Kabanata XXIV: Muni-Muni

2.2K 133 5
                                    

Sa ibang barangay nakatira si Angela kaya't hinatid na lang namin siya ng mga kaibigan ko sa may sakayan ng pedicab. Kwela naman palang kausap si Angela kahit minsan ay corny ang mga joke niya 'yong tipong matatalino lang ang makakaintindi. Paminsan-minsan ay nakikisabay na lang kami sa pagtawa niya kahit ang totoo naman ay hindi namin nakuha ang ibig niyang sabihin.

"Paano kayo naging close no'n?" nagtatakang tanong sa akin ni Jimboy habang nakatanaw sa papalayong pedicab na sinakyan ni Angela.

Napahalukipkip ako, "Hindi ko alam, eh. Bigla na lang niya akong nilapitan kanina."

"Uy, ha? May Ate Hanna ka na." Singit naman ni Jolo na para bang pinapaalala niyang huwag kong kakalimutan si Hanna.

"Ikaw naman," usal ko, "classmate ko lang naman si Angela saka kaibigan na rin."

Umismid naman si Jolo na para bang ayaw maniwala sa akin. "Sabi mo 'yan, ha? Wala ng bawian." Paninigurado pa nito kaya nginitian ko na lamang siya para matigil na sa pangungulit.

"Hindi pa ba tayo uuwi? Sigurado nakarating na si Angela sa bahay nila," sarkastikong wika ni Mary Anne na inip na inip na. "Kanina pa tayo rito sa may sakayan. May assignment pa ako sa Math eh, alam niyo namang bobo ako do'n."

Nagkatinginan na lang kami nina Jimboy at Jolo saka nagtawanan. Habang si Rhea naman ay abala sa kinakain niyang banana cue.

xxx

Pasado alas-nuebe na ng gabi ngunit hindi pa rin ako makatulog at hindi ko alam kung bakit.

Tahimik na ang buong bahay at paniguradong tulog na rin ngayon si Nanay. Wala naman akong iniisip na surprise quiz at lesson para bukas. Wala rin naman akong assignment ngayong araw. Basta, hindi lang talaga ako pinapatulog ng gabi.

Bumangon ako sa higaan at nagpasyang dumungaw sa may bintana ng kwarto. Tinignan ko na lamang ang labas ng bahay at nag-inat pagkatapos. Napabuntong hininga ako. Pilit na nagsusumiksik sa isipan ko ang imahe ni Hanna na tila bang pilit ko ring inaalala.

Kahit anong gawin ko ay hindi ko mapigilang hindi siya maalala, ang mag-alala sa kanya ngayon, at ang mag-isip kung masaya ba talaga siya sa piling ng Kevin na iyon.

Hindi ko rin mapigilan ang hindi magalit sa sarili ko kung bakit huli akong isinilang. Kung sana'y magkasabay kami o mas nauna pa ako sa kanya baka malaki pa ang tsansa ko kumpara ngayon na tagilid na.

Wala naman siguro akong kasalanan kung sa kanya talaga nahulog ang loob ko. Hindi naman yata iyon isang malaking kasalanan ngunit bakit pakiramdam ko ay pinaparusahan ako sa mga nangyayari ngayon? Bakit pakiramdam ko sa akin binabato lahat ng galit ng mundo?

Naisip ko lang bigla, paano kaya kung hindi umuwi rito sa probinsya sina Ninang Carmen at Hanna? Mararamdaman ko ba lahat ng emosyong ito o hindi? Magkakatagpo ba ulit kami ni Hanna sa ibang panahon o hindi? Mahuhulog din ba ang loob ko sa kanya sa ibang panahon o hindi?

Siguro, hindi ako mapaparusahan kung hindi man lang nagtagpo ang mga landas naming dalawa.

Napahikab ako bigla nang makaramdam na ako ng panlalamig dahil sa simoy ng hangin. Dinadalaw na yata ako ng antok.

Napatingin ulit ako sa bilog na buwan na parati kong tinatanaw noon, naisip ko ulit si Hanna, naisip ko kaagad siya, sa ngayon kaya nakatingin kaya siya sa bilog na buwan sa itaas? Ano kaya ang iniisip niya? Naaalala niya kayo ako?

Napahikab ulit ako. Si Hanna lang siguro ang magpapatulog sa akin ng ganito kahit na marami akong iniisip tungkol sa kanya.

xxx

Recess namin ngayon ngunit hindi ko nakasama sina Joel at Erickson dahil nakikipaglaro sila ng basketball sa ibang mga taga-kabilang section.

Si Angela naman ay hindi ko alam kung saan nagpunta dahil hindi ko ito kaagad napansin pagkatapos ng klase namin sa Science. Kaya, sa mga oras na ito ay mag-isa lang akong kumakain ng biskwit at chicharon sa likod ng classroom namin.

Maganda rin kasing tambayan ang likuran ng classroom dahil malakas ang hangin dito saka mayroon ding mga puno. Hindi lang naman ako ang mag-isang tumatambay dito, pumupunta rin dito ang iba ko pang mga kaklase lalo na kapag trip din nilang mapag-isa o maglokohan kasama ng iba pa nilang mga kaibigan.

Ngunit ngayon, gusto kong mapag-isa. Gusto kong isipin nang paulit-ulit si Hanna dahil natatakot akong makalimutan ko siya.

Naiisip ko rin bigla kung paano na lamang kapag tuluyan ng hindi umuwi rito si Hanna? Hahanapin ko ba siya?

Ngunit, saan ko naman siya hahanapin? Hindi ko alam dahil sa ngayon ay wala na akong alam pa tungkol sa kanya. At hindi lang iyon, kung hahanapin ko si Hanna, magpapahanap ba siya?

Hindi ko ulit alam.

Isang nakakakabang katanungan kung magpapahanap ba si Hanna dahil wala na akong alam kung ano na ba talaga ang tumatakbo sa isipan niya sa mga oras na ito.

Habang dumaraan ang napakaraming mga araw ay mas lalong nagiging komplikado si Hanna. Hindi ko na siya mahabol, mahawakan, at mapantayan. Parang langit na ang pagitan naming dalawa.

Kung hindi man siya umuwi gusto ko sana siyang hanapin. Gusto ko sanang sabihin sa kanya na nalulungkot ako, na masaya ako, na galit ako... lahat ng emosyon gusto kong sabihin sa kanya.

Gusto kong sabihin sa kanya na hanggang ngayon ay baon ko pa rin lahat ng alaala ko sa kanya... lahat ng tungkol sa kanya.

Nakakalungkot talaga na iyon pa ang magiging huling pagkikita namin. Isang mapait na alaala na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin nakakalimutan.

Sana kung nanaisin ko mang hanapin siya, sana mapagbigyan niya ako. Sana mahabol ko siya, sana makita ko ulit siya, at sana masaksihan ko ulit ang mga ngiti niya. Ito lang sana ang gusto ko kapag hahanapin ko siya.

Napabuntong hininga ako dahil sa lalim nang iniisip ko. Minsan talaga ay hindi ko na alam kung ano na nga ba ang tumatakbo sa isipan ko.

Nagkakaloko-loko lang naman ang utak ko kapag si Hanna na ang pinag-uusapan. Hindi na ako nakakapag-isip pa nang maayos dahil lahat ng ideya na nabubuo sa isipan ko ay nagmimistula na lamang isang sasakyan na dire-diretso na ang takbo.

Ganito rin kaya ang iniisip ni Jolo pagdating kay Angela? Nagkakalat din kaya ang mga iniisip niya? Minsan din kasi ay wala na akong maintindihan. Miss ko lang siguro si Hanna kaya ganito.

Panigurado, kung sasabihin ko lahat nang iniisip ko sa mga kaibigan ko ay pagtatawanan nila ako. Si Nanay naman baka sermonan at paluin pa ako no'n. Kaya, mas mabuti na siguro ang ganito.

Ako at ang mga ideya tungkol kay Hanna lang ang nakakaalam.

Binata na si IrisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon