Save
Ang ilang buwan kong inipon para sa pagbangon ko ay gumuho ulit dahil sa balitang 'yon. Para bang tulad sa simula, balik ulit ako sa umpisa.
Nakakapagod. Nakakasawa.
Tingin ko ay wala ng katapusan ang impyernong tinatakbuhan ko. Pakiramdam ko kahit ilang ulit ako bumangon at magpatuloy, wala naman talagang dulo.
Simula ng marinig ko ang balitang 'yon mas lalo akong naiwan ng mundo. Hindi na ako makasabay sa ibang tao. Takot na takot ako sa ideyang malaya ang lalaking 'yon at pwede niya ulit akong saktan.
Kwinestyon ko ang sistema ng katarungan sa bansang ito. Bakit hindi patas? Bakit ako lang ang naghihirap dito?
Nagtaka sila mommy sa biglang pagsarado ko na naman sa mundong unti-unti ko ng binu-buksan. Nakita at naramdaman nila ang mas nakakatakot na pagbabago sa akin.
Ni-hindi ko na magawang kausapin kahit ang mga kaibigan ko. Hindi ko na kayang lumabas ng kwarto.
Pakiramdam ko kapag nasa loob ako ng kwarto, maiiwasan ang sakit na nararamdaman ko. Pero hindi, kahit na ilang araw o lingoo akong nasa loob, walang pagbabago.
Naalala ko na lang na midterm week na ng minsang idaan nila Lora ang reviewer na ginawa nila para sa akin. Iniisip nila na papasok rin ako kapag nag-exam na. Hindi sila nagtanong kung bakit naging mailap ulit ako, pero sinubukan nilang tumulong.
Kung normal ako, malamang ang pino-problema ko ngayon ay ang midterm exams ko sa susunod na linggo. Pero parang naubusan na ako ng pakielam sa kahit anong bagay.
Gusto ko na lang takasan ang problema ko, gusto ko na lang takasan ang realidad. Hindi ko na alam kung alin ang importante ngayon.
Hindi na ako pumasok kahit nung mag-exam week pa. Hindi rin naman ako pinilit nila mommy na lumabas ng bahay kahit alam nila kung gaano ka importante ang exam na iyon.
Hindi ko alam kung ano ang pinaliwanag nila mommy sa eskwelahan ko. Hindi ko alam kung drop-out na ba ako. Basta ay namamanhid ako, sa kahit ano pang bagay.
Bibihira lang ako lumabas ng kwarto. Kapag kakain ay dinadala lang ni mommy ang pagkain ko sa kwarto. Bumababa lang ako kapag kukuha ako ng inumin sa gabi.
Isang beses ay bumaba ako sa kusina para sana kumuha ng maiinom. Nagulat pa ako nang naabutan ko si Paolo sa sala na nagsusulat. Hindi ko alam kung bakit siya nandito gayong gabi na. Pero hindi ko siya pinansin at kinausap. Hindi rin naman niya ako napansin kaya hinayaan ko lang siya.
Hindi na ako kailanman nakipag-usap ulit sa kahit kanino. Tanging tango at iling lang ako ginagawa ko sa tuwing tinatanong nila ako. Maging si Paolo ay hindi ko ginawang exception sa trato ko sa lahat.
Simula ng marinig ang balitang 'yon, hindi ko na rin binuksan pa ang cellphone ko. Ayoko makarinig at makakita ng kahit anong pangangamusta sa ibang tao. Alam ko naman talaga na hindi sila nag aaalala, gusto lang nila maki-balita.
Masyadong magulang ang utak ko, at natatakpan nun ang nararamdaman ko. Hindi ko alam kung bakit naging mas madalas kong mapanaginipan ang nangyari sa gabing 'yon pagkatapos ko malaman ang balita.
Hindi na ako kailanman nagtanong tungkol sa kaso. Natatakot akong marinig ang bagay na ayoko marinig. Mabuti na lang rin at hindi 'yon bino-brought up ng pamilya ko.
"Chanilene... hinatid ni Paolo ang mga modules mo para ngayong finals," maingat na sabi sa akin ni mommy habang nasa hamba ng pintuan.
Pumasok siya ng kwarto at nilagay sa study table ko ang tatlong modules. Tinignan ko lang 'yon at hindi na nagsalita.
![](https://img.wattpad.com/cover/226869434-288-k459322.jpg)