- Artchael -
Lumipas ang isang linggo matapos ang birthday ni Jino at ang nangyari ng gabing iyon. Humingi na ako ng tawad sa lahat ng barkada namin, maliban kay Jino.
Gusto ko muna siya bigyan ng space at time. Kasi alam kong hindi pa siya handa na kausapin ako. At wala pa din akong lakas ng loob na humarap sa kanya. Wala akong mukhang maihaharap, matapos ang ginawa ko.
Isang linggo na ang lumipas, siguro sapat na ito. Handa na akong kausapin siya, yung kaming dalawa lang.
Sa katunayan ay magkikita kaming dalawa ni Jino ngayon, sa seaside kung saan dati kaming madalas magkita ni Shara.
Nag ayos lang ako saglit saka nagmadaling umalis. Dahil nag message na si Jino, malapit na daw siya.
Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa pag-uusap namin. Kinakabahan ako, pero kung ano man ang sasabihin ni Jino. Kahit na masasakit na salita, tatanggapin ko. Kasi alam ko deserve ko yun.
Ilang minuto lang ang naging byahe ay nakarating ako agad. Pinark ko muna ang motor ko. Pagkatapos ay dagli akong dumiretso sa meeting place namin.
Pagdating ko ay nakita ko agad si Jino na matiim na naghihintay sa akin.
Nakatayo siya paharap sa dagat.
Bahagyang nakatungo ang ulo niya.
Samantalang ang dalawang kamay naman niya ay parehong nasa bulsa ng pants niya.
Huminga muna ako ng malalim.
Pagkatapos ay marahan na lumakad palapit sa kanya.
Nang nasa likuran na niya ako ay tinapik ko ang balikat niya.
Agad naman itong lumingon sa akin ng bahagya.
"So, ano ang pag-uusapan natin?" bungad niya agad sa akin.
Agad kaming naupo na dalawa, magkatabi pero may espasyo sa gitna.
Nakatingin pareho sa malayo.
"Gusto ko pag-usapan natin yung nangyari, gusto ko humingi ng sorry. Sorry, tol.. sorry." sambit ko sa kanya.
Bahagya naman itong tumawa, tawang hindi masaya. Kundi tawang nasasaktan, ramdam ko. Ramdam na ramdam ko.
"Sorry saan ba? Haha masyado kasing madami yon. Hindi ko alam kung saan ka banda doon nagso-sorry." sarkastiko niyang tugon.
"Sa lahat, sorry sa lahat. Maling-mali yung ginawa namin ni Shara, maling-mali yung ginawa ko. Mali, sobrang mali." sambit ko pagkatapos ay bahagya akong napayuko.
Marahil dahil sa hiya.
"Alam mo gusto kita murahin ngayon." saad niya.
Nakita ko ang bahagyang pagkuyom ng kamao niya.
"Sige lang, niready ko na yung sarili ko para dyan. Tatanggapin ko lahat ng masasakit na sasabihin mo. Deserve ko naman eh. Saka walang wala yun, kumpara sa sakit na nadulot namin sayo." sambit ko sabay buntong hininga.
"Oo, gago ka eh. Wala kang kwentang kaibigan. Sobrang nakaka-putangina ng ginawa mo. Tangina! Artchael, kung alam mo lang kung gaano kasakit. Para niyo kong unti-unting pinapatay sa sakit. Alam mo ba... gusto kitang saktan, gusto kitang sapakin ngayon. Para kahit konti lang, masaktan ka naman." mariin niyang saad.
Ramdam ko ang galit niya sa akin.
"Kung yan ang makakapag pagaan sayo, sige handa ako." marahan kong tugon.
Bahagya akong tumayo.
Pagkatapos ay inilahad ko ang kamay ko, para tulungan siyang tumayo.
Pero hindi niya iyon pinansin.
Tumayo siya ng kusa.
Pinagpag niya ang pants niya, saka humarap sa akin.
Seryoso lang ang mukha niya.
"Sigurado ka dito?" tanong niya sa akin.
Tumango lang ako bilang tugon.
Agad niyang ikinuyom ang palad niya.
Bahagya ko namang ipinikit ang mga mata ko.
Inaabangan ang pagdapo ng kamao niya sa mukha ko.
Ilang saglit pa ay naramdaman ko ang isang malakas na suntok kasabay ng pagsigaw niya.
"Gago ka Artchael!"
Sapat na ang lakas ng suntok niya para matumba ako sa sahig.
Napangiwi ako sa sakit.
Pero hindi ko yun alintana.
Tumayo ako agad.
Kaso ilang saglit lang ay sinuntok niya ako muli.
"Traydor ka!" muli niyang sambit.
Sa kabilang parte naman ng mukha ko dumapo ang suntok niya.
Tulad ng kanina ay natumba ulit ako sa sahig.
Pumutok ang labi ko dahil sa lakas ng suntok niya.
Hindi ko na din kaya tumayo.
Medyo nahilo na din ako.
Inaabangan ko siya na magsalita at pagmumurahin pa ako.
Pero ilang minuto na ang nakakalipas ay tahimik lang siya.
Kaya agad ako tumingala at tumingin sa direksyon niya.
May mga luhang tumutulo mula sa mata niya. Pero hindi siya nagsasalita. Ni hindi mo din maririnig na humihikbi siya.
Nang mapansin niya na nakatingin ako sa kanya ay agad siyang nagpunas ng luha.
Tapos ay inilahad niya ang kamay niya sa akin at inalalayan ako na tumayo.
"Sorry Jino, hindi ko hihilingin na sana mapatawad mo na ako. Kasi alam kong hindi yun ganon kadali. Hihilingin ko na lang na sana maging okay ka na. Sana maghilom yang sugat sa puso mo na nadulot namin. Sana Jino, sana. Kasi hangga't hindi yun nangyayari, hindi ko mapapatawad yung sarili ko." mahina kong sambit pero sapat na iyon para marinig niya.
Pagkatapos ay bahagya akong yumuko.
Hindi ko na din maiwasan ang maluha.
Maya-maya ay naramdaman kong ipinatong niya ang kamay niya sa balikat ko.
"Sana nga Artchael. Yun din ang hiling ko para sa sarili ko. Na sana maging okay pa ko, sana makayanan ko tong sakit. At sana, balang araw mapatawad ko kayo. Kasi ngayon, kahit gustuhin ko... hindi ko pa talaga kaya." mahinahon niyang sambit.
"Naiintindihan ko, sana din balang araw maging okay tayo. Sorry tol! Sorry talaga." tugon ko naman sa kanya.
Tinapik tapik lang niya ang balikat ko pagkatapos ay bahagya siyang ngumiti.
Ako din ay napangiti.
"Alam ko mangyayari yon balang-araw, huwag ka mag-alala." sambit niya sabay ngiti ng matipid.
Isinuksok niya muli ang kamay niya sa bulsa ng pants niya.
Pagkatapos ay tumalikod siya sa akin at naglakad palayo.
Ako naman ay umupo muli.
Tumingin sa kawalan at bumuntong hininga.
Marahan akong ngumti, pero naramdaman ko ang biglang pagkirot ng mukha ko dala ng ginawa ni Jino.
Bahagya akong natawa sa sarili ko.
Kahit na papaano ay nabawasan na ang bigat na matagal ng dinadala ng puso ko.
To be continued...
BINABASA MO ANG
Malay Mo, Tayo [COMPLETED]
Romance"Malay Mo" is a heavy word. It somehow gives hope to you, even if you know that it is impossible. Na baka meron, baka pwede, baka sakali. Kasi malay mo, tayo sa huli.