Nagbasa ka ba?

64 3 0
                                    

Ang lambot mo kumilos, bakla ka ba?

Bakit hindi ka nagbibistida? Tibo ka ba?

May karelasyon na yan, mabubuntis yan ng maaga.

Porket walang karelasyon, pangit na.

Matalino yan, hanggang libro lang ang kaya.

Ang tahimik mo naman, pustahan wala kang ibubuga.

Puro ka bunganga, hanggang daldal lang naman ang nagagawa.

Magaganda't gwapo nga, wala namang binatbat sa Matematika.

Humihingi lang ng limos, masamang tao na.

Puro kasalungat na kasarian lang ang kaibigan, malandi na.

Palagi lang magkasama, aakalain agad na may namamagitan sa kanilang dalawa.

Payat lang, mahina na.

Mataba lang, wala na agad kaya.

Pumunta lang ng ibang bansa, mayaman na.

Pero pag nalamang nandoon para magtrabaho, gipit na.

Hindi lang mahusay mag-Ingles, mangmang na.

Nagsasalita lang gamit ang ibang wika, maarte na.

Hindi mo pa nga nabubuksan ang aklat sa unang pahina, alam mo na agad ang buong istorya.

Binili mo ba ang papel na may sulat na?

Aasahan mo ba na kapag uulan, palagi kang may payong na dala?

Hindi naman paulit-ulit lang na sumisikat ang araw diba?

Ang ngiti ba nangangahulugan agad na masaya?

Lahat ba ng ibon, nakalilipad nang malaya?

Nakakain mo ba ang kanin kapag ito'y bigas pa?

Gugustuhin mo bang mapag-isipan o masabihan ng masasakit na salita?

Nanaisin mo bang mahusgahan ng mga hindi mo pa naman kakilala?

Masyado na ata tayong nagpapakain sa mga ganitong punto de vista;

Ganon na ba tayo kamanhid sa nararamdaman ng iba?

Nakalimutan na ba natin na kung ano ang ayaw nating gawin sa atin ay huwag nating gawin sa kapwa?

Hindi ba pwedeng pag-isipan muna natin nang mabuti ang mga bibitawang salita?

Matuto sana tayong umunawa bago ang dada.

Binigyan tayo ng karapatan na magpahayag nang malaya,

Ngunit kalakip nito ang tungkulin natin na maging maingat sa ating pananalita.

Kaya bago ka magbigay ng komento sa nakitang aklat na hindi mo pa alam ang istorya,

Tanungin mo muna ang iyong sarili sa una—

Nagbasa ka ba?

Through WordsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon