Kabanata XXVI: Sweet Sixteen

2.2K 165 21
                                    

Mabilis ang paglipas ng panahon hanggang sa hindi ko na namalayang nakapagtapos na pala ako ng high school. Naalala ko pa noong graduation namin, tuwang-tuwa si Nanay dahil ako ang salutatorian ng batch namin.

Hiyang-hiya pa nga ako noon dahil noong makauwi kami ng bahay ay halos ipagsigawan ni Nanay sa lahat ng ka-barangay namin na ang tali-talino ko raw. Pero ang totoo no'n, parang hindi ako nasiyahan na naging salutatorian lang ako. Siguro, nanibago lang ako dahil noong elementary ako ay valedictorian ako ng batch namin. Habang tumatagal naman ay natatanggap ko na rin, saka masaya na rin ako dahil si Angela ang naging valedictorian namin.

Hindi naman kasi nakapagtataka 'yon dahil habang tumatagal ay mas lalong gumagaling si Angela sa klase. Kahit madalas siyang top two noong first year kami, bumawi naman siya noong tumungtong kami ng second year dahil palagi na siyang nagta-top one.

Hindi lang siya magaling sa klase, magaling din siya sa sport na soccer. Tama, soccer nga. Ayaw ko pa ngang maniwala no'n nang sabihin niya sa akin na nag-try out siya para sa soccer team, eh. Pero nang ibalita niya sa buong barkada na nakapasok siya sa team ay doon na talaga ako naniwala at saka mas lalo pang dumami ang nagkagusto sa kanya, marami rin ang naging karibal ni Jolo.

Naging editor in chief din siya sa school newspaper namin kaya minsan iniisip ko kung tao pa ba si Angela.

Pagtungtong nang third year at fourth year high school ay hindi na kami naging magkaklase dahil nalaglag ako sa second section samantala siya consistent sa first section. Hindi naman ako nalungkot na napunta ako sa second section dahil nakasama ko doon sina Rhea at Mary Anne. Samantala, sina Jolo at Jimboy naman ay nanatili sa fourth section. Naging masaya naman ang buhay high school ko kahit marami ang nagbago at kalokohan na naganap.

Wala namang nambully sa akin pwera na lang sa mga kaibigan kong alaskador na sa simula't sapul pa lang. Kahit magkakaiba kami ng section ay nagagawa pa rin naming magtulungan sa mga kanya-kanya naming report at assignment. Pero, mas madalas talaga kaming magpatulong kay Angela dahil siya ang mas matalino sa aming lahat. Hindi naman siya nagrereklamo sa amin basta ililibre lang namin siya ng snack sa canteen.

Noong pagkatapos ng graduation ceremony namin ay umamin na si Jolo kay Angela. Saksi kaming apat sa tagpong iyon. Si Rhea at Mary Anne ay kilig na kilig, si Jimboy naman ay todo suporta samantala ako ay kinakabahan para kay Jolo. Alam ko kasi ang pakiramdam nang umaamin sa taong gusto mo, nakakawala ng pagkatao.

Walang kagatol-gatol pang umamin noon si Jolo. Direkta. Seryoso. Hindi na aatras.

Medyo naging matagal din ang naging reaksyon ni Angela no'n pero hindi nagtagal ay napansin na lang namin ang pagtawa niya kay Jolo. Sabi kasi niya, matagal na niyang alam na may gusto si Jolo sa kanya dahil halata naman. Sang-ayon naman kami kay Angela dahil kapag lumalabas kami ay halos si Angela na lamang ang nakikita ni Jolo at nakakalimutan na niya kaming apat.

Basted si Jolo sa araw ng graduation. Pero, sabi niya sa amin, masaya pa rin siya kasi nasabi niya kay Angela ang totoo niyang nararamdaman. Naging masaya naman ako kay Jolo kasi kahit papa'no ay wala siyang pagsisisihan sa naging desisyon niya.

Naging mabilis nga ang panahon para sa akin ngunit kahit gano'n ay kahit kailan hindi ko nakalimutan si Hanna.

xxx

Ilang linggo rin ang lumipas at ipinagdiriwang ko na rin ang ika-labing anim na kaarawan ko.

Medyo nag-iba na ang korte ko ngayon, nagkalaman na ako, hindi na ako ang dating Iris na payat na parang ililipad ng hangin. Tumangkad na rin ako, nasa 5'6 na ako ngayon at mas matangkad pa ako kaysa kay Jimboy. Kaya nga minsan kapag nagkakasama kaming lahat ay lagi kong pang-asar sa kanya ang pagpatong ng braso ko sa kanyang balikat. Kaya, inis na inis siya minsan sa akin. Sabi kasi ni Nanay, baka raw nagmana ako kay Tatay kaya gano'n.

Binata na si IrisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon