Just like that, balik sa dati ang turingan namin ni Jarreau. Palagi na naman kaming magkasama at kung hindi man, magkatawagan o magka-chat. Parang wala ngang tampuhang naganap sa pagitan namin. Nabura na lahat ang bakas noon.
Sabay kami laging pumasok at umuwi. Kapag may practice kami sa cheer dance, hihintayin niya ako. Kaya minsan sa mga practice game nila, naghihintay din ako. Ewan ko nga lang sa lalaking ito dahil nakagawian na ang hilahin ako paalis sa gitna ng laro nila, kapag natatambakan nila ang kalaban.
Ang ending, nililibot namin ang buong Solano gamit ang motor niya.
Hindi naman din ako nagsisising pinatawad ko siya. Mas lumalim ang pagkakilala ko sa kanya. Mas naging pasensyoso siya sa akin. Mas naging protective. At kahit isang beses, hindi niya isinumbat sa akin ang ginawa kong pagsisinungaling sa kanya.
"Maganda naman, ah?" si Shylene nang matapos ko ang bracelet na balak iregalo kay Jarreau ngayong birthday niya.
Alanganin ko iyong tiningnan, hindi ko pa rin magawang maging satisfied. Sa dami ng mga ginagawa at binibigay niya sa akin, pakiramdam ko walang regalong sasapat sa lahat ng iyon.
"Nakakahiya namang ibigay 'to, Shy," malungkot na sabi ko sa kanya.
Handmade lang ito at tira tirang mga gamit lang sa mga art projects niya dati. Wala akong pera para sa mamahaling regalo. Sinabi naman ni Jarreau na huwag na akong mag-abala. Ang gusto niya lang ay nandoon ako mamaya. Ako lang talaga ang mapilit.
"Ano ka ba? Mas magugustuhan pa nga 'yan ni Jarreau. Kaya niyang bilhin ang pinakamahal na alahas pero iyan, hindi niya 'yan mabibili sa kahit saan dahil ikaw mismo ang gumawa."
Nginisihan ako nito at maya maya ay kiniliti sa tagiliran.
"Haba ng hair, sis!" panunukso niya habang iminumuwestra ang kunwaring pagsusuklay ng mahaba ko raw na buhok.
Tinulak ko ang kamay niya.
"Ewan ko sa'yo! Kita mong namomroblema 'yung tao eh"
"Kung ako kasi sa'yo, sagutin mo na lang. Magtatatalon pa 'yan sa tuwa," suhestiyon niya.
Nagtambol ang puso ko. Ilang beses na iyong dumaan sa isip ko. May mga araw ding nasa dulo na ng dila ko ang pagbibigay ko ng oo sa kanya, nauunahan lang ng kaba. At hindi rin kasi siya nagtatanong pa. Tingin ko, kailangan niya akong tanungin para maibigay ko ang sagot.
Umiling ako. Kung tatanungin niya ako ngayong gabi, sasagutin ko siya. Pero kung ibibigay ko ang sagot bilang regalo sa birthday niya...
"Ayaw mo?" natatawang tanong ng pinsan ko.
"Ayoko. Ano ba ang madalas mong regalo kay Ivan sa mga espesyal na okasyon?"
Malisyosa siyang ngumisi. At namula pa!
"Hmm...simple lang pero mukhang natuwa naman siya noong first anniversary namin."
"Bakit?" kuryos kong tanong at lalong nakinig nang mabuti.
Nga lang, tinuro niya ang dibdib niya.
"Pinahawak ko sa kanya 'to--"
Hinagisan ko siya ng isang bolang yarn para tumigil. Tawa siya ng tawa.
Gabi ang usapan namin ni Jarreau. Handa na ako bago mag alas sais dahil susunduin niya raw ako rito. Minsan ko pang tiningnan ang sarili sa harap ng salamin habang naghihintay.
Alam talaga ni Shy ang mga hilig kong damit. Isang simpleng flowy floral dress na hanggang tuhod ang suot ko. Off shoulder ito, pansin na pansin ang collar bone kong kinaiinggitan ng maraming kaklase.
BINABASA MO ANG
Pawned (Gold Digger Series #2)
General FictionMayaman lang ang pwedeng manligaw kay Yassi Hernandez. Iyon ang pinakatumatak na utos ng Mama niya sa kanya. Kaya mula nang nagkaisip at natutong makisalamuha sa mga lalaki, mayayaman lang ang pinapansin niya. Biglaan at hindi inaasahan ang naging p...