NANUNUOT sa malambot na mga talulot ni Kassiopia ang matapang na sinag ng araw sa itaas. Mabuti na lamang at malamig ang ihip ng hangin. Ngunit dama pa rin niya ang panunuyo ng kanyang mga tangkay. Nasaan kaya ang mga ulap? Bakit ang linis-linis ng kalangitan?
Natigilan siya nang makaramdam ng ginhawa dahil sa lilim na biglang bumalot sa kanya. Isang malaking puno ang nakatayo na ngayon malapit sa kanya. Isinukob niyon sa kanya ang mayayabong na mga dahon.
Nawili na naman siya sa pagpansin sa kanyang paligid. Mas dumadami ngayon ang mga paru-paro. Ngunit walang nagtangkang lumapit sa kanya. Lumubog ang araw at pumalit ang buwan. Heto na naman ang kilabot na naririnig niya dahil sa atungal ng mababangis na hayop sa labas.
Nagimbal siya nang magbagong-anyo ang malaking puno malapit sa kanya, pati na ang mga Cleome. Naging tao ang mga ito. Pero ang mga kasuutan ay purong puti at mahahaba. May mga palamuting ginto.
"Kassiopia Rosalyn," lumuhod ang mga ito sa kanyang harapan.
Ramdam niya ang mainit na apoy na biglang nagningas sa kanyang kaibuturan at ang unti-unting pagkalat niyon sa buong katawan niya. Tumingala siya sa buwan at iniunat ang mga tangkay.
Mula sa buwan ay bumaba ang mahiwagang liwanag at bumalot sa kanya. Una niyang nasilip ang pagkakaroon niya ng mga paa at binti. Kasunod ang mga braso niya at kamay. Nagbago siya? Nagbabago siya.
Ngunit hindi katulad ng mga cleome sa kanyang harapan, wala siyang anumang kasuutan. Hubo't hubad siya at nababalutan ng tattoo ang kanyang katawan. Saglit niyang pinagmasdan ang dalawang gintong pulseras na nakapulupot sa kanyang mga bisig.
"Maligayang pagbabalik, kamahalan!" Tumayo ang isang babaeng may kasuutang pandirigma at binalot siya ng bitbit nitong tela.
Habang naiiyak na bumungad sa kanya ng mga cleome. "Kami po ang inyong mga dama at nakahandang paglingkuran kayong muli aming pinakamamahal na reyna."
Hindi siya makahuma. Siya ang reyna nila?
"Ako po si Kanaway, kamahalan, ang inyong bantay. Kasama ko po si Kampilan." Ipinakilala nito ang isa pang babaeng mandirigma. Ang nagmamay-ari ng kaanyuan ng malaking puno.
"Masaya kami at sa wakas ay gising na po kayo, kamahalan." Pakli ni Kampilan.
"Nasa isang panaginip lamang ako, hindi ba?" Tanong niya.
Nagkatinginan ang mga ito.
"Hindi po ito isang panaginip, kamahalan. Narito ka sa kaharian ng Lantauan." Sagot ng mga cleome na kung magsalita ay sabay-sabay.
Kaharian ng Lantuan? Saang banda? Saang bahagi ng mundo?
"Tigilan ninyo ang reyna." Awat ni Kanaway sa mga dama. "Hindi natin siya maaring pilitin na makaalala. Ang mahalaga'y gising na siya."
"Kanaway, umalis na tayo at pumunta ng kastilyo para malaman kaagad ito ng pantas." Sabi ni Kampilan.
Tumango si Kanaway. Pumito ito at nagdatingan ang mga kabayo. Naguguluhan pa rin siya sa mga nangyayari sa kanyang paligid kaya hindi na siya kumontra nang isakay ni Kampilan sa kabayong puti.
Naglakbay sila sa gitna ng madilim na lambak habang iniilawan ng mga alitaptap at hinatid sa isang kastilyo.
INGAY ng basag na salamin na umaalingawngaw sa buong museleo ang nagpadilat kay Dark. Ang picture frame ni Don Matthew na hawak ni Kassiopia ay nahulog sa sahig.
BINABASA MO ANG
FANGS ✅
Mystery / ThrillerMalamig na mga rehas. Apat na sulok. Malupit na mga kadena. Katahimikan at dilim. Pulang Kandelang nakabalot sa telang itim. Ang mga ito ang tanging kasama ni Kassiopia sa loob ng kulungan sa ilalim ng lupa kungsaan ginugol niya ang kanyang kabataan...