Naririnig ni Dark ang bulong ni Ascalon. Kinakausap siya. At dama niya ang pag-angat ng kakaibang lakas mula sa kanyang dugo at kasuluk-sulukang himaymay. Pagaan ng pagaan ang sandatang bitbit niya hanggang sa tila nagiging bahagi na iyon ng kanyang katawan.
Umuklo siya at kinapa ang umuugang lupa sa labas ng tarangkahan. Ang pagyanig. Ang sipol ng hangin. Ang sumasayaw na mga puno at damo. Sinasabi sa kanya kung ilan ang mga sundalong parating.
"Mahal na Zaargo," lumapit sa kanya si Kanaway. "Paumanhin po kung hindi pa sapat ang ating hukbo. Karamihan po sa kanila ay nasa ilalim pa ng pagsasanay."
Maiksing tango lang ang itinugon niya sa amasona. Ilang oras pa lamang mula nang dumating siya sa mundong iyon ngunit patung-patong na ang nangyayaring kababalaghan. Alam niyang nagsisimula pa lang ang hiwaga. Mahirap paniwalaan ng karaniwang pang-unawa pero tinatanggap ng kanyang sistema.
"Hihintayin ko sila sa hangganan. Bantayan ninyo si Kassiopia at isara ang tarangkahan." Utos niya sa amasona.
Wala siyang pagpipilian dahil hindi niya maalala kung anong mayroon si Zalim sa mundong iyon. Mas madali para sa kanyang sundin na lang muna ang bulong ng kalikasan at kumilos ayon sa sinasabi ng kanyang utak.
Lumapit sa kanya ang isa sa mga kabayong itim na naroon at humalinghing kasabay ng matitikas na padyak. Inaapura yata siya nitong umalis.
"Pasok na sa loob!" Nilingon niya ang dalawang amasona.
Dagling sumunod ang mga ito. Pagkasara ng tarangkahan ay sumampa siya sa kabayo at pumito ng paulit-paulit. Hukbo ng mga agila ang tumugon sa panawagan niya. Inangat niya ang braso at isa sa mga iyon ay dumapo roon. Lumipad din agad ito nang umihip ang malakas na simoy at binalot siya ng alon ng hangin bago iyon naging hugis-tao sa bulto ng isang lalaki.
"Magandang araw, Zalim. Binabati kita sa iyong pagbabalik." Malamig at malumanay ang boses na dumadaan sa kanyang tainga. "Ako ang espiritu na kumakatawan sa hangin. Ang pangalan ko ay Habagat. Ako ang iyong mensahero."
"Maari mo bang sabihin sa akin kung nasaan na ang mga kaaway?" tanong niya rito.
"Ang mga kaaway ay tumatawid sa lambak at papunta ngayon sa sagradong ilog."
"Salamat," hinatak niya ang renda at pinatakbo ang kabayo. Nauuna sa kanya sa himpapawid ang mga agila.
Binabagtas niya ang mahabang tugaygayan sa gitna ng kagubatan patungo sa sagradong ilog na nagsisilbing hangganan sa lupaing iyon. Sa labas ng kagubatan ay bumungad sa kanya ang malaking ilog na hitik sa makukulay na mga bato. Ang ragasa ng malinaw at kumikinang na tubig ay mistulang musika na sumasabay sa saliw ng awitin ng mga ibon at kuliglig. Ilang saglit pa ay tumatambol ang mga yapak ng mga elepante sa kanyang likuran at dumagundong sa buong kalupaan ang mabangis na ungol ng mga liyon at tigre.
Bumaba siya sa sinakyang kabayo at tiningnan ang espadang tumitibok sa kanan niyang kamay. It is telling him to stab the ground. Hinugot niya iyon mula sa kaluban at buong lakas na itinulos lupa. Yumanig ang buong paligid at ang bahagi kungsaan nakatusok ang espada ay umangat. Sumabog at nagkalat. Ngunit nagiging taong-bato pagkaraan ng ilang segundo.
"Sa wakas, Zalim, nagbalik ka. Lubos akong nagagalak. Ako si Bantil, ang iyong magiging pananggalang." Magaspang nitong pahayag at muli ay nagbagong anyo. Kumapit ito sa kaliwa niyang braso at nagiging isang matibay na pananggalang.
Namamanghang binawi niya ang paningin at pinukol sa ilog na biglang tumigil ang pagdaloy at umurong pabalik. Naipon sa gitnang bahagi ng lawa at lumikha ng malaking haliging tubig. Panibagong bulto ang lumitaw mula roon. Imahe ng isang babae.
"Ako si Buhawi, Zalim, ang nimpa ng sagradong ilog. Maligayang pagbabalik." Bati nito sa kanya. "Ako ang kapatid ni Ascalon," at nag-anyong pana.
Natanaw ni Dark ang hukbo ng mga sundalo ni Agno dala ang bandila ng palasyo. Kasabay ng pag-ihip ng hangin ay pinakawalan niya ang hawak na pananggalang at hinayaang bumalik sa anyo ng pagiging taong-bato.
BINABASA MO ANG
FANGS ✅
Mystery / ThrillerMalamig na mga rehas. Apat na sulok. Malupit na mga kadena. Katahimikan at dilim. Pulang Kandelang nakabalot sa telang itim. Ang mga ito ang tanging kasama ni Kassiopia sa loob ng kulungan sa ilalim ng lupa kungsaan ginugol niya ang kanyang kabataan...