Retreat
Badtrip kong inaayos ang mga damit na dadalhin ko. Sa susunod na araw na sana ang bakasyon namin sa Batangas, pumayag na si Daddy nung isang araw, tapos biglang binawi niya kagabi.
[Dapat nagsabi ka ng maaga, edi sana na-adjust ko yung hotel accommodation natin] ka-video call ko si Monica ngayon. Sa kaniya ako naglalabas ng sama ng loob ngayon.
"Hindi ko rin naman kasi alam Monica!! Ang daya ni Daddy! Pumayag na siya eh!" reklamo ko habang naiinis na tinapon ang mga swim wear mula sa bag ko.
Nakaayos na ang mga gamit ko para sa beach trip namin, kaso nung nag-dinner kami kagabi sinabi sa akin ni Daddy na hindi raw pala ako pwede umalis dahil nakapangako siya kay tita Sherly na sasama ako sa retreat.
At bakit nga ba kasi sila ang nagdedesisyon para sa akin? Nilista nila ang pangalan ko nang hindi tinatanong kung gusto ko ba sumama.
I mean maganda nga naman ang venue, pero inisip ko pa lang na three days ako stuck sa boring na church activities imbis na nagsasaya sa beach at bonding kasama ang mga kaklase ko, hindi ko magawang maging excited.
Patawarin nawa ako ni Lord sa mga iniisip ko, pero I'm just being honest here.
"Monica!! Gusto ko sa inyo sumama, takas kaya ako?" pilit ko. Sa Batangas lang rin naman iyon, pero hindi ko naman kabisado ang Batangas kaya hanggang plano lang talaga ang iniisip kong pagtakas.
Ang tagal kong pinlano ang mga gagawin at isusuot ko para sa beach trip namin. Isa pa ako sa g na g kung makaplano sa gc para sa mga activities na gagawin at mga pagkain na dadalhin namin, tapos malalaman ko na hindi pala ako makakasama. Nakakaiyak sa inis.
[Sorry Chao. Dibale sa bakasyon mag se-set ulit ako para makasama ka na] malungkot niyang pag alu sa akin.
Tumango ako at ilang saglit pa ay nag paalam na rin.
May sinet na retreat for the youth ang parish church namin sa Caleruega sa Batangas kaya naman itong si tita Sherly nilista agad ako sa mga sasama. Naunang tumanggi si Charles kaya nakaligtas siya, sabi niya after ng all souls day ay may pasok na sila agad.
Si daddy naman pumayag agad nung sinabi ni tita, hindi man lang niya ako tinanong muna.
"Anak kakain na ng tanghalian," tawag sa akin ni mommy.
Itinigil ko na ang pag-aayos ng mga damit ko. Kung kagabi ay puro sleeveless at shorts ang nasa travel bag ko, ngayon puro leggings at t-shirt na mahahaba na ang nakalagay do'n
Hindi ko pinapansin si Daddy sa hapag dahil nagtatampo pa rin ako sa kaniya. Alam niya kung gaano ako ka-excited sa beach trip namin eh!
"Sorry na. Bumawi ka na lang sa bakasyon," sabi niya sa akin ng hindi matiis ang pagiging tahimik ko.
Hindi sila sanay na ganito ako katahimik. Ako ang laging nagsasalita sa hapag kainan at hindi normal para sa kanila ang ganitong tahimik ako. Alam nila na badtrip ako.
Hindi na lang ako nagsalita at pinagpatuloy ang pagkain. Ayokong maging bastos lalo na at nasa harap kami ng pagkain, pero kung ibubuka ko ang bibig ko baka may masabi lang ako na hindi maganda.
Hindi na rin naman nila dinagdagan pa 'yon at tahimik na lang rin silang kumain.
---
Kinabukasan maaga akong sinundo ni tita Sherly sa bahay. Madaling araw ang alis namin kaya antok na antok pa ako pagkaupo ko sa loob ng bus.
Wala akong kakilala sa mga nandito, hindi ko rin naman alam kung may kapitbahay kaming kilala ko na kasama dahil hindi ko naman nakita ang listahan. And it seems like everyone inside the bus doesn't really know each other.