Tinanaw ni Kassiopia si Dark na tila kinakausap ang agilang nasa balikat nito. Kaninang umaga bago sila tumulak paalis ay nadatnan niya ito sa labas ng tarangkahan kasama ang mga kaibigan nitong elemento at iilang agila. Nagsimula na itong manmanan ang kampo ng mga Santik sa likod ng bundok na nasa hangganan ng kaharian.
"Kamahalan, pumasok na po tayo sa loob." Yaya sa kanya ni Kampilan.
Binawi niya ang paningin at tumango. Narito sila ngayon sa palasyo. Maliban sa kanila ay wala nang ibang taong nandito. Tama ang sinabi ni Dark. Hindi na nga nila inabutan si Agno at ang mga sundalong Lantau. Inabandona ng mga ito ang buong palasyo bago pa sumikat ang araw. Nabawi na rin niya sa wakas ang kanyang tahanan.
Galing na kanina sa loob si Dark at tinanggal ang mahikang iniwan ni Agno bilang pananggalang upang hindi siya makapasok. Huminto sila ni Kampilan sa may bukana ng bulwagan at nilibot niya ang paningin sa malawak na silid na iyon na dati ay saksi kung paano nabuo ang unang mga araw ng pagmamahalan nila ni Dark.
Sa mga sulok-sulok ay naaaninag niya ang imahe nilang dalawa na magkayakap, naglalambingan, nagkukulitan, nagtatalo, nagkakatampuhan. Matigas ang ulo niya kaya madalas nauuwi sila sa bangayan. Tiningala niya ang malaking ilaw na kristal sa matayog na kisame. Salitan kung kuminang mula roon ang bahaghari na lumilikha ng makukulay na liwanag sa buong paligid.
"Sisimulan ko nang ayusin ang pag-upo mo sa trono, kamahalan. " Nagsalita ang pantas na nasa likuran niya at nakasubaybay lamang.
"Huwag muna, Sajid. Ayaw kong maupo sa trono hangga't silyado pa ang aking kapangyarihan. Ilalagay ko lang sa panganib ang buong Lantauan. Si Zalim muna ang mamumuno." Pahayag niyang binato ng tanaw ang binatang pumapasok sa bulwagan.
"Kung iyon po ang gusto ninyo, mahal na reyna." Yumukod ang pantas.
"Babalik muna ako sa kahanay na mundo. Susubukan kong hanapin doon ang mga alaala ko para maisagawa na natin ang ritwal." Deklara ni Dark. "The elements will protect you and the palace while I'm gone."
"Sasama ako sa iyo, Zalim." Ungot niya.
"Kassiopia," umiling si Dark. "Ikaw ang reyna, hindi mo pwedeng iwanan ang kaharian."
"Tama ang Zaargo, kamahalan." Salo ni Sajid. "Sinikap kong mahanap kung nasaan ang kanyang mga aalala ngunit hindi sapat ang kakayahan ko." Bigong turan ng pantas.
"Nabawi mo na ang palasyo at tahimik pa sa ngayon ang kaharian ng Santikan. Pipigilan kong makabalik ang hari nila hangga't wala pa sa akin ang paraan kung paano alisin ang silyo. Inutusan ko na si Kanaway na dalhin dito ang pagsasanay ng mga sundalo mo."
"Ngayon ka na ba tutungo sa kahanay na mundo?" Nagulantang siya. "Paano?"
"Ascalon will send me there."
"You promise me that you will stay." Nagdaramdam niyang wika.
Buong pagmamahal na tinitigan lamang siya ng binata. Parehas silang napatingin kay Ascalon na tumitibok sa kamay nito.
"Kailangan ko nang umalis," sabi ni Dark at tumalikod.
Nahabol niya ang lalaki bago ito tuluyang nakalabas ng bulwagan. Niyakap niya ito ng mahigpit mula sa likod.
"Zalim," natatakot siyang baka hindi na ito bumalik.
"Alam mo ba kung gaano kahirap para sa akin iyang ginagawa mo? Kapag yakap kita ayaw ko nang bumitaw. Kung hindi lamang dahil sa silyo, hinding-hindi na ako aalis sa tabi mo, Kassiopia. Dito, pag-aari kita at may kapangyarihan akong itaboy ang sinumang aagaw sa iyo." Pumihit si Dark at ikinulong siya sa mga bisig nito. "Ma-alde-alta, Kassiopia Rosalyn. Gusto kong sabihin sa iyo ng paulit-ulit ang mga salitang iyan kapag nasa akin na ang mga alaala ni Zalim."
BINABASA MO ANG
FANGS ✅
Mystery / ThrillerMalamig na mga rehas. Apat na sulok. Malupit na mga kadena. Katahimikan at dilim. Pulang Kandelang nakabalot sa telang itim. Ang mga ito ang tanging kasama ni Kassiopia sa loob ng kulungan sa ilalim ng lupa kungsaan ginugol niya ang kanyang kabataan...