Passion

11 0 0
                                    

Walang katumbas na saya ang naramdaman ko nang, sa wakas, nakatagpo rin ako ng isang lugar na alam kong gugustuhin ko palaging uwian; siyang maituturing kong tahanan.

Nang makapasok ako sa loob nito ay hindi na ninais pa ng mga paa ko na muling humakbang palayo. Walang pasubali akong naglayag sa paligid nito—habang sinasanay ang sarili sa liwanag na nakapalibot dito. Wala akong araw na pinalagpas upang pasukin ang pinto ng bawat kwarto at kahit kaunting pag-aalinlangan ay nakalimutan ko. Ginusto kong suriin ang bawat sulok ng natagpuan kong lugar upang mas makilala ko pa ito nang lubusan.

Naging masaya at payapa ang mga unang buwan na nagdaan. Patuloy pa rin ako sa paglalakbay at pagkilala sa aking bagong tahanan. At habang may bagay akong nadidiskubre sa loob nito, mas lalo ko itong minamahal. Sa katotohanan, noong nakaraan lamang, minarapat kong mag-imbita at tumanggap ng mga bisita upang matuklasan at maramdaman din nila ang gaya ng sa'kin. Nais kong makita rin nila kung bakit dito ako masaya; dito ako naging malaya.

Ngunit isang umaga, natagpuan ko ang aking sarili na mag-isa—sa loob ng nakakandadong kwarto na nababalot ng dilim—hindi ako makahinga. Sinubukan ng mga mata kong hanapin ang liwanag na kinasanayan nito, subalit nabigo ako. Maging ang daan palabas ng kwarto ay hindi ko nagawang maaninag. Hanggang sa nagpaunahang tumulo ang mga luha ko nang masaksihan ko ang mga bangkay sa loob ng madilim na kwarto. Nakatakip ang kanilang mga kamay sa kanilang mga mata na tila ba'y isang kabalintunaang nasilaw sila sa gitna ng kadiliman o hindi kaya'y nasanay lamang sa liwanag ng itinuring din nilang tahanan.

Sa pagkakataon ding iyon, minabuti kong ipikit ang mga mata ko. At laking gulat ko nang makatanaw ako ng liwanag sa pagpikit ko, kasabay ng isang pag-alala na: sa gitna ng kadiliman, sa sarili natin mahahanap ang ninanais nating kaliwanagan.

Ang madilim na kwartong ito ay bahagi ng tahanang nais kong lagi't laging uwian. Gayunpaman, hindi ko dapat ito katakutan.

Through WordsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon