38TH NIGHT

764 57 2
                                    

Yumukod si Krad. Nakatuon ang mga mata sa sahig. Habang si Kassiopia ay nag-ugat sa kanyang kinatatayuan at hindi mahagilap ang salitang dapat sabihin. Nalipat ang tingin niya kay Sajid na lumabas ng kwarto at nahinto rin nang makita siya.

"Kamahalan," yumuko ang pantas. "Bakit gising pa kayo?"

"May kukunin ako sa ibaba. Tumayo kayong dalawa." Utos niya sa magkapatid. "Hindi ko nais na makinig at makialam sa usapan ninyo pero kung hindi naman makasisira sa kaharian ang dalhin dito ang isang mortal papayagan ko si Krad na isama rito si Anjellena." Pahayag niyang nagpaangat ng sabay sa magkapatid.

Magkakaiba ang emosyon na bumalong sa mukha ng dalawa. Galak ang nasa anyo ni Krad, pagtutol naman kay Sajid.

"Hindi mabubuhay dito ang isang mortal kamahalan." Komento ng pantas at pinukol ng masamang tingin ang kapatid.

"Gagawan natin ng paraan, Sajid. Maari ko siyang bigyan ng dugo." Suhestiyon niya.

"Naibigay ko na sa kanya ang dugong binigay niyo sa akin, kamahalan. Noong umalis ako para bumalik dito ay maayos na ang kalagayan niya at sabi ng doctor ay gumagaling na siya sa kanyang sakit." Balita ni Krad. "Naniniwala akong kakayanin niyang mabuhay dito."

"Maari siyang mamatay pagtawid pa lamang niya sa lagusan ng panahon. Kung hindi katawan, utak niya ang masisira. Malaya kayong nakatatawid dahil may kapangyarihan kayo pero ang isang ordinaryong nilalang katulad ng babaeng iyon ay walang maibibigay na kapalit maliban sa kanyang buhay." Paliwanag ng pantas.

"Hindi pa rin magbabago ang pasya ko." Deklarasyon ni Krad.

"Dati pa matigas na ang ulo mo at hindi ka nakikinig sa akin!" Galit na singhal ni Sajid. "Paumanhin, kamahalan." Agap nito nang matanto ang pagsiklab ng poot kahit nasa harapan niya.

Tumango lamang siya. Palipat-lipat ang titig sa magkapatid na nagsusukatan. Hindi ba epektibo ang kapangyarihan niya hanggang sa kahanay na mundo? Tiyak may magagawa siya kahit papaano.

Pero sa isang banda ay may punto rin ang pantas. Mabilis ang oras dito sa Lantauan. Marahil iyon ang dahilan kung bakit hindi mabubuhay dito ang isang mortal mula sa kahanay na mundo. Kung nais niyang tumulong na magkasama sina Krad at Anjellena, kailangan niyang pumili. Gagawing bampira si Anjellena o alisin kay Krad ang responsibilidad nito bilang isang heneral ng Lantau at hayaan itong makapamuhay ng malaya sa alin mang mundo na nanaisin nito.

"Kahapon ka pa tahimik. May bumabagabag ba sa iyo?" tanong ni Dark habang pinanonood nila mula sa balkonahe ang mga sundalong nagkakatuwaan sa may plaza ng palasyo. Naroon si Krad at nakikigulo rin.

"Iniisip ko lang sina Krad at Anjellena.   Kung paano ko sila matutulungan." Hinawi niya ang buhok na sumasayaw sa ihip ng hangin.

"Kayang itawid ni Ascalon ng ligtas sa lagusan ng panahon si Anjellena." Pahayag ni Dark. "Ang problema ay ang survival niya rito. Mayroong paraan ngunit natitiyak kong hindi sasang-ayon si Sajid."

Tumango siya. Kailangang may bahagi ng katawan ni Krad ang isasakripisyo para mabuhay ng normal dito sa Lantauan si Anjellena. Iyon ang mariing sinasalungat ng pantas. Wala nga namang kapatid ang nanaising makita na mawawalan ng bahagi ng katawan si Krad para lamang mabuhay ang nilalang na hindi naman nila kauri.

"Don't worry, we will find way to help him." Inakbayan siya ng asawa at hinalikan sa ulo. "Balikan mo muna ang anak natin. Baka nagugutom na iyon. Pupunta ako ng talon ng buhay para kausapin si Alura." Paalam nito.

Tumango siya at muling nagtapon ng sulyap kay Krad.
------------------
Parallel Dimension.

Niluwagan ni Anjellena ang laso ng suot niyang bathrobe at lumapit sa floor to ceiling window, bitbit ang kopitang may alak. Sabi sa kanya ni Krad may pupuntahan sila pagbalik nito. Naghihintay siya sa binata at sabik na gusto nitong ipakita sa kanya.

FANGS ✅Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon