Kabanata XXXVII: Label

2.3K 177 29
                                    

Halos araw-araw na ako laging tambay sa bahay ni Hanna. Pagkatapos lahat ng klase ko ay lagi na akong dumidiretso nang uwi sa bahay niya. Minsan nga ay hindi na ako dumadaan pa ng dorm para magpalit ng damit dahil palagi nang naka-ready sa loob ng bag ko ang damit na pamalit ko. Minsan ay hindi na rin ako nakakasama sa mga gala ng mga kaibigan ko dahil mas ginugusto ko pang makasama si Hanna kumpara sa kanila kaya ang nangyayari ay nagkakaroon kami minsan ng konting tampuhan.

Sinisimangutan na lamang ako palagi ni Eunice dahil hindi na ako sumasama kanila kapag nagyayaya si Clark ng group study. Maski si Patrick ay nagpaparinig na rin sa akin na nagsisimula na raw ako maging "others" dahil nakakalimutan ko na raw sila. Syempre si Clark din minsan ay hindi na ako pinapansin tuwing nakatambay kami sa may oval.

Magkakasama nga kami araw-araw ngunit para naman kaming mga hangin na nagpapakiramdaman lang.

Saka si Angela rin ay nagsisimula nang lumayo ang loob sa akin. Minsan kasi ay hindi na ako nakakauwi ng dorm kasi lagi akong naaabutan ng curfew kapag napapasarap ang kwentuhan naming dalawa ni Hanna. Kung maaga man akong umuuwi sa dorm, hindi ko na naaabutan pa si Angela. Tahimik na ang buong kwarto at mas lalo akong inuusig ng konsensiya kapag naiisip kong buong magdamag na walang kasama si Angela rito sa loob.

"Masyado ka nang nakakapagtampo, Iris, ha?" basag ni Eunice sa katahimikan. Kasalukuyan kaming nakatambay sa loob ng canteen habang naghihintay sa susunod na klase.

Maingay ang buong canteen dahil may mangilan-ngilan ding nakatambay na mga estudyante. Ngunit, ang pwesto namin ay hindi makabasag-pinggan dahil sa katahimikan. Si Clark ay abala sa paglalaro ng mobile games habang si Patrick naman ay panay ang drawing ng mga cartoons sa likod ng kanyang binder.

Humalukipkip si Eunice na katabi ko lamang. "Nagkajowa ka lang, kinalimutan mo na kami." Nakanguso pang wika nito.

Nagpanting naman ang tenga ko dahil sa sinabi ni Eunice. Matagal ko rin itong prinoseso sa isipan ko dahil baka namali lang ako ng dinig.

"A-Anong sabi mo?" tanong ko sa kanya.

Tinaasan naman niya ako ng kilay.

"Kita mo na, hindi lang naging ulyanin, naging bingi na rin." Sarkastikong tugon nito at napatirik ng mata sa akin. "Iba talaga ang epekto kapag nagkakajowa na."

"Puta..." inis na sambit ni Clark habang nakatuon ang atensyon niya sa screen ng kanyang smartphone. Napabuga ito ng hangin at saka tumigil na sa paglalaro. "Kapag nagka-girlfriend ako pagkatapos magiging ganyan din ako katulad ni Iris, hay naku, ayoko na lang magka-syota." Singit nito sa usapan namin.

"Oo nga, oo nga." Pasimpleng pagsang-ayon naman ni Patrick kay Clark ngunit patuloy pa rin ito sa kanyang pagguhit.

Bigla tuloy akong nalito sa mga pinagsasasabi ng mga kaibigan ko. Para akong cellphone na nag-overheat at biglang sumabog.

"Ano ba ang pinagsasasabi niyo?" sabi ko pa.

"Nagmamaang-maangan ka pa diyan," si Patrick ulit ang nagsalita. "Mas klaro pa nga sa tubig-baha na syota mo na 'yang Hanna na 'yan, eh. Naku, Dimasalang, ha? Magmi-midterm na tayo, medyo mahaba na rin ang pinagsamahan natin, kilala ka na namin."

Natigilan ulit ako sa narinig ko kay Patrick at saglit na pumalya ang utak ko sa pagproseso sa sinabi niyang iyon. At hindi rin nagtagal ay naintindihan ko na ang gusto nilang iparating sa akin kaya natawa na lamang ako nang pagkalakas-lakas.

xxx

Naguguluhang nakatingin sa akin si Eunice habang ang dalawa ko pang kaibigan ay ayaw pa ring maniwala sa akin.

Binata na si IrisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon