AdM58

705 45 0
                                    

Napakurap-kurap si Felix. Kita niya ang mga nag-aalalang mukha ni Rilo, Iro at Sky.

Tumikhim siya. "Pagpasensyahan niyo na ang aking tila pagkawala sa sarili. Ako'y wala pang pahinga magmula kaninang umaga."

"Kung gayon ay magpahinga ka na, Papa." Ani Rilo na nagpangiti sa kaniya. Masaya siya dahil hanggang ngayon ay Papa pa rin ang tawag sa kaniya ng huli.

"Hindi na. Kaya ko naman." Sumandok siya ng pagkain. Binalik niya ang tingin kay Rilo. "Ano ngang pinag-uusapan natin, anak?"

Ngumiti ito. "Tinatanong mo sa 'kin, Papa, kung kumusta na 'ko. Ayos lang naman ako. Ganoon pa rin ang buhay, wala namang nagbago." Kumibit-balikat ito.

Napatango siya. "Mabuti naman kung ganoon."

Bigla siyang mayroong naalala. Nilingon niya ang apong lalaki, matalim ang tingin. "Hindi ka raw pumapasok tuwing klase ng asignaturang Healing Magic, Rio Rockwell?"

Napangiwi ito—malamang ay dahil sa kaniyang tinawag dito. Nilingon nito ang sariling ina na noon ay napayuko. Umigting ang panga nito. Sinita niya ang apo. "Tama na 'yan." Napatingin ito sa kaniya. Umiling siya, pinapakitang hindi siya natutuwa sa inaasta nito. "Hindi si Rilo ang nagsumbong sa akin kundi si Mira. Pansin niya raw na araw-araw sa ikaanim ng hapon ay palakad-lakad ka sa pasilyo, halatang hindi ka pumapasok sa klase mo."

Binalik niya ang tingin kay Rilo. "Anak, sakaling hindi na naman pumasok sa klase mo ang isa riyan na napakatigas ng ulo, sabihin mo sa 'kin at babawiin ko talaga ang kaniyang I. D." Pagpaparinig niya kay Iro.

Sa oras kasi na bawiin niya ang I. D. nito, wala na itong panggastos at ang apo pa naman ay isang dakilang gastosero, lahat ng bagay na matipuhan nito ay talagang binibili nito, kahit pa iyong mga bagay na maganda lang pero wala namang kuwenta. Kaya ganoon na lang ang takot nito at iyon lagi ang kaniyang panakot dito upang mapasunod niya ito sa lahat ng kaniyang gusto.

"Oo na, papasok na!" Parinig nito, yamot ang mukha at ang boses ay bahagya pang napataas.

Sinamaan niya ito ng tingin. Napalabi ito at binaling sa malayo ang tingin.

Napailing siya. Napunta naman kay Sky na tila malalim ang iniisip ang tingin niya. Napangiti siya nang malaki, naaaliw sa itsura ng apong babae.

Hindi kaya may nangyari nang masama kay Lonan?! Kaya siya hindi nakadalo rito sa family dinner? Maybe injured siya ngayon? May natamong malaking sugat? Hindi makalakad? Bugbog sarado ang katawan? Hindi na makagalaw pa at kinailangan nang dalhin sa ospital dahil halos hindi na makagalaw pa sapagkat walang patawad ang bumugbog sa kaniya? At pinagtatakpan lang siya ni lolo dahil ayaw nitong mag-alala pa 'ko—kami—na kung sino?

Sa naisip ay halos masiraan na ng bait si Sky.

Mabuti na lang at tumikhim ang kaniyang katabi. Dahil doon ay nagising siya sa katotohanan at nalihis ang atensyon kaya naman nawala ang pag-aagam-agam ng kaniyang isipan.

Tinignan niya ang tumikhim—ang kaniyang lolo.

"Anong meron at tila napakalalim yata ng iniisip ng aking paboritong apo?" Nakataas ang isang kilay na tanong nito.

Sa gilid ng mata niya ay tinignan niya ang reaksyon ng pinsan. Baka kasi ay nagselos ito sa sinabi ng kanilang lolo at ayaw niyang pagselosan siya nito. Pero nakatalikod ito sa kaniya—kanila kaya hindi niya makita ang reaksyon nito.

Pilit siyang ngumiti. "W-Wala naman, lolo. Natulala lang talaga ako." Kaniyang palusot.

Salamat naman at nakalusot. Nagpatuloy sila sa pagkain—silang tatlo lamang ng kaniyang lolo at tita. Si Iro kasi ay hindi na muling ginalaw pa ang pagkain, tila ba nawalan na ito ng gana.

Akademya de MajikaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon