Chapter 20: Date

804 35 1
                                    

Vinisha's POV

Pilit kong ibinuka ang mga mata nang maayos. Tuwing humihinga ako ay parang may mainit na hangin na lumalabas sa aking ilong. Mainit din ang gilid ng mga mata ko at halos hindi ko na maintindihan ang binabasa.

Inilagay ko sa kaliwang balikat ang kanang kamay at marahang hinilot ang sarili. Masakit ang buo kong katawan. Hindi ako makagalaw nang maayos dahil sa pangingirot nito. I must have Myalgia.

"Lead, ayos ka lang ba?" may lumapit sa table ko rito sa library, miyembro ko ito sa section I. Gumuhit ang pag-aalala sa mukha nito nang tingnan ko siya.

Tumango ako, "Ayos lang ako. Salamat sa pag-aalala."

"Namumutla ka po. Baka kailangan mo nang pumunta sa infirmary. Sasamahan ko na kayo."

Mabilis kong inilingan ang sinabi niya at itinuro ang papel na nasa mesa. Sinenyasan ko siyang umalis. Nag-alangan itong umalis pero hindi ko na siya pinansin at itinuon ang atensyon sa papel.

Binabasa ko ang bawat reports ng mga section ng Class 2. Kailangan kong gumawa ng detailed report tungkol dito para maipasa sa Head at mabigyan ng pahintulot ang mga Hydorian na sumali sa school fest sa susunod na linggo. Kinakailangan kasi ito para malaman ng Head kung kaninong guild ang may magandang record sa klase. Isa ito sa mga pagkukuhanan ng puntos para sa susunod na Class Competition.

I was fuming mad when I received their reports today. I was waiting for this since last week and they managed to make me wait, and suffer completing this for just a day.

Gusto kong magpatawag ng meeting sa lahat ng mayor ng bawat section para komprontahin sila sa ginawa nilang kawalan ng pananagutan. Pero masyado akong pagod at masasayang lang ang enerhiya ko kung magsasalita pa ako nang matagal. Kaya pinili ko na lang na manahimik at tanggapin ang mga papeles na binigay.

Mabilis kong nilipat ang tingin sa laptop dahilan para biglang umikot ang aking paningin. Pumikit ako saglit at pinakalma ang sarili. Nang mabawasan ang hilo ay muli akong tumingin sa screen. Nagtipa ako habang binabalanse ang paghinga.

Hindi ko maintindihan ang nararamdaman. Parang nauubusan ako ng hangin. Mainit na rin ang mga pinapakawalan kong hininga. Para akong naiiyak sa sobrang init ng mga mata. At tila sumasayaw ang katawan sa kawalan ng lakas.

Tumigil ako at hinilot ang sintido. Bakit ngayon pa ako muling inatake ng sakit kung kailan kailangan ko ng lakas para matapos kaagad itong gawain ko? Inabot ko ang tumbler sa tabi ng laptop at uminom ng tubig. Nang umangat ang ulo ko para tumungga ay muntik na akong matumba sa bigat ng ulo.

Nawalan ako ng balanse kaya mabilis kong hinawakan ang mesa para masuportahan ang sarili ngunit aksidente kong natapunan ng tubig ang mga papel at ang laptop. Pakiramdam ko ay pinagsakluban ako ng langit at lupa. Naipikit ko nang mahigpit ang mga mata sa pagkabigo. Mas lalo lang akong nawalan ng lakas nang pigilan ang sariling magalit sa nangyari.

Tumayo ako mula sa pagkakaupo at itinabi ang tumbler at ginamit ang mahika para tuyuin ang mga gamit na nabasa. Ngunit nang gawin ko iyon ay namuwalan ako sa pagkakatayo. Itinukod ko ang dalawang kamay sa mesa at yumuko.

"Bullshit," nagdidilim ang paningin ko.

"Lead, ano'ng nangyayari sa'yo?"

"Tara na po, pumunta na tayong infirmary. Mukhang may sakit kayo."

"Hala si Lead, mukhang hindi maganda ang pakiramdam."

Naririnig ko ang usapan ng mga taong lumapit sa akin dito sa library. Akma nila akong aalalayan pero iwinasiwas ko lang ang kamay. Kaya ko pa ang sarili. Tatapusin ko na lang ito mamaya, magpapahinga muna ako sa dorm.

Sierra: Where Magic LivesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon