The Only Thing They Can Do
"Kapit ka lang, ah."
Sakay ng motor ni Josiah, dinala niya ako sa isang burol. Hindi ko rin alam kung paano niya ako nakayang buhatin sakay ng kanyang motor dito. Magaan naman ako, pero siya kasi, payat din. Mabuti na lang at may parang path talaga ng mga sasakyan paakyat.
Hindi niya ako sinungitan kanina kahit puro iyak ako sa kanya. Sa kakaiyak ko, naubos na yata ngayon ang luha ko. Wala na akong maiiyak, at tingin ko, ang pangit ko na dahil sa namumugtong mata. Paano niya kayang natitiis akong tignan nang ganito?...
Ngayon, hindi pa rin siya naimik. Nakaupo lang siya sa motor niya at malayo ang tingin, habang ako naman, nasa batong malaki. Mula rito, kitang-kita ang dagat na malapit sa'min. Ang papalubog na araw, mga alon, ang ilang barko, at ang mga resort kasama na ang pinagtatrabahuhan ko. Ang inakala kong paraiso noon, na hindi pala...
Kahit ano pang ganda ng tanawin, kahit gaano pa kalamig ang hangin, kahit pa gaano ako kakomportable kay Josiah, paulit-ulit pa rin iyong bumabalik sa akin. Hinihiling ko na huwag na. Pinipilit kong ilihis ang aking sarili sa ganda ng nakikita ko, pero kusa talagang nabalik bigla.
Gusto ko na lang sumigaw ngayon. Gusto kong ilabas lahat ng nararamdaman ko para bukas, okay na 'ko. Ngunit iyong takot at pagkapraning, hindi ko alam kung kasama rin bang mawawala.
Hindi ko alam kung si Josiah nga ba ang tamang tao para pagsabihan ko nito. Sabagay, siya naman iyong tipo na sa tingin ko ay makasarili o hindi pakialamero kung hindi naman siya kasangkot sa nangyari. Kaya rin siguro palagay ang loob ko sa kanya.
Gusto niyang makatulong, pero tahimik lang. Hindi big deal lahat sa kanya.
"Handa ka na bang sabihin ang nangyari sa'yo kahapon?" pagbasag niya sa katahimikan habang nakatingin pa rin sa malayo. "M-May nakita ka bang mas masahol pa sa multo? Anong sila, marami ba? Tapos nakagawa ka nang hindi maganda kaya muntik na? Muntik ka nang matanggal sa trabaho?"
Oh, di ba? Walang big deal sa kanya. Akala ko pa naman, na-gets niya na kanina ang ibig kong sabihin. Nagdadalawang-isip na tuloy ako kung dapat ko nga bang ikwento pa sa kanya. Mas mauuna ko pang masabi sa kanya kaysa sa sarili kong pamilya at mga kaibigan.
"Hindi ka naman nagsasalita kaya paano ko malalaman?" Doon na siya nagbuntong-hininga at mahinang inuntog ang ulo sa motor. Nakayuko na tuloy siya at mukhang dismayado. Hindi ko alam kung kanino siya dismayado, sa akin ba o sa kanya?
"Kapag ba sinabi ko... hindi mo ipagsasabi? Hindi mo ipagsasabi kahit kanino?"
"Ba't ko naman ipagsasabi kung ayaw mong ipaalam sa iba? Ako pa ba? Hindi naman ako gano'n."
Akala niya, hindi ko nakita iyong saglit niyang pagnguso. Napangisi pa tuloy ako.
"Madaldal ba ako? Ikaw 'yon sa ating dalawa, 'di ba? Magaling akong mag-sikreto. Tch."
Hindi ko magawang sabayan ang pagsusungit niya. Hindi ko alam kung bakit natatawa ako sa inaasal niya ngayon. Baliw na yata ako.
"Hindi mo ako ij-judge, Josiah?" Yumuko ako.
Ang ikinakatakot ko kasi ay kapag sinabi ko sa iba, sumabog sila sa galit hanggang sa lahat kami, malagot. Hindi ko kilala ang lalaking iyon at ang kaya niyang gawin, lalo na sa pamilya't kaibigan ko na puro babae rin. Ayaw ko silang mabalot ng takot gaya ko. Kaya mas pinili kong manahimik na lang.
"Marella."
Tumayo ang balahibo ko sa pagtawag na iyon ni Josiah sa pangalan ko. Malalim ngunit malamig ang kanyang boses.
Kaya inangat ko ulit ang ulo ko upang tagpuin ang mga mata niya.
Hinahangin ang buhok niyang magulo... Parang lahat ng nakapaligid sa kanya ay biglang lumabo at tanging siya lang ang malinaw. Ang imahe niya lang ang parang nakikita ko.
BINABASA MO ANG
Torn
ChickLitStudent of Life #1 MJ had always wanted to study in the field of medicine to become a physician before she entered the world of being a senior high school student. For her, helping people through giving medical assistance was her heart's calling. Ho...