Kabanata XV: Pag-amin

2.2K 132 22
                                    

Habang nagtatawanan sina Hanna at ng mga kaibigan ko ay siya namang paglipad sa kawalan ng isip ko. Parang hindi pa tinatanggap ng utak ko na aalis si Hanna rito sa probinsya. Pakiramdam ko, parang hindi na siya babalik. O, baka naman, mali lang talaga ang iniisip ko. Pero, hindi, nauunawaan ko naman ang sinabi niya, pupunta siya roon upang mag-aral... mag-review para sa licensure exam na sinasabi niya. Pangarap niya talaga ang makapasa, mukhang hindi naman niya bibiguin si Ninang Carmen ngunit paano naman ako? Mukhang matatagalan ang aming muling pagkikita 'pag nagkataon.

"Uy," sundot ni Mary Anne sa tagiliran ko. Napatingin naman ako sa kanya na abala pa sa pagkain ng sandwhich. "Malalim yata ang iniisip mo, Iris."

Umiling-iling ako at tumingin kay Hanna na nakikipag-kwentuhan kina Jolo at Jimboy. Tuwang-tuwa naman ang dalawa sapagkat nasa kanila ang atensyon ni Hanna.

"Selos ka?" asar ni Mary Anne sa akin sabay hagikhik.

"Hindi, 'no. Ba't naman ako magseselos?" pabulong kong tanong sabay abot ng isang basong juice sa may ibabaw ng center table.

"Eh, ano naman ang iniisip mo? Para kang timang." Sabi nito sa akin.

Napaismid ako sa sinabi ni Mary Anne. Kahit naman sabihin ko sa kanya ay hindi naman niya ako maiintindihan. Baka, pagtawanan niya lang ako. Sigurado.

"Oh, Iris," tawag sa akin ni Hanna. "Ayos ka lang ba?"

Hindi ko mapigilang hindi mamula. Nag-aalala siya sa akin pero, aalis naman siya.

"A-Ayos lang ako," sagot ko saka ko inubos ang juice.

Narinig ko naman ang tawa ni Jolo. "Naku, Ate Hanna, nag-e-emote lang 'yan dahil aalis ka."

Namula ako sa sinabi ni Jolo kaya't nag-iwas ako ng tingin kay Hanna. Nilaro-laro ko ang aking mga daliri para hindi maipakita kay Hanna na hiyang-hiya ako.

"Babalik naman ako," nakangiting wika ni Hanna. "Siguro, medyo matatagalan nga lang. Hindi ako sigurado. Hayaan mo bago ako umalis ibibigay ko ang number ko sa'yo."

Naghiyawan naman ang dalawang ugok na sina Jolo at Jimboy. "Ayieee!"

Sinamaan ko naman sila ng tingin. Hiyang-hiya na talaga ako.

xxx

"Alam mo, sabihin mo na lang kaya kay Ate Hanna." Pabulong na wika ni Jimboy sa akin habang tinutulungan si Hanna na iligpit ang pinagkainan namin. Magagabi na kasi at saka mag-aayos pa raw ito ng mga gamit niya dahil bukas na raw ang alis niya papuntang lungsod.

Nanlaki naman ang mga mata ko sa sinabi ni Jimboy. Muntik ko nang mabitawan ang hawak kong baso. Buti na lang talaga at hindi natuloy. Sabi ni Jimboy, bawas sa pogi points.

"Kakahiya, eh." Sabi ko.

Ngumuso naman si Jimboy sa akin. "Anong nakakahiya do'n? Sasabihin mo lang naman sa kanya na gusto mo siya." Sabi nito na medyo napalakas pa ang boses kaya kaagad ko namang tinakpan ang bibig niya.

"Hinaan mo ang boses mo baka may makarinig," saway ko sa kanya. "Parang ayoko nang magsabi, masasaktan lang naman ako. May nobyo na siya."

"Sus, sabihin mo na lang kahit mayroon na saka ikwento mo rin sa amin kung ano ang magiging reaksyon niya." Natatawang tugon nito at hinampas ko siya sa kanyang balikat.

"Alam mo, ang ganda talaga ng suhestiyon mo," sarkastiko kong wika sa kanya.

Pero, totoo talaga ang sinabing iyon ni Jimboy. Balak ko nang umamin kay Hanna na may nararamdaman ako para sa kanya. Gusto kong malaman niya iyon bago siya umalis. Ayokong magsisi at saka pakiramdam ko mamamatay ako kapag hindi ko sinabi iyon sa kanya.

Binata na si IrisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon