(My second writing collaboration, with ate Angel. ✨)
Panibagong pagkakadapa;
panibagong buhos ng luha.
Pagtayo na naman ang problema.
Sa pagkakataong ito, kakayanin mo ba?Tila wala nang lakas,
problema'y kailan ba magwawakas?
Bakit parang walang katapusan
itong mga pagsubok na pinagdaraanan?Isabay pa ang ibang tao...
na tila hinihintay ang pagkakamali mo.
Hindi upang tulungan kang tumayo,
kun'di upang isubsob ka pa lalo.Sa tinagal-tagal mong paglalagi sa mundo,
iyo na sanang napagtanto—
dapat maging maingat sa mga taong kinakaibigan,
at siguraduhing sila ay may mabubuting kalooban.Sapagkat mayroong nandiyan lang sa saya,
ngunit wala kapag ikaw na'y nasa baba.
Kasama mo sa mga ngiti at tawa,
ngunit hindi sa mga pagpatak ng luha.Dahil sa ngayong pagpatak ng luha,
tanging sarili mo lang ang kasama.
Walang ibang maaasahan.
Kaya't heto ka, kinukumbinsi ang sarili mong tumahan.Ngunit dapat mong tandaan, lahat ng pagdapa ay hindi maiiwasan.
Hindi lahat ng pagkakamali ay dapat ituring na kapalpakan.
Bagkus ay tignan mo ito bilang isang karanasan
kung saan marami kang matututunan.Ang lupa ay wala namang pandikit,
kaya't di dapat mag-alinlangang tumayo at lumaban ulit.
Laban ulit para sa pangarap na itinanim ng Diyos sa iyong puso't isipan.
Laban lang at magtiwalang hinding-hindi ka Niya bibitiwan.At sa muli mong pagtayo,
huwag kang humakbang palayo.
Gamitin mong tungkod ang mga pagkakamaling ito;
magpatuloy ka sa pagtupad ng mga ninanais ng 'yong puso.Nawa'y maging inspirasyon ang iyong mga pangarap
sa muling pagsulong mo sa hinaharap.
Tiwala sa sarili ang gawing puhunan,
at lahat ng aral na natutunan ay 'wag mo sanang kalimutan.
BINABASA MO ANG
Through Words
PoetrySharing with you a book anthology of my English and Filipino short poems, open letters, prose and other literary works. Let me express myself through words. 🌻 Enjoy!