang iba?"

"Oo," sabi ko at tumango-tango. "Nginitian niya lang ako ng pagkatamis-tamis." Paninigurado ko pa sa kanya upang maniwala sila sa kasinungalingan ko. Hindi naman na sila nagtanong pa ulit kaya't napatingin na lamang ako sa kawalan habang inaalala ang mga nangyari kagabi.

Napabuntong hininga na lamang ako at palihim na natawa ng sumagi sa aking isipan ang mga kasinungalingang pinagsasasabi ko.

Oo at nginitian lamang ako ni Hanna. Nginitian niya lang ako sa aking imahinasyon. At sobrang sakit nito na parang hindi ako makahinga.

Binata na si IrisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon