The LORD delights in those who fear him, who put their hope in his unfailing love. - Psalms 147:11
Kahapon ng tanghali umuwi sa Pilipinas ang mama niya, dala ang balita na kasalukuyang comatose ang papa niya sa isang ospital sa China. Ngayon nga ay kararating lang nila ng Beijing at dito sa XiHanLu Hotel sila mag-sstay dahil malapit ito sa ospital kung saan naka-confine ang papa niya. Kasama rin nila sa hotel na iyon sina Yuan at Philip pero nagtig-isang suite ang dalawa, habang sila naman ng mama niya ay magkasama sa iisang suite.
Lumapit siya sa may gilid ng bintana at tumanaw sa paligid, ang tagal na rin noong huling beses siyang nakadalaw sa Beijing, marami na agad ang pinagbago nang siyudad na iyon; dumami ang mga naglalakihan at nagtataasang gusali, dumami ang mga hotels at restaurants, at dumami pang lalo ang mga tao na naglalakad sa kahabaan ng magkabilang gilid ng kalsada.
Fifteen years old siya noon nang mapilitan ang mga magulang niya na mag-migrate sa Beijing, nagkaroon kasi ng malaking problema ang mga negosyo ng papa niya roon kaya kinailangang tutukan ng personal ng papa niya ang isyu roon upang hindi tuluyang mauwi sa bankrupcy ang mga negosyong ipinundar pa ng mga ancestors ng papa niya. Hindi siya isinama ng mga magulang dahil kasalukuyan siya noon na graduating sa high school kaya naman ipinagkatiwala siya ng mga ito sa pamilya ni Maya. Halos kapit-bahay lang kasi nila ang pamilya mga Takigawa, ang pamilya ni Maya, at halos kapamilya na rin ang turing sa kanya ng lolo at papa ni Maya.
Ang una at huling beses na nakaapak siya sa lugar na iyon ay noong bakasyon niya bago siya nag-kolehiyo.Gusto nga sana ng papa niya ay sa China na rin siya tumira at mag-aral ng kolehiyo pero tumanggi siya, hindi dahil sa ayaw niya makasama ang mga magulang niya bagkus ay alam niya kasi na mas makapag-aaral siya ng maayos sa China. Idagdag pa noon ang reyalidad na hindi pa rin naman siya tanggap bilang lehitimong Yee ng mga kamag-anak na Intsik ng papa niya. Mabuti pa nga ang mama niya kahit paano ay kinakaya pa rin hanggang ngayon ang masasakit na salita ng mga kamag-anak ng papa niya pero siya ... mahina siya.
Naunawaan naman siya ng mga magulang niya kaya pinayagan siya ng mga ito na bumalik na lamang ng Pilipinas.
Mahigit dalawang taon naman na ang nakalipas noong huling beses na nakasama niya sa Pilipinas ang mga magulang niya. Nangyari lamang iyon noong graduation niya sa college. Proud na proud sa kanya ang papa niya noon dahil naka-graduate siya na Magna Cum Laude sa kursong Architecture. Hindi niya rin makakalimutan ang ibinigay na graduation gift nito sa kanya, isinalin lang naman ng papa niya ang ownership ng Yee Mansion sa pangalan niya.
Kaninang umaga pagdating na pagdating nila sa airport ay sa ospital agad sila dumiretso ng mama niya. Samantalang sina Philip at Yuan ay nauna sa XiHanLu Hotel, ang mga ito na lamang ang nagdala roon ng mga gamit nilang mag-ina.
Ahhh... ang papa niya... hindi niya mapigilan ang pagtulo ng luha niya ng maalala ang kasalukuyang kalagayan ng papa niya.
Sa ospital ...
Pipihitin pa lamang sana niya ang doorknob ng pinto ng silid na kinaroroonan ng papa niya nang biglang hawakan ng mama niya ang kamay niya na nakahawak na sa doorknob, nagtatakang napatingin siya rito.
" L-Laura, alam ko'ng hindi mo gusto na sa ganitong pagkakataon pa kayo magkikitang muli ng papa mo, pero tatagan mo sana ang loob mo sa posible mong makita," malungkot ang mga mata na wika ng kanyang mama. Napatango lamang siya. Noon lamang binitawan ng mama niya ang kamay niya na kasalukuyan namang nanlalamig at nanginginig dahil sa labis na tensyon na nadarama niya ngayon.