Pageant
Pawis na pawis na ako at madumi na rin ang damit ko, lakad takbo akong lumabas ng backstage para bumili ng band aid dahil may paltos na sa paa si Monica.
Ngayon na ang mismong pageant. Kung gaano kaganda ang kaibigan ko ngayon, ga'non naman kami kadugyot ni Lora dahil kami ang assistant niya. Ang hirap maging supportive na kaibigan, nakakawala ng poise at nakakabaho.
Pinaypayan ko ang sarili ko gamit ang kamay at magulong ipinusod ang buhok.
Nasa kalagitnaan na ng program at gusto ko sanang manuod ng maayos, kaso alam ko na mas kailangan ako ng kaibigan ko dito.
Nasa audience section ang mga kaklase namin na pumunta ngayon para sumuporta. May dala pa silang banner na may picture ni Monica.
Nang maibigay ko kay Lora ang band aid, lumabas ako ng backstage at pumunta sa pwesto ng section namin.
"Sub muna isa sa inyo. Pagod na si Lora at Chao," sigaw ni Zoe sa mga kaklase namin.
Ngayon na lang ata ako nakaupo magmula kaninang umaga. Ni hindi ko naramdaman na may aircon dito sa theater dahil pawis na pawis ako.
"Ang sakit ng katawan ko," reklamo ni Lora sa akin pagkaupo niya sa tabi ko.
Ako rin masakit na ang katawan. Bukod sa kakatakbo, ang hirap sumingit sa dami ng tao.
Nakakainis kasi ang Org ng course namin. Alam ko naman na busy ang mga fourth year, pero sana yung ibang year level na nasa posisyon tumulong man lang sa amin ni Lora sa backstage.
"Bili lang ako ng inumin sa labas," pagod kong paalam kay Lora na tinanguan niya lang.
Lumabas ako ng theater at bumaba sa hagdan. Pagod at magulo na ang buhok pati na ang damit ng mahagip ng mata ko ang isang pamilyar na bulto ng isang lalaki na kakapasok lang ng NALLRC.
Nanlaki ang mga mata ko sa gulat at hindi alam kung gawa lang ba iyon ng pagod kaya nakikita ko sa harapan ko ang crush ko.
Teka.. paanong?
Napatigil ako sa paglalakad at sinundan siya ng tingin. Naka polo shirt siya na itim at naka itim na maong na pantalon. Nakasalimin siya at may suot na backpack na gray at may bitbt na makapal na libro.
Management?
Basa ko sa lanyard na suot niya. Hindi ko makita ang buong nakasulat duon.
Business management? Hula ko dahil 'yun lang naman alam ko na kurso na may management
Umurong ako ng kaunti at sinundan siya. Tumigil siya saglit sa paglalakad at kinuha ang phone sa bulsa bago seryosong nagtype.
Legal Management
Basa ko ng malinaw na makita ang nakasulat sa lanyard na suot niya. Ang tagal kong inisip kung ano ang kurso na 'yon kaya hindi ko napansin na naglakad na siya palayo.
Kinuha ko ang cellphone ko at tinype ang legal management na kurso.
Law student siya?! bulalas ko sa sarili ko.
Seryoso ba? Dito rin siya nag aaral?
"Hey! 'Andito ka rin?" bati sa akin ni Echo, kaklase ko nung junior high school at nag aaral din dito, pero sa CEA.
"Ah uy ikaw pala, oo yung bestfriend ko kasi isa sa candidate eh" bati ko naman sa kaniya nang maka-recover ako sa gulat.
Nilingon ko ang ulo ko para tingnan ang lugar kung nasaan siya huling huminto kanina. Hindi na ako mapakali sa paghahanap kay Paolo.
