Kabanata V: Puppy Love

3.1K 163 25
                                    

Maaga pa akong lumabas ng bahay at hindi rin ako nagpaalam kay Nanay kaya sigurado mamayang pag-uwi ko ay sermon ang aabutin ko. May usapan kasi kami nina Jolo kahapon na pupunta kami sa bahay nina Ninang Carmen at magmamatyag kami. Naisipan din naming puntahan si Jimboy sa bahay nila baka sakaling sumama ito at wala na rin itong tampo sa akin dahil sa nangyari kahapon.

"Ano ba kayo, puro na lang si Hanna. Ni hindi na nga tayo nakakapaglaro. Sayang ang bakasyon." Himutok ni Mary Anne na nakahalukipkip.

"Ang KJ mo na naman," inis na sambit ni Jolo. "Eh, titingin lang naman kami do'n. Kung ayaw mong sumama eh, maiwan ka na lang dito."

"Kita mo na, ipinagpapalit ang pagiging magkaibigan dahil sa itinitibok ng puso," mataray na saad ni Mary Anne.

Kumunot naman ang noo ni Jolo. "Palibhasa'y wala kang crush kaya hindi mo alam."

Naningkit ang mga mata ni Mary Anne kasabay ng pamumula ng mukha. "Tse! May crush ako, 'no!"

"Wala kaming pakialam." Malamig na tugon ni Jolo at bigla itong humalakhak ng malakas. Hindi na nakapagtimpi pa si Mary Anne at agad niya itong binatukan.

"Amazona!"

"Tukmol! Sira ulo!"

Hanggang sa makarating kami sa bahay nina Jimboy ay hindi pa rin natatapos ang kanilang pagbabangayan.

Nakanguso si Jimboy nang humarap ito sa amin. Ni hindi nga niya ako pinansin. Mukhang hindi pa rin humuhupa ang pagtatampo nito sa akin.

"Jimboy, sorry." Paghingi ko ng paumanhin.

Humalukipkip ito at sinimangutan lang ako. "Ayaw ko nga. Mang-aagaw ka."

Nagkamot ng ulo si Rhea. "Jusko, Jimboy. Hindi pa nga sila, eh."

"Oo nga," sawsaw ni Jolo. Si Mary Anne tahimik lang.

"Kahit na," pagmamatigas ni Jimboy.

"Sorry na kasi..." pag-uulit ko.

"Ayaw ko nga!" sigaw ni Jimboy at sa ganitong eksena kami nadatnan ng Mama niya.

"Hoy!" singit ni Aling Mercy sa aming usapan at kinurot sa tagiliran si Jimboy saka naman ito napadaing. "Bakit ka naninigaw ng babae?"

Ramdam ko ang tensyon ni Jimboy. 'Yong mga kaibigan ko parang naestatwa sa kaba.

"S-Si Iris k-kasi..."

Tinignan ako ni Aling Mercy. "Ano ba ang problema niyong dalawa, hija?"

"N-Nagkatampuhan lang po k-kami. Nagso-sorry lang po a-ako." Halos magkandabuhol-buhol na ang dila ko sa kaba.

"Nagso-sorry lang naman pala ang kaibigan mo eh, bakit mo sinisigawan?" galit na tanong ni Aling Mercy sa anak niya. Hindi kumibo si Jimboy hanggang sa mapansin naming umiiyak na siya.

"Mag-sorry ka," diin ni Aling Mercy, "hindi ka dapat naninigaw ng babae."

Nagsimula nang umalog ang balikat ni Jimboy at pumalahaw na ng iyak saka niya ako niyakap. "Sorry, Iris. Sorry. Hindi na mauulit."

"Sorry din..."

xxx

Bully talaga si Rhea pagdating kay Jimboy kaya habang naglalakad kami papunta kina Ninang Carmen ay panay ang pang-aalaska nito kay Jimboy.

"Oh, tama na 'yan. Baka naman kayong dalawa naman ang mag-away." Awat ni Jolo.

Umismid si Jimboy. "Nakakainis kasi eh, tawagin ba akong bakla."

Binata na si IrisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon