Eleventh

958 42 2
                                    

Tinanghali ako ng gising at akala ko ay naghihintay na si Jarreau sa labas. Mabuting wala pa. Napuyat ako kagabi sa kahihintay kay Mama na bumalik.

Umuwi nga pala siya kahapon. Hinahanap daw ako, ayon kay Tita Beth. Saglit na pumasok lang ito sa bahay tapos ay nagpaalam na ulit na aalis muna. Babalik daw ng gabi para kausapin ako pero hindi naman dumating.

Sinubukan ko siyang tawagan. Ring lang ng ring ang phone nito at walang sumasagot. Naisip kong baka importante ang sasabihin nito. At tungkol saan naman kaya?

Iyon ang nagpanatiling mulat sa akin kagabi kaya antok na antok ako ngayon habang nakasandal sa hamba ng pintuan para hintayin si Jarreau. Tiningnan ko ang relo, sampung minuto na ang nakaraan sa alas otso. Lagi siyang maaga, late na kapag sakto sa oras ng usapan ang dating niya.

Tinanghali din kaya ito ng gising? Bakit kaya? Baka naman masyado niyang inisip ang mga halik ko? Pisngi lang kaya 'yon! Paano pa kapag sa labi na?

Natatawa akong umiling sa mga naisip. Talaga ba? Umaasa akong kikiligin si Jarreau sa mga halik ko? Asa pa 'ko! Babaero nga raw silang mga Dela Siervo eh.

Nakita kong lumabas ang dalawang bata kong pinsan. Hawak ni William ang kamay ng nakakababatang kapatid, baliktad pa nga ang pagkasuot noon ng tsinelas. Hindi ko narinig ang pag aaway ni Tita Beth at Tito Caloy kanina. Wala ba ang mga ito? At kung wala nga, sino ang nag aasikaso sa mga bata?

"William! Harry!" tawag ko sa dalawang pinsan. Sabay silang lumingon. "Tara muna dito."

Inalalayang muli ni William si Harry sa direksyon ko. Nagtiim ang bagang ko habang pinapanood ang dalawa. Payat silang pareho. Madungis. Marumi ang damit. Halatang hindi naasikaso. Tapos ay buntis pa si Tita ngayon.

Nasasaktan ako para sa kanila. Alam ko ang hirap ng buhay noong bata ako. Walang makain dahil walang matinong trabaho si Mama. Lilibangin ang sarili sa laro para hindi indahin ang gutom. Hindi ko masasabing umangat na ang buhay ko ngayon pero nagkaroon lang ako ng pera nang natutunan ko nang magtrabaho para sa sarili.

Kaya ipinangako ko sa sariling hindi ako mag aanak kung ganitong buhay lang din ang dadatnan ng anak ko. Hindi ko kayang iparanas sa kanila ang kaparehong buhay na pinagdaanan ko. Hindi ko hahayaang magdusa sila kasama ko.

"Saan kayo pupunta?" tanong ko kay William. Nginitian ko si Harry na titig na titig ang bilugang mata sa akin.

"Bibili po ng pagkain," sagot nito sa akin.

"Nasaan ang pera niyo?"

Binuksan ni William ang palad at ipinakita sa akin ang baryang hawak. Namuo ang bikig sa lalamunan ko ngunit pinigilan ko ang sariling tuluyang bumigay. Tatlong piso lang iyon at dalawang bente singkong hindi na halos makilala sa sobrang pagkaitim.

"W-wala kayong mabibili diyan," nabasag ang boses ko ngunit agad akong tumikhim at ngumiti para itago ang nararamdamang pagkaawa sa mga pinsan.

"Ip si. One lang," utal na sabi ni Harry habang pinapakita ng isang daliri.

Lito kong binalingan si William, nanghihingi ng paliwanag sa sinabi ng kapatid.

"Dip Sea daw po ang gusto niya. Isa lang."

Lalong nangunot ang noo ko kasabay ng pangingilid ng luha. Chichirya iyon. Alam ko dahil iyon madalas ang naging ulam namin ni Mama noong bata ako. Minsan, kapag walang bigas, iyon na mismo ang pantawid gutom. Kasi mura lang. Piso lang, masasayaran na ng pagkain ang sikmura namin. Damihan na lang ang inom ng tubig para mabusog.

Kaya hindi ko matanggap na pati ang mga pinsan ko ay makakaranas ng hirap na 'yon.

"Nasaan ang Mama at Papa niyo?" tanong ko habang inaayos ang pagkakasuot ng tsinelas ni Harry.

Pawned (Gold Digger Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon