"HUY, TAHAN NA. TAGAL MO NANG NAIYAK."
Nandito kami ni Hugo sa loob ng apartment ko. Magkatabi kami sa sofa at kanina niya pa ako inaalo. Siya ang nagpasok sa akin dito kanina. Siya ang naghanap ng susi sa bag ko, siya rin ang naglusot sa keyhole dahil nga sa umiiyak ako.
"Laki-laki na, iyakin." Itinaas niya ang mukha ko saka niya tinuyo ng mga daliri niya ang luha sa aking pisngi. Hindi na kinaya ng panyo niya dahil kanina pa iyon basang-basa. Iyong laylayan naman ng t-shirt niya, basa na rin dahil naipunas na rin niya sa akin kanina.
Hindi talaga ako iyakin pero kapag umiyak ako, mahirap naman akong patahanin. Pati ako mismo, nahihirapang patahanin ang sarili ko.
"Tahan na, ha? Isa pang iyak mo, kokotongan na kita riyan." Ang dahan-dahan ng boses niya na medyo paos.
Sobrang pag-aalala niya siguro kaya hindi niya na alam ang gagawin kung paano ako patatahanin kaya pati siya, naiiyak na rin.
"Ikaw kasi, bigla kang naninigaw..." sisinok-sinok na sumbat ko sa kanya. Iyong sigaw naman talaga niya ang nakapag-trigger sa akin kanina.
"Nag-sorry na nga ako e."
Tiningnan ko siya. Magulo ang buhok niya kakagulo niya roon mula pa kanina. Wala na rin sa ayos ang t-shirt niya dahil nang wala na siyang maipunas sa mga luha ko ay pati laylayan niyon, naipampunas niya na rin sa akin.
"Tahan na nga sabi." Inayos niya ang buhok ko na bahagyang nagulo. "Tahan na, ah? Kotong ka talaga sa akin."
"Kanina mo pa sinasabi 'yan pero umiiyak pa rin naman ako saka hindi mo pa rin ako kinokotongan," nakalabing sabi ko pero tumigil na ako sa pag-iyak. Sa wakas.
"Wala kong lakas e." Sumimangot siya. "Alam mo namang di pa ako nag-aalmusal."
Oo nga pala. Wala pa siyang kain tapos magta-tanghali na ngayon.
Nagpunas ako ng mukha gamit ang mga palad ko. "Anong gusto mo? Okay na ako. Paghahanda kitang food."
"Oh? May pagkain ka?"
Tumayo ako. "Wala. Ibibili kita sa labas."
"'Wag na. Ako na." Tumayo rin siya. "Ayusin mo na lang muna sarili mo. 'Ligo ka tapos hintayin mo ako. Saglit lang ako."
Hindi ko na siya pinigilan nang lumabas siya ng apartment ko.
Nang wala na si Hugo ay pumasok na ako sa banyo. Hinubad ko ang mga suot ko at inilagay sa nakasaradong timba na lalagyanan ko ng marumihan. Kukusutan ko iyon mamaya bago ako pumasok sa trabaho.
Matagal pa naman siguro si Hugo bago bumalik kaya nagbabad muna ako sa shower. Tumingala ako sa rumaragasang tubig habang nakapikit. Hindi na ako umiiyak pero mahapdi pa rin ang mga mata ko.
BINABASA MO ANG
South Boys #1: Kiss Master (Published and to be adapted soon into mini-series)
RomanceHe's as loyal as a dog who follows her around, but that was before she gave him up. Arkanghel, the charming high school boy who taught Sussie's young heart to love and gave her her first kiss is now the cold and arrogant CEO of a massive company. An...