☆*:・゚ 28 ゚・:*☆

23 3 0
                                    

Together Against the Waves

"Lumuwag na pala itong helmet."

Kasalukuyan nga naming tinatahak ngayon ang daan pauwi. Hindi ko alam kung iuuwi niya ba ako, pero sabi niya, hindi pa. Dalawa lang naman ang pwede naming puntahan sa barangay namin sa ganitong oras. Dagat o doon sa burol.

"Matagal-tagal mo na kasing hindi nagamit," malumanay naman niyang sagot. Bahagya rin siyang lumingon.

Hindi kasi nagbago ang helmet ko. Ito iyong ginagamit ko noong inaangkas niya ako. Pero ang kanya, bago na.

"Ahh. Akala ko, may gumagamit ng iba."

"Huh? Sino naman? Si Nanay? Hindi nga namin mapaangkas 'yon ni Tatay sa motor, gano'n din si Tatay. Hindi sila naangkas kasi lagi silang naka-kotse," paliwanag niya nang malumanay pa rin.

"Oo nga, mukhang hindi mo sila mapapaangkas. Wala bang naangkas na iba sa'yo?"

"Wala!" todo tanggi niya agad at pansin kong binilisan ang pagpapatakbo.

"Talaga?"

"Kahit si Luke nga o si Rose, bihira lang umangkas sa'kin."

"Eh, ba't ako?"

"Para namang hindi mo alam. May sinabi ako sa'yo kanina, hindi mo ba rinig? Sabi ko... basta! 'Di mo rin naman iintindihin parang kanina," mahina niyang pagmamaktol pero nakuha ko pa ring marinig. Ako pa ba?

"Oh, eh, ba't galit ka? Parang may nagawa ako?" Napangiti na lang ako.

Gusto kong ilagay ang ulo ko sa may balikat niya pero magkakabungguan naman ang helmet namin.

"Saan ba tayo pupunta? Sabi mo, may pupuntahan tayo, 'di ba at hindi sa bahay?"

"Basta, wait ka lang. Kinakabahan pa nga ako, eh."

"Huh? Ba't ka naman kinakabahan?"

Hindi ba dapat ako ang kabahan? Hindi ko kasi alam kung saan niya ako dadalhin at sino ang makikita ko roon.

Napadilat na lang ako sa naisip. Hindi kaya pupunta siya sa bahay para magpaalam kina Mama na... Hindi!

Natahimik na lang ako. Hindi ako handa... O baka naman masyado lang akong nag-iilusyon?

Hindi na rin ako nakaimik hanggang sa lumiko kami papuntang baybay, hindi sa bahay.

"Pupunta tayong dagat?" tanong ko na pero siya naman itong hindi nasagot.

Ba't kaya gusto niyang pumunta ng dagat? Baka mangitim siya sa ganitong oras, tirik pa ang araw.

Hindi kami nag-iimikan kahit makababa na kami sa motorsiklo niya, hanggang maglakad sa aplaya. Sinusundan ko lang siya. Hindi ko alam kung bakit hindi ko rin mapangunahan ang usapan namin gayong hindi naman na ako kinakabahan. Bigyan ko na lang siya ng space kahit kasama niya 'ko. Baka gusto niya lang magpahinga at walang makasama kun'di ako.

Naglakad lang kami nang maglakad. Pero pansin kong nasa direksyon kami kung saan hindi namin madadaanan ang resort na dati kong pinapasukan kaya hindi na ako umangal.

Mabuti na lang at mahangin dito kahit mainit ang sikat ng araw...

Hanggang sa huminto siya sa tapat ng isang malaking payong na may nakalatag na banig. Mayroon ding dalawang basket na nakapatong sa latag.

May kinausap siyang batang lalaki pero saglit lang at umalis din naman.

Tinignan niya na ako at ngumiti saka nagmustra na lumapit ako sa kanya.

"Gusto mo mag-outing?" ngiwi kong tanong sa kanya.

Ito lang pala ang gusto niya kinakabahan pa siya.

Tumango naman siya sabay umupo na nang hindi man lang nagsasalita.

TornTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon