Kabanata VII: Si Hanna at ang Barkada

2.8K 145 8
                                    

Magkasama kami ni Hanna sa pamamalengke. Hindi ako makapaniwala na nangyayari talaga ito ngayon at tila ba na parang nananaginip pa rin ako. Nakahawak sa kaliwang balikat ko si Hanna habang sinusuri niya nang maigi ang mga isda kung presko pa ba ito o hindi. Sabi niya kasi kanina ay balak niya sanang magluto ng escabeche. Bahagyang nagningning ang mga mata ko kanina nang banggitin niya iyon kaya't tinanong niya ako kung paborito ko ba ito at tumango naman ako.

"Sigurado po ba kayong sariwa 'yan?" tanong ni Hanna sa tindera.

"Aba't oo naman, hija. Hindi kami nagtitinda ng hindi sariwa." Sabi ng tindera.

"Sigurado po kayo, ah?" bungisngis na tanong ni Hanna at tumango naman ang tindera.

Binayaran na ni Hanna ang nabiling isda. Akmang kukunin niya na sana ito sa tindera ngunit inunahan ko na ito.

"Ako na," pagboboluntaryo ko at mahigpit na hinawakan ang plastic bag na may laman na isda.

"Sigurado ka, Iris? Dadalawa na ang dala mo." Alalang tanong nito sa akin ngunit umiling lamang ako.

"Ayos lang. Kaya naman." Ngingiti-ngiti kong sagot. Ngunit sa kaloob-looban talaga ay nagsasasayaw na sa tuwa ang puso ko.

Halos malibot na namin ang buong palengke dahil sa dami nang pinamili ni Hanna. Grabe, limang plastic bags na ang dala namin dahil nag-grocery pa ito para may stock daw sila sa kanilang bahay. 'Yong dalawang plastic bag na may lamang isda na nga lang ang bitbit ko, eh. Hindi na kasi ako pinayagan ni Hanna na magbitbit ng tatlong 'yon dahil biro pa niya eh, baka raw matanggal ang mga buto ko. Payat kasi ako at ang liit-liit pa.

Una akong lumabas sa sinasakyan naming pedicab ni Hanna at kasunod naman ay siya. Ang saya-saya ko talaga ngayon. Dalawang araw ko nang nakakasama si Hanna.

"Iris!"

Napalingon ako sa pamilyar na boses na iyon. Natanaw ko si Jimboy at kasama niya sina Jolo at Rhea.

"Mga kaibigan mo?" tanong ni Hanna sa akin.

"Oo. Gusto mong makilala sila?"

"Sige ba," natatawang sagot niya.

"Bakit ka tumatawa?"

"Pansin ko kasing halos mga bata ang nakikilala ko rito," sagot niya.

"Ang daya mo, Iris!" sigaw ni Jolo at nagtatakbo sila palapit sa amin.

"Wala si Mary Anne?" tanong ko kay Jimboy na habol ang hininga. Umiling naman ito bilang sagot.

"May lakad sila ni Aling Tessa sa kabilang bayan." Sabi ni Rhea.

"Hi," masiglang wika ni Hanna, "ako nga pala ang Ate Hanna niyo," pagpapakilala pa nito at inilahad nito ang kanyang kamay sa kanila.

Nag-unahan naman sina Jolo at Jimboy at napansin ko ang paghagikhik ng tawa ni Hanna.

"Crush ka kasi ng dalawang 'yan, Ate Hanna." Pambubuking ni Rhea. "Ahh, hindi lang pala dalawa. May isa pang may crush sa'yo at s ---"

"At marami pa sila." Putol ko kay Rhea at pinandilatan ko siya ng mata.

"Ay, dalawa lang pala." Sabi nito at nagkamot ng ulo.

"A-Ako po si J-Jimboy," naunang pagpapakilala nito at kaagad na nakipagkamay kay Hanna.

Ngumuso ako. Epal talaga itong si Jimboy.

"J-Jolo naman ako," sunod naman nito at nakipagkamay din at mukha ring abot-kamay na niya ang langit.

Naningkit na ang mga mata ko. Isa rin 'tong epal.

"Tara, sa bahay tayo. Ipagluluto ko kayo ng escabeche." Imbita ni Hanna sa amin.

Binata na si IrisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon