Twenty-fifth

1K 32 13
                                    

Magmula nang ibigay iyon ni Jarreau sa akin, naging parte na iyon ng katawan ko. Ramdam kong kulang ako kapag wala iyon, kahit noong nakakwintas palang sa akin. Hindi sukat sa akin pero hindi rin naman basta bastang natatanggal. At hindi ko hinuhubad maliban na lang kung...

"Ah...b-baka naiwan ko sa bahay. H-hinubad ko kanina noong naligo ako," nauutal kong sagot dahil hindi talaga ako sigurado.

Naramdaman ko ang pagtango ni Jarreau at ang pagyakap muli sa akin. Pilit kong inisip kung saan ko nga ba inilagay iyon. Suot ko ba iyon kaninang umaga? Hinubad ko ba noong practice? O noong nandito na sa condo ni Jarreau?

Hindi ko talaga matandaan. Sana nasa bahay lang. Sana nga, nandoon lang sa CR at naiwan ko noong naligo.

Kaya iyon agad ang pinuntahan ko pagkauwi. Halos baliktarin ko ang lahat ng nandoon. Wala akong singsing na natagpuan.

Hinalughog ko ang higaan ko pagkatapos. Sinunod ko ang kusina, sa pagbabakasakali na doon ko naman tinanggal nang maghugas ng pinggan. Buong bahay ang hinalughog ko ngunit wala talaga ang singsing.

Napaupo ako sa sahig, pagod at bigo. Hindi ko alam kung saan pa iyon posibleng napunta. Kung wala rito sa bahay, nasaan? Kailan pa ba iyon nawawala? Bakit hindi ko napansin?

Kung wala rito sa bahay, mas mahihirapan akong maghanap. Nalaglag ko ba sa labas? Saan saan ba ako nagpunta? Sa campus lang naman. Okay, namalengke ako noong isang araw. Wait, paano kung nanakaw pala nang hindi ko namamalayan?

Diyos ko! Patay ako. Sa Mama iyon ni Jarreau at higit pa sa halaga ng buhay ko ang halaga noon sa kanya.

"Is there a problem?" tanong ni Jarreau habang nasa sasakyan niya at papasok na sa eskwela.

Kanina ko pa iginagala ang paningin sa buong sasakyan niya, umaasa na dito ko lang nalaglag ang singsing. Kahit anong yuko at kapa ko sa ilalim ng upuan, wala talaga eh.

Ilang araw na akong naghanap sa bahay. Ilang araw ko nang iniiba ang ayos ng bawat gamit, iniisip na nahulog lang at gumulong sa ilalim ng mesa o cabinet. Bigo pa rin ako. Ngayon ko lang tuluyang natanggap na wala nga iyon sa bahay kaya naghanap na ako sa ibang lugar.

"W-wala naman!" kabado kong sagot. "Inayos ko lang itong medyas ko."

"Alright." Ngumiti sa akin si Jarreau. Pilit naman ang naging balik ko sa kanya.

Bumaling ako sa bintana at mariing napapikit. Inagahan ko ang pagbibihis kanina at iginugol ang oras sa paghahanap ng singsing sa labas ng bahay. Baka doon ko nalaglag.

Maliit lang ang perlas pero makinang ang mga batong nakapalibot doon. Kung nahulog nga sa labas at nasinagan ng araw, madali iyong makakaagaw ng pansin.

"May hinahanap ka?" tanong ni Tita Beth kanina nang maabutan akong nakayuko at tutok sa paghahanap.

Dumiretso ako ng tayo at hinarap ang tiyahin.

"Iyong singsing ko po. Hindi ko kasi makita sa bahay. Baka lang dito ko nahulog."

"Anong singsing ba iyan?"

"Pearl ring, Tita. Puti at may maliliit na bato lang sa paligid."

Umaasa ako na may makakatulong sa akin sa paghahanap. Kaya lang, noong kumunot ang noo niya at dumiretso ng tayo na tila interesado, kinabahan ako.

"Galing sa boyfriend mong de kotse?"

Hindi ako bulag at bingi sa mga nagawa nila ni Tito Caloy sa nakaraan. May tinakbuhan sila sa Isabela. Malaking halaga ang nakuha nila at nagtago rito. Kung sila man ang unang makakakita ng singsing ko, duda rin akong sasabihin nila sa akin iyon.

Pawned (Gold Digger Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon