Chapter 54

212K 9.6K 7.3K
                                    

"HUGO..."


Wala siyang paki habang nagmamaneho. Seryoso lang ang mga mata niya na nakatutok sa daan. Hindi ko alam kung galit siya o ano.


Bakit siya magagalit? Ako nga ito riyang dapat nagagalit. Natigilan ako pagkuwan. Bakit din ba ako magagalit? Wala rin naman akong karapatang magalit kahit kanino. Kung magagalit man ako, dapat sa sarili ko lang. Dapat akong magalit sa sarili dahil mahina ako. Dahil mababaw lang ako.


Naturingang matalino ako noong nag-aaral, pero wala pala akong sinabi sa totoong buhay. Mapait akong napangiti habang nakatanaw sa bintana ng sasakyan ni Hugo.


Saan ka nakakita nang iniwanan sa ere pero naghabol pa? Lumuwas pa ng Manila para lang i-verify kung talagang iniwan na ba talaga o hindi pa. 'Tapos kahit nalaman nang iniwan talaga, naghintay pa rin na balikan. Hindi pa roon natapos, lumipas pa ang mga taon na nagpapanggap lang na nakalimot, pero hindi pa rin pala.


Naghihintay pa rin pala kasi nga matalino. Nasobrahan sa talino. Hayun, nang binalikan, nawala na naman sa huwisyo. 'Tapos ngayon, hindi na naman alam kung saan nakalugar o kung may lugar ba talaga.


Nilingon ko si Hugo. "Sige na, sasama na ako sa 'yo. Akina iyong phone ko, magti-text lang ako sa supervisor ko."


Ibinalik niya naman ang phone sa akin. "You only have five minutes."


"Oo na. Bayaran mo araw ko, ah."


"Hulugan ko pa SSS, Philhealth at Pag-ibig mo."


Inirapan ko siya. "Sama mo na iyong Maxicare ko. Nahiya ka pa e."


In-on ko ang phone saka ako gumawa ng message for call in sa team leader ko. Sinabi ko na hindi ako makakapasok ngayon para hindi ako ma-tag na "No Call, No Show." Humingi rin ako ng pasensiya. Nag-reply sa akin si TL na okay lang since hindi kami naghahabol ngayon sa log in hours. Mabuti naman at hindi naghahabol ang team ngayon, kasi kung gahol talaga sa log in hours at queuing ay pipilitin kong makapasok kahit tumalon pa ako rito sa pinto ng kotse ni Hugo.


Nag-thank you ako sa reply. Alam ko na kahit nakapagpaalam ako ay kakausapin niya pa rin ako sa pagpasok. Bahala na, para sa katinuan ko, isusugal ko muna itong gabing ito. Ibinalik ko na kay Hugo ang phone pagkatapos, pero hindi ko na iyon ini-off ulit.


"Saan tayo pupunta?" tanong ko habang umaayos ako sa pagkakaupo sa passenger's seat.


"Sa binili kong property sa Tagaytay."


Napalingon ako sa kanya. "Nakabili ka na?"


"Oo."


"Nice."


"Three hundred square meters. May bahay na pero ipapagiba ko rin para patayuan nang bago. Share ko lang."


Naiiling na napangiti na ako. Kailangan ko nga talaga itong road trip na ito.


South Boys #1: Kiss Master (Published and to be adapted soon into mini-series)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon