Kabanata 2

570 11 6
                                    

Dalawang araw na ang nakalipas simula nang nangyari iyon pero hindi pa rin maalis sa akin ang lahat. Hindi pa rin ako makapaniwala sa nangyari. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin magawang paniwalain ang sarili ko sa mga nakita at nasaksihan.

Parang hindi pa rin talaga totoo eh.

Parang panaginip pa rin ang lahat kahit hindi naman. Kasi kung panaginip ito, sana ngayon pa lang ay nagising na ako pero hindi eh, dalawang araw na ang nakalipas, heto nandito pa rin ako, sa lugar na wala akong kaalam alam.

Hindi ako gaanong nagsasalita dahil hindi ko naman alam kung anong sasabihin ko kahit na tanungin pa ako. Isa pa, kapag naaalala ko ang nakita para akong nato-trauma. Nanginginig bigla ang mga kamay ko kaya pilit kong kinakalimutan iyon.

Isinama niya ako dito sa isang maliit na bahay. Bahay ito ng kaniyang namayapang mga magulang. Nalaman ko rin na nandoon din siya sa lugar na iyon noong mangyari ang nakakatakot na pangyayaring 'yon. Siguro nakasalubong ko na siya pero hindi ko lang matandaan o kaya naman isa siya sa nangkalmot sa braso ko no'ng sasakay ako sa barko.

Ang dahilan kung bakit naroon siya sa lugar na pinangyarihan no'n ay ipinaampon siya noon pa man. Ikinuwento ng umampon sa kanya ang lahat ng tungkol sa kanyang mga magulang pati na itong bahay nila dito.

Ngunit sa kasamaang palad, hindi niya magawang mailigtas iyong umampon sa kaniya. Naipit daw ito at hindi na siya nagkaroon ng pagkakataon na iligtas ito dahil paparating na ang halimaw sa parteng iyon. Wala raw siyang nagawa kung hindi ang umalis nalang dahil kung hindi baka dalawa pa silang mapahamak.

Kahit na gano'n ang nangyari sa kaniya at sa kasama niya, eh hindi ko siya makitaan ng kahinaan sa mga mata niya. Alam kong nasaktan siya pero magaling siya magtago ng emosyon kaya ganitong mukha ang hinaharap niya sa 'kin.

Pinagmasdan ko ang paligid ng buong bahay. Simple lang ito at may isang kwarto. Gawa sa kahoy ang mesa at upuan pati na rin ang iba pang mga lalagyan. May mga gamit ding pang kusina at may isang pintuan din para sa banyo. Hindi kalakihan pero pwede ng tirahan. Aarte pa ba ako? Pasalamat nga ako kahit papano may kumupkop sa 'kin gayong hindi ko naman talaga alam itong lugar na 'to.

"Dito na tayo titira simula ngayon. Nawalan din ako ng mahal sa buhay kaya alam ko kung ano ang nararamdaman mo," aniya.

Umupo siya sa katapat kong upuan at nagigitnaan namin ang hindi kalakihang mesa na gawa sa matibay na kahoy. Pinagmasdan niya ako nang mabuti na para bang inuusisa niya ako kaya nakaramdam naman ako ng pagkailang sa kaniya.

Ganito ba talaga ang mga tao dito? Mahilig mangtitig?

"So, anong pangalan mo?" tanong niya. Sa dalawang araw namin na nandito ay ni minsan hindi niya ako nakausap nang maayos kaya ngayon, she's trying.

Umangat ako ng tingin sa kaniya ng may pangangamba. Oo nga pala, ano bang pangalan ko? Hindi ko magawang magsalita gayong ako mismo hindi ko alam kung anong pangalan ko.

Anong sasabihin ko? Magsisinungaling ba ako? Sasabihin ko ba sa kaniya na hindi ko alam ang pangalan ko? Pero baka isipan niyang baliw ako kapag ginawa ko 'yon.

Narinig ko ang pagbuntong hininga niya. "Parang nagugulat ka pa sa nangyayari. Kahit ako rin hindi ko naman aakalain na masisira ang pader na nagpoprotekta sa atin," pagpapatuloy niya sabay inom ng mainit na kape.

Bahagya akong nagulat sa sinabi niya. Nagpoprotekta? Pader? Bumalik sa akin lahat ng mga katanungan ko kaya hindi na ako nagdalawang isip na magsalita na.

"Nagpoprotekta? Ano bang nangyayari?" Sa wakas may mga salita nang lumabas sa bibig ko.

Bahagyang lumaki ang kaniyang mata sa sinabi ko na para bang hindi makapaniwala sa narinig mula sa akin. Agad naman niyang ibinaba 'yong kapeng iniinom niya para makapagsalita nang maayos.

Same Thing, Different World (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon