"DAHAN-DAHAN..."
Tinampal ko ang makinis na pisngi ni Arkanghel. "'Wag ka 'sabing maingay at baka magising si Tatay Bear!"
"Sorry," hingi naman niya ng pasensiya.
Inaalalayan niya ako ngayon papunta sa bodega. Sa gilid kami ng bahay dumaan patungo sa likod. Dahil walang ilaw at madilim ay kanda-talisod siya sa pag-alalay sa akin lalo na at ume-ekis na ang mga hakbang ko. Muntik pa nga kaming mangudngod kanina kung hindi niya lang naitukod sa pader ang isang kamay niya.
Gusto niya akong kargahin para mas mapadali kami, pero tumanggi ako. Kaya ko naman kasing maglakad kahit ume-ekis ang mga paa ko. Saka baka tsansingan niya pa ako 'pag nagpakarga ako sa kanya. Ano siya sinuswerte? Mabuti sana kung mahal ko pa e hindi naman na.
Niyakap ko siya habang hawak naman niya ako sa bewang. Dahil nahihilo ay sumubsob ako sa kanyang leeg. "Arkanghel, bakit ba ang bango-bango mo?"
"Sussie, matutumba tayo..." paos na halos bulong niya.
Lumabi ako. "Tigasan mo tuhod mo para 'di tayo matumba, ganoon iyon."
Napahingal na lamang siya.
"Arkanghel, bilisan mo na..."
Kinarga niya na ako kahit ayaw ko. Sinabi ko nang ayaw ko, kinarga pa rin ako kaya yumakap na lang ako lalo sa leeg niya. Kiniss ko pa siya sa pisngi kasi nga ang bango-bango niya. Hindi naman siya nagre-reklamo, pero panay ang pagpapakawala niya ng malalim na paghinga.
Nang makarating kami sa tapat ng bodega ay lalong humigpit ang pagkakayakap ko kay Arkanghel. Dahil karga ako at hindi makakilos nang maayos ay paa na lang ang ginamit niyang panulak sa pinto.
"'San na tayo?" nakangusong tanong ko sa kanya.
"Nasa bodega na." Pagkapasok sa loob ay kinapa niya ang switch ng ilaw. Kabisado niya pa rin kung saan.
"Ang init," paungol na angal ko.
Halos matumba kaming dalawa nang isaksak niya at i-on ang electricfan. Kahit ibinaba niya na kasi ako ay nakayakap pa rin ako sa kanya kaya hindi siya makakilos nang maayos.
"Sussie, sandali muna," hirap na sabi niya. "Papagpagan ko muna iyong foam para makahiga ka na."
"Ayaw kong humiga..." Tiningala ko siya. Maliit lang ang bombilya ng ilaw rito sa bodega kaya mapusyaw ang liwanag, pero kahit ganoon ay malinaw si Arkanghel sa akin.
Kahit nahihilo ako ay malinaw kong nakikita ang pagtulo ng pawis sa gilid ng kanyang leeg.
"Arkanghel..." tawag ko sa pangalan niya.
"Sussie, you should rest..."
BINABASA MO ANG
South Boys #1: Kiss Master (Published and to be adapted soon into mini-series)
RomanceHe's as loyal as a dog who follows her around, but that was before she gave him up. Arkanghel, the charming high school boy who taught Sussie's young heart to love and gave her her first kiss is now the cold and arrogant CEO of a massive company. An...