Mahigpit ang yakap ko kay Mama. Nalukot ko pa yata ang oversized niyang puting shirt sa higpit ng hawak ko.
Naalala ko ang batang ako. Iyong bata na naiwan mag isa sa bahay, gutom at umiiyak, naghihintay sa inang nangakong babalik na may dala nang pagkain. Ganoon ko siya sinalubong.
This time, hindi na dahil gutom sa pagkain. Kundi gutom naman sa oras niya.
"Itong si Yassi puro kadramahan ang alam. Bitiwan mo nga ako." Inalis ni Mama ang pagkayakap ko sa kanya. "Kay init init, gusto pang laging nakakapit sa akin."
Iritado si Mama. Kunot na kunot ang noo niya sa akin na para bang ang laking kasalanan na niyakap ko siya. Kinagat ko na lang ang loob ng labi para pigilan ang namumuong luha.
Ang dami kong gustong sabihin. Ang dami kong gustong itanong. Saan siya galing? Saan siya tumutuloy? Bakit hindi siya umuuwi? Totoo bang nakulong siya? Totoo ba ang akusasyon sa kanya?
Kaya lang, umalis sa harap ko si Mama at dumiretso sa kusina. Inisa isa niya ang kaldero at kawali, siguro ay gutom na.
Nahagip ng mata ko ang pag ilaw ng cellphone, tumatawag si Jarreau. Hindi ko nga lang pinansin at nilapitan na si Mama.
"Ano ba naman ito? Hindi ka nakapagluto? Corned beef ang ipapakain mo sa 'kin?" pagrereklamo ni Mama.
Pumamaywang siya sa harap ko at ang makapal na kilay ay nakataas.
Maganda si Mama. Or maybe at least for me because she's my mother. Hindi siya katabaan, hindi katulad ng mga kaedaran niyang nanay ngayon. Katamtaman ang kulay, mataas ang pisngi at malalim ang mata. Ang alam ko nga, marami siyang manliligaw kahit ngayon.
"Ang sabi mo kasi, Ma next week ka pa uuwi. Sana sinabi mong uuwi ka ngayon para nakapagluto ako. Saan ka po ba kasi galing?" ang naging sagot ko sa kanya.
"Ganoon naman talaga dapat." Pinaningkitan niya ako ng mata. "Pero ano itong narinig kong may mayaman kang nobyo?"
Naging mapaglaro ang tono ng boses niya. Para siyang tuwang tuwa ngunit pinipigilang lumabas iyon sa mukha niya.
Agaran ang pagkunot ng noo ko. Saan naman niya nabalitaan iyon? Mali pa!
"Wala akong boyfriend, Ma! Nanliligaw pa lang po," sagot ko sabay baba ng tingin, lumiit din ang boses ko sa huling mga salita.
"Manliligaw? Sino ba 'yan at nang makilatis? Mayaman daw eh. Anong mga binigay sa'yo?" tanong niya habang nililibot ang tingin sa paligid ng bahay.
Napahinto siya sa bandang likod ko. Naningkit muli ang mata bago mabilis na nagmartsa patungo roon.
Sinundan ko ng tingin si Mama. Kanina, hindi ko alam kung ano posible ang nakita niya dahil itong internet lang naman ang tumatak sa akin na bigay ni Jarreau.
Ngayon ko napagtanto na may mga ganito pa nga pala. Nanlalaki ang mata ko nang makitang tinutungo niya ang bulaklak. Inayos ko iyon at nilagay sa vase para kahit paano ay tumagal. Sa ibaba naman noon ay mga malalaking chocolate bars na bigay din ni Jarreau.
"Ito ang bigay sa'yo?" tunog disappointed si Mama habang nakaturo sa mga iyon.
Hindi ako sumagot at tumitig lang. Nararamdaman ko ang pag akyat ng init sa batok ko. Mamahaling bulaklak na iyon! Ni hindi ko alam kung anong klaseng bulaklak dahil ngayon ko lang nakita. At ang mga brands ng chocolate, hindi rin pamilyar sa akin pero mahahalatang hindi biro ang presyo lalo pa dahil malalaki.
Pero hindi na-impress si Mama doon.
"Jusko naman, Yassi. Sabihin mo sa manliligaw mo, hindi nakakain ang bulaklak. At ang chocolate, hindi naiuulam. Kung talagang mahal ka, bigyan ka ng isang kumpanya! Bilhan ka ng kotse! O di kaya'y bahay at lupa at nang mapirmi naman ako sa bahay!"
BINABASA MO ANG
Pawned (Gold Digger Series #2)
General FictionMayaman lang ang pwedeng manligaw kay Yassi Hernandez. Iyon ang pinakatumatak na utos ng Mama niya sa kanya. Kaya mula nang nagkaisip at natutong makisalamuha sa mga lalaki, mayayaman lang ang pinapansin niya. Biglaan at hindi inaasahan ang naging p...
