Chapter 2

333K 14K 13K
                                    

KANDAHABA ang nguso ko habang nakaupo sa upuan. Sa aking tabi ay ang kaklase at kaibigan ko na si Carlyn na busy sa pagugupit ng kanyang kuko. Nasa first row kami at malapit lang kina Hugo na hindi na ako pinapansin. Busy sila sa cell phone ng tropa niya.


Wala pa kaming teacher at as usual, kanya-kanyang buhay ang mga kaklase namin. Merong tulog, merong nagku-kuwentuhan, merong nananalamin at naglalagay ng lip tint sa labi, pisngi, baba pati yata sa noo nilagyan na. At syempre hindi mawawala ang grupo ng mga feeling talentadong Pinoy. Naroon sa umpukan na iyon si Arkanghel.


"Kahit na wala akong pera..."


Umikot ang bilog ng mga mata ko ng marinig ang boses niya. Nasa bandang gilid ko lang siya at iyong tatlo niyang tropa. Nagja-jamming sila. Mga naka-tshirt lang sila dahil pinaghuhubad nila iyong suot nilang polo kanina. Hindi rin sila naka-black shoes kundi naka-sneakers.


"Kahit na butas aking bulsa."


Siya iyong vocalist tapos iyong mga tropa niya iyong taga-beat. Mga girls naman sa room namin ay nakiki-jamming din sa kanila.


"Kahit pa maong ko'y kupas na. At kahit na marami d'yang iba..."


May kasama pang palo at hampas sa armchair ang mga hudas. Kaya magkandasira mga upuan dito dahil sa kanila e.


"Ganito man ako. Simpleng tao. Ang maipagyayabang ko lang sa 'yo ay ang pag-ibig ko sa 'yo na 'di magbabago at kahit na anong bagyo, ika'y masusundo..."


Napabawi ako ng tingin dahil sa akin na nakatingin si Arkanghel. Hindi ko alam kung kanina pa rin ba at hindi ko lang namalayan dahil nakatitig nga rin ako sa kanya. Ramdam ko tuloy ang pagapang ng init sa mukha ko.


"Bakit namumula ka, Sussie?" Nakasilip si Carlyn sa akin. Tapos na pala siyang magkuko.


"Mainit." Itinuro ko ang ceiling fan na nakatutok kina Hugo.


Napa-tsk si Carlyn. "Porket donated ng daddy niya ay dapat sa gawi lang niya at ng tropa niya nakatutok?"


"Hayaan mo na magkakabag sana!"


"Pogi talaga ni Arkanghel, 'no?" kalabit ni Carlyn sa akin.


Malinaw ang mga mata niya sa mga cute at guwapong estudyante sa school namin.


Bumalik ang tingin ko kay Carlyn. "Sana pati ugali."


Seryoso na si Arkanghel sa pagkanta at hindi na rito nakatingin kaya malaya ko na ulit siyang napagmasdan. Oo guwapo naman siya talaga kaya lang mayabang din pala gaya ni Hugo.


Ang nakakainis pa ay feel na feel ng tropa niya ang attention ng mga girls. Sana lang kung gaano sila kagaling sa pagra-rap at pagkanta ay ganoon din sa recitations and quizzes. Ang kaso ay parang hindi naman. Puro lang sila papogi at yabang.

South Boys #1: Kiss Master (Published and to be adapted soon into mini-series)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon