5TH NIGHT

1K 67 4
                                    


Inabala ni Kassiopia ang sarili para lang makalimot kay Dark at sa sakit na pilit bumubungkal sa kanyang puso. Kinuha niya sa loob ng drawer sa sidetable ang itim na kahon na tanging kayamanan niya at dinala sa terrace sa labas ng kanyang silid. Naupo siya sa rocking chair at nilapag iyon sa kanyang kandungan. Tiningala niya ang bilog na buwan.

May katabing bituin iyon. Bigla siyang nakadama ng ginaw habang pinagmamasdan iyon. Muli niyang binalingan ang kahon. Kassiopia Rosalyn. Iyon ang gintong pangalan na nakaukit sa takip. Bilin ni Carmen sa kanya na mabubuksan lamang niya ang kahon kapag nasa hustong gulang na siya.

She's 18 now. Napangiti siya at binuksan ang kahon. Pulang kandelang nakabalot sa telang itim ang laman niyon. Nagtatakang dinampot niya ang kandelang may gintong sinulid nang biglang magsindi iyon ng kusa. Muntik na niyang mabitiwan iyon.

Ngunit ang mas ikinagimbal niya ay ang biglang pagbabago ng kanyang kapaligiran. Nawala ang terrace ng bahay nila. Ang pumalit ay isang makulay na hardin. Nagkalat ang mga bahag-hari sa paligid. Ang daming paru-parong naglalaro at naghahabulan. Dinig niya ang mabinig ihip ng hangin at ang panaghoy ng tubig sa batis di-kalayuan.

Namasyal pa ang kanyang paningin. Tumawid sa malawak at berdeng balili na nakalatag sa labas ng hardin patungo sa luntian at dambuhalang mga bundok na nakakapit sa isa't isa. Maliwanag na asul ang langit at ang mga ulap ay kumikinang sa sobrang kaputian.

Nasaan siya? Anong lugar ba iyon? Nanaginip ba siya? Malamang. Ang ganda naman ng lugar na iyon. Iyon siguro ang paraisong nilikha ng Bathala na nababasa niya sa mga aklat.

Muntik na siyang mabahing nang may dumapo sa kanyang paru-paro. Sumunod rito ang iilan hanggang sa halos mabalot siya ng mga ito. Dama niya ang kiliti. Anong ginagawa ng mga ito? Bakit siya sinisipsip?

Gusto niyang iunat ang mga braso para bugawin ang mga ito kasi nakikiliti na talaga siya. Pero wala siyang maiunat. Wala siyang mga braso? Ang naroon ay mga dahon at mumunting tangkay na nababalutan ng matutulis na tinik.

Natilihan siya sa nakikita. Sinipat niya ang sarili? Anong nangyari sa kanya? Bakit siya naging halaman? Kaya pala hindi niya maigalaw ang mga paa. Wala siyang mga paa!

Pilit niyang hinamig ang sarili. Kalma lang, Kassiopia. Kailangan niyang kumalma. Tutal panaginip lamang ito. Panaginip lamang. Nag-alisan ang mga paru-paro. Nangangati siya sa kagat ng mga iyon sa talulot niya.

Pakiramdam niya mabagal ang oras sa lugar na iyon. Buong maghapon siyang nakababad sa init ng araw at sumasayaw sa ihip ng hangin habang inabala ang sarili sa pagpuna sa iba pang mga halamang nakapaligid sa kanya. Napalilibutan siya ng Cleome. Ano nga ba iyong Cleome? Bakit niya alam ang tungkol sa bulaklak na iyon?

Sumapit ang gabi. Kung anong liwanag kanina ng hardin ganoon naman ito kadilim ngayon. Nagbigay sa kanya ng kilabot ang salitan na atungal ng mga mababangis na hayop sa labas ng hardin.

"Notcheste, dono, dana. Vonsuelo? (Good evening, ginoo, binibini. How are you?)" Narinig niyang may nagsalita at natilihan siya dahil naiintindihan niya ang ibig sabihin ng kakaibang lengguwahe. "Kung gayon ay totoo nga na narito ang pinakamagandang bulaklak sa buong lupain ng Lantau. Paumanhin sa aking kapangahasan ngunit ako'y pipitas lamang ng isa para maihandog sa aking iniirog ngayong kaarawan niya." Humawak ang lalaki sa kanyang tangkay para pitasin ang kanyang bulaklak.

Ngunit nagimbal siya nang makitang sinisipsip ng kanyang mga tinik ang dugo nito hanggang na natuyot ang kawawang nilalang at binawian ng buhay. Dama niya ang pagdaloy ng sariwang dugo sa kanyang tangkay patungo sa kanyang mga ugat na nakakapit sa lupa. Sumigla ang kanyang pakiramdam.

FANGS ✅Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon