Sigaw sa Kadiliman

19 0 0
                                    

(My first ever writing collaboration with ate Ginny) ✨

Boses ay namamaos na,
'di man lang marinig mga hinaing nila.
Sigaw ay tulong,
ngunit tainga'y mistulang nakakulong.

Gaano pa ba dapat kalakas,
nang marinig ang siyang dinaranas?
Kailangan pa ba talagang isigaw,
upang 'yong atensyon ay mapukaw?

Bakit 'di niyo narinig
kanilang nais ipahiwatig?
Kung natugunan lamang ang mga hinaing at pangamba,
maraming buhay pa sana ang maisasalba.

Pero hindi nga ba talaga narinig,
o sadyang 'di lang nakinig?
Dahil iba ang wala talagang alam,
sa mga nagbibingi-bingihan lang.

Kung may pakialam,
bakit hinayaang magdusa?
Kung pagtulong ang motibo,
bakit hinayaang mahirapan sila?

Hinayaang maghumiyaw sa gitna ng kadiliman;
naghihintay ng kamay na makakapitan.
Mga sigaw na hindi mapakinggan;
mga boses na tila walang laban.

Kung walang isang nagsalita,
makuha niyo kayang mapansin sila?
kung walang isang kumilos,
hahayaan pa rin bang sila'y naghihikahos?

Mahina ba ang mga tinig,
o tainga'y mayroon lamang takip?
Sana'y isa na lang itong panaginip—
at bukas, magkaroon kayo ng kahit kaunting malasakit.

Huwag na sanang maulit pa,
dahil maraming taong sa inyo'y umaasa—
Umaasang makatutulong na makamtan
ang pagbabagong dati pa'y kanilang inaasam.

Pakinggan ang sigaw ng mga nangangailangan.
Huwag ang bulong ng inyong pansariling kagustuhan.
Pakinggan ang daing ng mga kinalimutan,
At huwag ang bulong ng inyong mapanghusgang isipan.

Alayan ng kamay ang mga nahihirapan.
Pakinggan ang mga sigaw sa gitna ng kadiliman.
Kung mayroon kang sapat na kakayahan,
pakiusap, atin silang tulungan.

Through WordsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon