Please follow @beeyotchupdated on twitter for real time tweet if any story got updated. Thank you.
#DTG26 Chapter 26
"Po?" tanong ko nang marinig ko iyong salitang Maynila. Hindi ako agad naka-galaw sa kinatatayuan ko. Humigpit ang hawak ko sa mga papel na yakap-yakap ko.
"Ang sabi ko, may nilalakad si Atty. Torres sa Maynila kaya bilang ikaw ang assistant niya, isasama ka niya roon. Pinaka-matagal naman na iyong 3 buwan," sabi ni Ma'am sa akin. Hindi ako nakapagsalita. Tumingin siya sa akin at kumunot ang noo. "Ayos ka lang ba, Assia? Bigla kang namutla d'yan."
"Kailangan po ba—"
"Kailangan," sabi niya. "Wala ka pa namang item dito. Kung ayaw mo—"
Mabilis akong umiling. "Hindi po. Sige po, kaka-usapin ko na lang po si Atty. Torres," sabi ko at mabilis akong naglakad palayo hanggang sa maka-rating ako sa labas ng opisina. Naibagsak ko sa sahig ang mga hawak kong papel. Pilit kong pinapa-tigil ang panginginig ng mga kamay ko, pero hindi ko nagawa. Pilit kong pina-hinga nang malalim ang sarili ko.
Pero hindi ako maka-hinga nang maayos.
Hindi ko kayang kumalma.
Ayokong bumalik sa Maynila.
Pero paano?
"Assia, okay ka lang?"
Napa-taas ako ng tingin. Nakita ko si Rita, isa sa mga kaibigan ko rito sa opisina. Siya lang iyong nagtyaga na kausapin ako nung una akong pumasok dito dahil ayokong makipag-usap kahit kanino.
Muli akong huminga nang malalim. Hindi ko alam kung gaano na ako katagal na naka-upo rito sa gilid at yakap-yakap ang mga tuhod ko.
"Okay lang ako."
"Okay..." sabi niya at saka naupo sa tabi ko at pinulot iyong mga nalaglag na papel. "Ang dami naman nito," kumento niya. "Sayang kung lawyer ka lang sana e 'di ikaw na boss namin imbes na inuutos sa 'yo lahat ng 'to."
Hindi na ako nagsalita.
Nakaka-pagod manghinayang.
Wala na akong lakas. Gusto ko na lang magtrabaho para may makain kaming pamilya. Kailangan kong magtrabaho para mayroon akong pampagamot sa tatay ko. Kasi kapag nawalan pa ako ng isang magulang, baka tuluyan na akong mawala sa katinuan.
"Tay."
Hindi siya tumingin sa akin. Nandoon iyong atensyon niya sa gin at baso sa harapan niya. Muli akong huminga nang malalim. Hindi ko siya kayang sisihin. Nawalan siya ng asawa... tapos iyong anak niya na buong akala niya ay magiging abogado at matutulungan siya sa lupa niya ay nandito sa Isabela at nagta-trabaho bilang assistant ng abogado...
Sobrang daming sama ng loob ang binigay ko sa kanya.
Ni wala na iyong lupa na minana niya.
Saglit kong ipinikit ang mga mata ko at saka huminga nang malalim. Minsan pakiramdam ko ay manhid na ako... pero tuwing nakikita ko si Tatay, iyong mga kapatid ko, nakakaramdam ako ng kirot sa dibdib ko...
Ang dami kong pangarap para sa kanila.
Wala man lang natupad kahit isa.
Sayang lahat...
Iyong pera...
Iyong oras...
Dito rin pala ako mauuwi.
Ang tanga ko kasi.
Hindi ako marunong makinig.
"Aalis po ako. Pinaka-matagal na po iyong 3 buwan," sabi ko kahit hindi ko alam kung nakikinig ba siya. Gusto ko lang sabihin kasi kahit ganito na siya, tatay ko pa rin siya at mahal ko pa rin siya. "May check-up po kayo. Itetext ko po si Aaron para ipaalala."
BINABASA MO ANG
Defy The Game (COMPLETED)
General Fiction(Game Series # 6) Assia dela Serna's dream was to become a lawyer. Ever since she was little, she had dreamt of becoming one... But from a young age, she knew that her family wasn't financially capable of sending her to law school. Kaya naman bata p...